Ang mga paksa ay:
- Lubos tayong kilala ng Mabuting Pastol
- Tiwala na nagmumula sa paniniwalang ginagabayan tayo ng ating Panginoon
- Bahagi tayo ng pamilya ni Kristo
ANG IKAAPAT NA LINGGO ng Pasko ng Pagkabuhay ay tradisyonal na tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol. Mababasa natin sa Ebanghelyo ng Misa sa araw na ito na sa Kapistahan ng Pagtatalaga, binanggit ni Jesus ang mga salitang ito sa portiko (pasilyo ng gusali) ni Solomon sa Templo ng Herusalem: Pinakikinggan ng aking mga tupa ang aking tinig; kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan; hindi sila kailanman mapapahamak, at walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. Ang aking Ama na nagbigay sa kanila sa akin ay higit na dakila kaysa sa lahat, at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama (Jn 10:27–30).
Nagagalak ang buong Simbahan sapagkat ang Muling Nabuhay na Kristo ang ating Pastol at kilala Niya ang bawat isa sa atin. Siya ang gumawa sa atin, at tayo ay Kanya; tayo ay Kanyang bayan at mga tupa ng Kanyang pastulan (Aw 100:3). Kilala Niya tayo nang lubos sa pamamagitan ng “isang malalim na personal na ugnayan: kaalaman ng puso, ng nagmamahal at minamahal; ng tapat at marunong magtiwala.” [1] Nauunawaan tayo ng Muling Nabuhay na Panginoon “sa pamamagitan ng pinakapanloob na kaalaman, kapareho ng kaalamang taglay ng Anak sa pagkilala at pagyakap sa Ama at, sa Ama, sa walang hanggang katotohanan at pag-ibig.” [2]
Nakikilala ng kawan ang tinig ng kanilang pastol; tumutugon at sumusunod sila sa Kanyang tawag. Kapag naririnig ang tinig at sipol ng kanilang pastol, nakadarama ng kapanatagan ang mga tupa, sapagkat alam nilang sila ay ligtas. “Nakakapukaw ang hiwaga ng Kanyang tinig; isipin na lamang na mula sa sinapupunan ng ating ina, natututo na tayong makilala ang kanyang tinig at ang tinig ng ating ama; sa himig ng isang tinig natin nadarama ang pag-ibig o paghamak, paglalambing o panlalamig. Natatangi ang tinig ni Jesus! Kapag natutunan nating makilala ito, ginagabayan Niya tayo sa landas ng buhay.” [3]
NAGLAKBAY ANG MGA UNANG APOSTOL sa kilalang daigdig na taglay ang katiyakang ito. Alam nilang sila ay mga saksi sa natatanging pag-ibig na ito, at nadama nilang ligtas sila sa mga kamay ng Diyos. Kapag may mga landas na nagsasara para sa kanila, buong tapang silang nagbubukas ng iba. Ito ang ginawa nina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Pisidia, nang harapin nila ang pusong sarado at inggit ng ilan sa mga Hudyo. Kinakailangang ipahayag muna sa inyo ang salita ng Diyos. Ngunit yamang itinatakwil ninyo ito at hinahatulan ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, ngayo’y bumabaling kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon (Gawa 13:46–47).
Walang masamang maaaring mangyari sa atin kung tayo’y magtitiwala kay Kristo at hahayaan Siyang gumabay sa atin, gaya ng isang mabuting pastol, sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang kamay. Sa gayon, ang Kanyang mga tupa ay hindi na magugutom ni mauuhaw pa; hindi na sila tatamaan ng araw ni ng matinding init. Sapagkat ang Kordero sa gitna ng trono ang magiging kanilang pastol at gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata (Pah 7:16–17).
