Ang mga paksa ay:
- Maaari nating laging pagtiwalaan si Hesus
- Tayo ay nilalang para sa langit
- Pagtingin sa sarili nating buhay
ALAM NI HESUS na sa loob ng ilang oras ay darakpin Siya ng mga kawal, kaya inihahanda na Niya ang Kanyang sarili para sa Pasyon. Pinili Niyang gugulin ang Kanyang mga huling sandali kasama ang mga taong pinakamatagal Niyang nakasama, ang mga minahal Niya sa isang natatanging paraan: ang mga apostol. Sa pagtatapos ng Huling Hapunan, binuksan ni Hesus ang Kanyang puso sa kanila. Bagama’t ganap Niyang batid ang pagdurusa, kalungkutan, at pangungulilang darating, ayaw Niyang panghinaan ng loob ang Kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos; manalig din kayo sa akin” (Jn 14:1).
Ito ang susi na ibinigay ng ating Panginoon sa Kanyang mga alagad upang harapin ang mga darating na pangyayari: ang magtiwala sa Kanya. Maaaring sa unang tingin ay tila malabo ang payong ito, ngunit sa katotohanan, tumutugon ito sa isang mahalagang pangangailangang pantao: ang pangangailangan ng malinaw na sandigan, ang pangangailangang umasa sa isang tao. Halimbawa, kapag ang isang tao ay naligaw sa isang lungsod, una niyang sinusubukang tukuyin ang isang pamilyar na lugar at doon magsimulang muli. Ipinapayo ni Hesus sa mga apostol na gawin din ito kapag sila’y makaramdam ng pagkaligaw sa mga darating na araw ng Kanyang Pasyon: ang manalig sa Kanya. Ibig sabihin, ang mapagtanto na ang Kanyang pagdurusa ay hindi magiging walang saysay, kundi, gaya ng sinabi Niya sa kanila, ito’y gagawin upang ibigay sa atin ang isang bago at higit na masaganang buhay.
Gaya ng mga apostol, maaari rin tayong dumaan sa mga sitwasyong tila nararanasan natin ang kawalan ng presensya ni Hesus. Ang pagkapagod, mga hindi pagkakaunawaan, o karamdaman ay maaaring magpahina sa atin at magdala sa atin sa pag-aakalang tayo’y nag-iisa. At tiyak na sa mga sandaling iyon, hinihiling ng ating Panginoon na magtiwala tayo sa Kanya, “na huwag umasa sa ating sarili kundi sa Kanya. Sapagkat ang paglaya mula sa pagkabagabag ay nakasalalay sa pagtitiwala ng ating sarili. Ang ipagkatiwala ang ating sarili kay Hesus, ay paggawa ng ‘hakbang ng pananampalataya.’ At ito ang paglaya mula sa pagkabagabag. Si Hesus ay muling nabuhay at nabubuhay upang laging makasama natin. Maaari nating sabihin sa Kanya, ‘Hesus, naniniwala akong Ikaw ay muling nabuhay at Ikaw ay nasa aking piling. Naniniwala akong pinakikinggan Mo ako. Inilalapit ko sa Iyo ang mga bagay na bumabagabag sa akin, ang aking mga suliranin; may pananampalataya ako sa Iyo at ipinagkakatiwala ko ang aking sarili sa Iyo.’” [1]
SA KANYANG PAMAMAALAM noong Huling Hapunan, nagbigay si Hesus ng isa pang dahilan ng kaaliwan sa mga araw ng Kanyang Pasyon: Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako’y paroroon upang maghanda ng lugar para sa inyo? At kung ako’y paroroon at maghanda ng lugar para sa inyo, ako’y babalik at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon. (Jn 14:2–3).
Inihahanda ng ating Panginoon ang Kanyang kamatayan upang maglaan ng lugar para sa atin sa langit, isang lugar na lampas sa anumang maaari nating isipin. Ang tanging nalalaman natin ay magtatagal ito magpakailanman (bagama’t ang panahon mismo ay misteryo rin para sa atin) at tayo’y makakasama ng Diyos.
Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay hindi lamang isang karaniwang himala. Hindi lamang ito pagbabalik ng buhay sa isang patay na katawan, gaya ng nangyari kay Lazaro (cf. Jn 11:1–44) o sa binata mula sa Nain (cf. Lk 7:11–17). Sapagkat silang dalawa ay mamamatay muli balang araw.
