Ang mga paksa ay:
- Ang banal na pananahan ng Diyos sa ating kaluluwa
- Ang Espiritu Santo at kapayapaan
- Ang apoy ng Espiritu Santo
NALALAPIT NA ANG PAGTATAPOS ng Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa mga nagdaang linggo, inalala natin ang mga pagpapakita ni Hesus sa mga apostol at sa mga banal na kababaihan. Habang papalapit ang Pag-akyat sa Langit at ang Pentekostes, inaanyayahan tayo ng Simbahan na ihanda ang ating mga puso para sa dalawang dakilang pagdiriwang na ito.
Sa Ebanghelyo, mababasa natin ang mga pamamaalam na salita ni Hesus sa Huling Hapunan: “Ang umiibig sa akin ay tutupad sa aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y lalapit sa Kanya at maninirahan sa Kanya” (Jn 14:23).
Ipinahahayag ni Hesus kung gaano tayo kamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagbubunyag ng misteryo ng banal na pananahan ng Diyos sa ating kaluluwa. Tayo ay tinatawag na maging templo at tahanan ng Santatlong Persona ng Diyos. “Anong mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos ang maaari pa nating hangarin? Anong mas dakilang patunay ang maibibigay ng Diyos ng Kanyang pagnanais na makipag-ugnayan sa atin? Sa buong kasaysayan ng Kristiyanong mistisismo, kahit pa sa lahat ng kahanga-hanga nitong pagpapahayag, hindi lubos na mailalarawan ang hindi masambit na presensya ng Diyos sa kaibuturan ng kaluluwa.” [1]
Nais ng Diyos na malaman natin na malapit Siya sa atin. Hindi lang Siya nasisiyahan sa tabi natin. Nais Niyang manahan sa ating kalooban, at punuin ang ating mga puso ng Kanyang presensya. “Naririto Siyang kasama natin, tunay na naririto, buhay,” isinulat ni San Josemaría. “Nakikita at naririnig Niya tayo. Ginagabayan Niya tayo at alam Niya ang ating pinakamaliliit na gawa at ang ating pinakatatagong mga hangarin.” [2]
Nakatutulong ang madalas na pag-alala sa katotohanang ito upang maranasan ang Kanyang presensya at maging tapat sa maliliit at malalaking bagay sa araw-araw: “Sa ganitong paraan, magiging mabuting anak tayo ng Diyos at dakilang kaibigan Niya saan man tayo naroon—sa lansangan, sa trabaho, at sa karaniwang buhay.” [3]
“SINASABI KO SA INYO ang mga bagay na ito” habang ako’y kasama pa ninyo. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo, na isusugo ng Ama sa aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo” (Jn 14:25–26). Ang Simbahan, na isinilang mula sa Misteryo ng Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo, ay patuloy na ginagabayan at binibigyang-buhay ng Espiritu Santo. Sa kanyang paglalakbay sa kasaysayan, sa kabila ng lahat ng kahinaan ng sangkatauhan, hindi kailanman nawawala ang tulong ng Ikatlong Persona ng Diyos.
Sa paglapit ng pag-alis ni Hesus, maaaring nabagabag ang mga apostol. Malaki ang misyong ibinigay sa kanila at tila kulang ang kanilang kakayahan. Paano nila magagawa ang Kanyang utos na ipalaganap ang Kanyang Salita sa buong mundo? Kaya ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo at binigyan sila ng kapayapaan: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong mga puso, at huwag matakot” (Jn 14:27).
