Pagninilay: Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit

Ilang pagninilay na makatutulong sa ating panalangin sa kapistahan ng Pag-akyat sa Langit.

Ang mga paksa ay:

  • Isinusugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad upang ipagpatuloy ang Kanyang misyon
  • Umakyat Siya sa langit ngunit hindi Niya tayo iniwan
  • Si Kristo, bilang ating Ulo, ay nauna sa atin sa langit

APATNAPUNG ARAW matapos ang Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pag-akyat ni Hesus sa langit. Gaya ng sinasabi sa Prepasyo ng Misa, “Ang Panginoong Hesus, ang Hari ng kaluwalhatian at manlulupig ng kasalanan at kamatayan, ay umakyat ngayon sa kataas-taasang kalangitan, habang ang mga anghel ay namamangha. Siya ang tagapamagitan ng Diyos at ng tao.” [1]

Isinasalaysay ng Banal na Kasulatan na bago umakyat sa langit si Hesus, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad: “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawin ninyong alagad ang lahat ng bansa, binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, turuan silang tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo” (Mt 28:18-20).

Bago Siya umupo sa kanan ng Ama, iniwan ni Hesus ang isang napakahalagang utos: hindi lamang ang ipangaral ang Ebanghelyo sa bayan ng Israel o sa emperyong Romano, kundi sa lahat ng tao sa buong mundo.

“Ang gawaing ipinagkatiwala ni Hesus sa isang maliit na pangkat ng mga karaniwang taong walang mataas na pinag-aralan ay tila napakalaki at napakatapang! Ngunit ang maliit na grupong ito, kahit maliit at hindi maihahambing sa mga makapangyarihan sa mundo, ay isinugo upang ipalaganap ang mensahe ng pag-ibig at awa ni Hesus sa buong daigdig.” [2]

Ang misyong ibinigay ni Hesus ay hindi lamang para sa mga unang alagad, kundi pa rin sa atin. Kaya malapit rin sa atin ang pagdiriwang ng Kanyang Pag-akyat sa langit.

Ayon kay San Josemaría, “Para sa isang Kristiyano, ang apostolado ay parang paghinga. Ibig sabihin, bahagi ito ng ating buhay.

Ipinapaalala sa atin ng kapistahang ito na ang malasakit natin sa mga kaluluwa ay tugon sa utos ng pag-ibig na kaloob sa atin ng Panginoon. