Pagninilay: Ikatlong Linggo sa Panahon ng Muling Pagkabuhay

Ilang mga pagninilay na maaaring magpayaman sa ating panalangin sa ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ang mga paksa ay:

  • Kapag humihina ang liwanag sa landas ng buhay
  • Sinamahan ni Hesus ang mga alagad sa paglalakbay pabalik sa kanilang dating buhay sa Emaus
  • Pagpapanumbalik ng lakas sa panalangin at sa mga sakramento

SA MGA ARAW na ito ng Pasko ng Pagkabuhay, inihahandog sa atin ng liturhiya ang bahagi ng talumpati ni Pedro sa mga Israelita noong araw ng Pentecostes. Matapos tanggapin ang kaloob ng Espiritu Santo, pinaalalahanan ni Pedro ang bayan na si Haring David ay nagsalita na tungkol sa muling pagkabuhay ni Kristo: “Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko Siya. Kaya’t ako’y nagdiriwang, puso at diwa ko’y nagagalak, gayon din naman, ako’y mabubuhay nang may pag-asa. Sapagkat hindi mo pababayaan ang aking kaluluwa sa Hades, at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod.” (Gawa 2:25–27).

Ang mga araw ng Pasyon ay tila malayo na ngayon. Ngunit malinaw na sariwa pa sa alaala ni Pedro at ng iba pang mga apostol ang mga madidilim na panahong iyon. Sa maikling sandali, ang lahat ng nagbigay-sigla sa kanila ay tila nawalan ng saysay. Ngunit ngayon, matapos masaksihan ang muling pagkabuhay ni Hesus at matanggap ang Espiritung Banal, maaari na nilang sabihin kasama ni Haring David: “Itinuturo mo sa akin ang landas ng buhay; sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan.” (Awit 16:11).

Naunawaan ng mga apostol na hindi laging ginagabayan ng liwanag ang landas ng buhay. Dumarating ang sandali—gaya noong Pasyon—na tila nagdidilim ang lahat at sinisikap tayong daigin ng kalungkutan. Ngunit ang katiyakang si Kristo ay buhay ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at nagbabalik ng ating kagalakan. Ito ang katiyakang nagtutulak sa atin na magpatuloy kahit sa gitna ng dilim. Tulad ng mga apostol, hindi tayo iniiwan ni Kristo, ni hinahayaang makaranas ng pagkasiphayo kung hahayaan natin Siyang gumabay sa ating buhay. “Si Kristo ay hindi isang taong dumating at lumipas na lamang, na nabuhay sa isang panahon at pagkatapos ay nawala, iniwan lamang sa atin ang isang magandang halimbawa at alaala. Hindi. Si Kristo ay buhay. Si Hesus ang Emmanuel: Ang Diyos na kasama natin. Ipinakikita ng Kaniyang muling pagkabuhay na hindi tayo iniiwan ng Diyos.” [1]


HINDI AGAD NAKILALA NG DALAWANG ALAGAD mula sa Emaus ang liwanag ng muling pagkabuhay. Sa gitna ng kanilang kalungkutan, nagpasya silang bumalik sa lugar na kanilang itinuturing na ligtas—sa kanilang bayan. Pinili nilang umasa sa mga bagay na matagal na nilang kilala: ang kanilang tahanan, trabaho, at mga personal na plano. Iniwan nila ang lahat ng ito upang sumunod kay Hesus. Ngunit ngayon, dahil tila nawala na ang nagbigay-kahulugan sa kanilang sakripisyo, inakala nilang ang tanging natitira ay ang pagbabalik sa dati nilang buhay.

Sa pag-asa ng dalawang alagad na mababawi ang kanilang nakaraan, nabigo silang buksan ang mga sarili sa tunay na pag-asa. Habang sila’y naglalakad patungong Emaus, malinaw ang kanilang patutunguhan, ngunit nag-aalinlangan ang kanilang loob. Narinig nila ang sinabi ng ilang kababaihan na hindi nila nakita ang katawan ni Hesus at sinabi ng mga anghel na Siya’y buhay. Ngunit hindi nila ito pinaniwalaan. Ni ang pagpapatotoo ng iba pang mga alagad na nagsabing nakita rin nila ito ay hindi nagpabago ng kanilang pasya (cf. Lk 24:22–24). Kaya’t nang iwanan nila ang Herusalem at makatagpoang Panginoon sa daan, “Hindi nila siya nakilala bagamat nakasama nila.” (Lk 24:16). At nang tanungin sila ni Hesus kung ano ang kanilang pinag-uusapan, “Sila’y tumigil, napuno ng kalungkutan.” (Lk 24:17).