Kasama ng Espiritu Santo, ibinibigay ni Hesus ang kapayapaan. Ito ang kapayapaang kaloob ng Diyos, hindi ito kayang makuha ng tao sa sariling lamang. Madalas sa mundong ito, “isang uri lang ng kapayapaan ang umiiral, isang balanse na galing sa takot at mahihinang kompromiso.” [4]
Ang kapayapaang galing sa Panginoon ay bunga ng pag-ibig na ibinubuhos ng Espiritu Santo sa ating puso (cf. Rom 5:5). “Ang kapayapaan ng Panginoon ay sumusunod sa landas ng kapanatagan at ng krus; ito ay pag-ako ng pananagutan para sa iba. Sa katunayan, inako ni Kristo ang ating kasamaan, ang ating kasalanan at ang ating kamatayan. Lahat ng ito ay Kanyang pinasan. Sa ganitong paraan, tayo ay Kanyang pinalaya. Binayaran Niya ang lahat para sa atin. Ang Kanyang kapayapaan ay hindi bunga ng kompromiso, kundi isinilang mula sa lubos na pagkakaloob ng sarili.” [5]
ANG PAGKILOS ng Espiritu Santo sa mga unang araw ng Simbahan ay malinaw na makikita sa Konseho ng Herusalem: “Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo ...” (Mga Gawa 15:28). Nagtipon ang mga apostol at matatanda upang ayusin ang isang pagtatalo kung paano maipapahayag ang Ebanghelyo sa lahat ng tao, kabilang ang mga Kristiyanong hindi Hudyo. Ipinapakita nito ang sigasig ng Simbahan sa pagpapalaganap ng pananampalataya, sa paggabay ng Espiritu Santo.
Ang patuloy na panibagong sigla ng misyon ay makikita sa buong kasaysayan ng Simbahan. Nagbibigay ito sa atin ng pag-asa sa gawaing ebanghelisasyon na bahagi rin tayo. “Kasama ng Espiritu ang Simbahan sa kanyang mahabang paglalakbay sa pagitan ng una at ikalawang pagdating ni Kristo. ‘Ako’y aalis at babalik sa inyo’ (Jn 14:28), wika ni Hesus sa Kanyang mga Apostol. Sa pagitan ng ‘pag-alis’ at ‘pagbabalik’ ni Kristo ay ang panahon ng Simbahan, ang Kanyang Katawan—ang dalawang libong taon na lumipas na. Ito ang panahon ng Simbahan, ang panahon ng Espiritu. Ang Espiritu ang Guro na gumagabay sa mga alagad at umaakay sa kanila upang mahalin si Hesus. Inaakay Niya sila na makinig sa Kanyang salita at magnilay sa Kanyang mukha.” [6]
Noong mga unang taon niya bilang pari, naglalagay si San Josemaría ng ilang larawan sa kanyang brebyaryo bilang palatandaan sa mga pahina. Isang araw, napansin niyang masyado na siyang nahuhumaling sa mga ito kaya’t pinalitan niya ng maliliit na piraso ng papel, na kalaunan ay sinulatan niya ng: “Ure igne Sancti Spiritus! Pag-alabin mo kami sa apoy ng Espiritu Santo!” “Ginamit ko ang mga ito sa loob ng maraming taon,” aniya, “at sa tuwing mababasa ko ang mga ito, para bang sinasabi ko sa Espiritu Santo: pag-alabin Mo ako! Gawin Mo akong nagliliyab na baga!” [7]
Taglay ang ganitong hangarin, maaari nating ihanda ang ating sarili sa patuloy na panalangin kasama ni Maria (cf. Mga Gawa 1:14), upang tanggapin ang Espiritu Santo sa ating puso. Sa ganitong paraan, sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, maipapakita natin ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao, tulad ng ginawa ng mga apostol.
[1] San Juan Pablo II, Homiliya, 5 Mayo 1986.
[2] San Josemaría, Furrow, Blg. 658.
[3] San Josemaría, Mga tala mula sa isang pagtitipon, 17 Nobyembre 1972.
[4] San Josemaría, Christ is Passing By, Blg. 73.
[5] Papa Francisco, Audience, 13 Abril 2022.
[6] Benedicto XVI, Homiliya, 13 Mayo 2007.
[7] Salvador Bernal, Josemaría Escrivá de Balaguer, Rialp, 1980, p. 337.