Sinira ni Hesus ang mga tanikala “upang marating ang isang ganap na bagong uri ng buhay, isang buhay na hindi na saklaw ng batas ng pag-usbong at kamatayan, kundi lumalampas sa lahat ng ito; isang buhay na nagbukas ng isang bagong dimensyon para sa sangkatauhan.” [2]
Sa pagbubukas ng bagong dimensyong ito, ang buhay na ipinagkaloob sa atin ni Hesus ay hindi usapin ng paghahanap ng pagdurusa rito sa lupa upang sa huli ay makatagpo ng kaligayahan sa Paraiso. Ang lahat ng santo, sa iba’t ibang panahon at kalagayan, ay naging tunay na masasayang tao. Kaya’t isinulat ni San Josemaría na “ang kaligayahan sa langit ay para sa mga marunong maging masaya rito sa lupa.” [3]
Inihanda ni Kristo para sa atin ang isang hinaharap na nagbibigay-liwanag sa ating kasalukuyang buhay at pumupuno ng kagalakan sa ating paglalakbay rito sa lupa. Kaya’t makikilala natin ang pag-ibig ng Diyos sa bawat sitwasyon: sa kahirapan at sa kasaganaan, sa karangalan at sa paghamak, sa kalusugan at sa karamdaman, sa kapayapaan at sa pag-uusig. Sa bawat sandali ng ating buhay, inihahanda natin ang ating sarili para sa bagong tahanang iyon, sapagkat, sa katotohanan, tayo’y nilalang para sa langit (cf. Fil 4:11–13).
SUMASAGOT SI TOMAS sa mga salita ni Hesus sa pamamagitan ng isang tanong na puno ng praktikal na pag-iisip: Panginoon, hindi namin alam kung saan Ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan? (Jn 14:5). Tunay nga, ang dalawang payo ng ating Panginoon—ang magtiwala sa Kanya at ang pangako ng langit—ay hindi madaling isabuhay. Si Tomas, gaya ng sinuman, ay naghahanap ng higit na katiyakan. Para itong pagtatanong sa sarili, “Paano ko malalaman kung talagang sinusunod ko ang Diyos, o kung kinukumbinsi ko lamang ang aking sarili na ito ang tamang gawin kahit hindi naman?”
Si Felipe rin ay naghahangad ng higit na katiyakan at nagsabi: Ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na iyon para sa amin (Jn 14:8). Ngunit tumugon si Hesus sa pamamagitan ng isang tanong: Matagal na kitang kasama, at hindi mo pa rin ako nakikilala? (Jn 14:9). Nais ni Kristo na matagpuan ng apostol ang sagot sa pagtingin sa sarili niyang buhay. Ang karanasan ng kanyang ugnayan kay Hesus ay higit na mapanghikayat kaysa sa anumang mga salita. Ang alaala ng mga pangyayaring kanilang pinagsamahan—ang kagalakan nang tawagin Siya ni Hesus upang sumunod, ang mga unang himala, ang mga pag-uusap na silang dalawa lamang—ang maghahatid sa kanya sa pagtitiwala kay Hesus kapag dumating ang mga sandaling mahirap, gaya ng Pasyon.
Ang mga pangyayari sa Pasko ng Pagkabuhay ay dapat “magbalik sa atin sa biyaya ng ating sariling nakaraan; ibinabalik tayo nito sa Galilea, kung saan nagsimula ang ating kuwento ng pag-ibig kay Hesus, kung saan naganap ang unang pagtawag. Sa madaling salita, hinihiling nitong muling buhayin natin ang sandaling iyon, ang sitwasyong iyon, ang karanasang iyon kung saan natin nakilala ang Panginoon, naranasan ang Kanyang pag-ibig, at tumanggap ng isang ganap na bagong paraan ng pagtingin sa ating sarili, sa mundong ating ginagalawan, at sa mismong misteryo ng buhay.” [4]
Kung gayon, mas magiging madali para sa atin ang magtiwala kay Hesus at sa Kanyang mga pangako. Madalas gunitain ng Mahal na Birhen ang mga natatanging sandali sa kanyang buhay na may kaugnayan sa kanyang Anak. Tutulungan tayo ni Maria na huwag kailanman mawala sa ating paningin ang pag-ibig na nagbigay sa atin ng bagong buhay at patuloy na nagbibigay nito.
[1] Francisco, Regina Caeli, 10 Mayo 2020.
[2] Benedicto XVI, Jesus of Nazareth, Tomo III, p. 274.
[3] San Josemaría, The Forge, Blg. 1005.
[4] Francisco, Homiliya, 8 Abril 2023.