Ang kalagayan ng dalawang alagad ay katulad ng mga sumusuko sa tukso na bumalik sa landas na dati nang tinahak. Sa simula, ang “bagong direksyon” ay nakahahalina dahil sa “mga bagay na kaakit-akit ngunit mapanlinlang.Hindi nito kayang ibigay ang kanilang ipinangangako at sa huli ay nag-iiwan ng damdamin ng kawalan at kalungkutan. Ang damdamin ng kawalan at kalungkutan ay maaring tanda na tayo ay napunta sa maling landas na nagligaw sa atin.” [2] Ngunit kapag nananatili tayong malapit sa Panginoon, binibigyang-kakayahan tayo ng Kaniyang liwanag na makita ang higit sa kasalukuyang sandali at ipagpatuloy ang landas na sinimulan nating tahakin kasama Niya. Ang pansamantalang dilim at pagkawala ng kahulugan ay hindi pangwakas, ni hindi ito maaasahang tanda kapag tayo’y naliligaw sa buhay. Sa bawat sandali, may pagkakataon tayong magsimulang muli, makilala ang Muling Nabuhay na si Hesus na sumasabay sa atin sa daan at nagbibigay ng tunay na pag-asa—kung tatanggapin nating muli ang Kaniyang paanyaya na makinig at sumunod sa Kaniya. Hindi nawawala ang ating buhay kung mabubuhay tayo kasama Niya. “Ang Panginoon lamang ang makapagpapatunay kung ano ang ating halaga. Ipinahahayag Niya ito sa atin araw-araw mula sa Krus: namatay siya para sa atin upang ipakita kung gaano tayo kahalaga sa Kaniyang paningin. Walang balakid o kabiguang makahahadlang sa Kaniyang magiliw na yakap.” [3]


RAMDAM NI HESUS ang lungkot ng dalawang alagad. Nakikinig Siya nang may pag-unawa habang binubuksannila ang kanilang puso at inihahayag ang dahilan ng kanilang pagkabigo: “Kami’y umaasa na siya na ang magliligtas sa Israel” (Lk 24:21). “Nauunawaan ng Panginoon ang kanilang dalamhati; sinisilip Niya ang kanilang puso at ibinabahagi sa kanila ang bahagi ng buhay na nananahan sa Kaniya.” [4] Sinimulan Niyang ipaliwanag sa kanila ang tunay na kahulugan ng mga Kasulatan at kung paanong kinakailangang magdusa ang Mesiyas. Sa bawat salita ni Hesus, unti-unting muling natuklasan ng dalawang alagad ang kagalakang dating pumuno sa kanilang buhay bilang mga alagad. Ngunit hindi pa rin nila Siya nakikilala. Tanging nang makita nilang pinaghati at binasbasan Niya ang tinapay sa hapag saka pa lamang nila napagtantong Siya ang Muling Nabuhay na Kristo (cf. Lk 24:31).

Umalis ang dalawang alagad patungong Emaus upang bumalik sa dati nilang pamumuhay. Ngunit hindi angpagninilay sa kanilang nakaraang kapanatagan ang nagpanumbalik ng kanilang pag-asa, kundi ang kanilang pagkakatagpo kay Hesus: “Hindi ba nag-aalab ang ating puso habang siya’y nagsasalita sa atin sa daan at nagpapaliwanag ng mga Kasulatan?” (Lk 24:32). Tayo rin, sa pakikinig sa Kaniyang mga salita sa Ebanghelyo at sa pagkilala sa kaniyang presensiya sa Eukaristiya, ay muling makaranas ng kagalakang dulot ng paglalakad kasama si Hesus. Ang isang buhay na may tapat na panalangin at madalas na pagtanggap ng mga sakramento ay tumutulong sa atin na muling ituwid ang direksiyon ng ating buhay. Ang ating isip, kalooban, at damdamin ay mapayapang muling pinagkakaisa, at tayo’y napapanibago ng Kaniyang biyaya. Kahit sa mga sandali ng pagkaligaw, muling ginagawa ni Hesus na maging kasama Niya tayo at inaalok tayo nang mas malalim na pakahulugan sa landas ng ating buhay. Kapag sumilong tayo sa pag-ibig ng Muling Nabuhay na si Hesus, ang kamalayan sa ating bokasyon at misyon bilang mga alagad ay muling mananariwa.

Naranasan din ng Mahal na Birhen ang mga sandali ng karimlan tulad ng mga naglakbay patungong Emaus. Walang sinuman ang higit na nasaktan at nalungkot sa kamatayan ni Hesus kundi si Maria. Ngunit ang kaniyang pagtitiwala sa Diyos ang nagtulak sa kaniya na tanggapin ang pagkawala ng kaniyang Anak nang may pag-asa. Inilalagak niya ang kaniyang katiyakan sa huling tagumpay ni Kristo laban sa kamatayan. “Huwag mong hayaang panghihina ng loob ang iyong apostolado. Hindi ka nabigo, tulad ng hindi pagkabigo ni Kristo sa Krus. Lakasan mo ang iyong loob! Magpatuloy ka, salungat sa agos na pinangangalagaan ka ng Pinakamalinis at Maka-inang Puso ni Maria. Sancta Maria, refugium nostrum et virtus! ikaw ang aking kanlungan at aking lakas.” [5]


[1] San Josemaría, Christ is Passing By, blg. 102.
[2] Papa Francisco, Audiencia, 5 Oktubre 2022.
[3] Ibid.
[4] San Josemaría, Christ is Passing By, blg. 105.
[5] San Josemaría, The Way of the Cross, Ikalabintatlong Istasyon, blg. 3.