Hindi ito nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay titigil na sa pagdanas ng mga paghihirap at pagsubok. Nagbabala mismo si Jesus sa Kanyang mga apostol: “Kayo’y dadalhin sa mga kapulungan; hahagupitin kayo sa mga sinagoga; at ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari alang-alang sa akin, upang magpatotoo sa harap nila (Mk 13:9).” Hinaharap ng isang anak ng Diyos ang mga hindi maiiwasang kabiguan ng bawat landas sa buhay nang may pagtitiwala na “kilala ni Jesus ang ating mga lakas at kahinaan, at lagi Siyang handang mag-alaga sa atin, pagalingin ang mga sugat ng ating mga pagkakamali sa kasaganaan ng Kanyang biyaya.” [4] Iyan ang dahilan kung bakit Siya ang Mabuting Pastol. Siya ay “nagmalasakit para sa Kanyang mga tupa. Tinatipon Niya sila, binabalutan ang kanilang mga sugat, at pinagagaling ang kanilang mga karamdaman.” [5]
SA PAMAMAGITAN NG LARAWAN ng Mabuting Pastol, inihahayag ni Jesus ang Kanyang pakikiisa sa Ama: Ako at ang Ama ay iisa … ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa Ama (Jn 10:30, 38). Tinanong Siya ng mga pinunong Judio: “Hanggang kailan mo kami pananatilihing nag-aalinlangan? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang malinaw (Jn 10:24).” Ang tugon ni Jesus ay napakatapang at nakagugulat, dahilan upang maiskandalo sila: “Ikaw, na tao lamang, ay nagpapanggap na Diyos (Jn 10:33).” Marami sa mga nakikinig ang tumugon nang may pananampalataya, ngunit ang ilan, lalo na ang mga pinuno ng bayan, ay tumanggi sa Kanya nang may poot, hanggang sa dumampot sila ng mga bato at akmang Siya’y batuhin.
Ang pagkakaisa ng Ama at ng Anak ang pangunahing sentro ng hiwaga ng Diyos. Pinabanal ng Ama ang Anak at isinugo Siya sa sanlibutan (cf. Jn 10:36), at ipinagkatiwala sa Kanya ang misyon ng pag-aalaga sa mga tupa. Tayo ay bahagi ng pamilya ni Kristo sapagkat tayo mismo ay Kanyang pinili (cf. Ef 1:4). “Pumapasok tayo sa Kanyang kawan, bilang tugon sa Kanyang tawag, bilang banayad na sipol ng Mabuting Pastol. Tiyak na sa loob lamang ng Kanyang kanlungan natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan, dito at sa walang hanggan.” [6] Hinahanap ng ating Panginoon ang bawat isa sapagkat “napakahalaga sa Kanya ng lahat ng Kanyang mga tupa, at hindi Niya isinasara ang mga pintuan sa mga sugatan at may karamdaman kapag sila’y nagbabalik na sabik na magpagaling.” [7]
Kaya’t tayo’y naaantig sa daing ni Jesus nang harapin Niya ang katigasan ng ilang puso: “Sinabi ko na sa inyo, ngunit hindi kayo naniniwala (Jn 10:25).” Ang pananampalataya ay nangangailangan ng isang mapagmatyag at malayang kalooban, isang pusong handang makinig sa tinig ng pastol. “Nakakakita ako dahil sa liwanag ng araw; ngunit kung ipipikit ko ang aking mga mata, wala akong makikita. Hindi ito kasalanan ng araw, kundi ng sarili kong kasalanan, sapagkat sa pagpikit ng aking mga mata ay pinipigilan ko ang liwanag ng araw na makarating sa akin.” [8] Tutulungan tayo ni Maria na buksan nang maluwang ang ating mga puso sa pag-ibig ng Diyos, at makinig nang may galak sa tinig ng Mabuting Pastol na tumatawag sa atin sa pamamagitan ng ating pangalan.
[1] Papa Benedikto XVI, Homiliya, 29 Abril 2007.
[2] San Juan Pablo II, Homiliya, 27 Abril 1980.
[3] Papa Francisco, Regina Caeli, 21 Abril 2013.
[4] Papa Francisco, Regina Caeli, 25 Abril 2021.
[5] Ibid.
[6] San Josemaría, Friends of God, blg. 22.
[7] San Josemaría, While He Spoke to Us on the Way, blg. 279.
[8] Santo Tomas de Aquino, Sup. Ev. Ioann. in loc.
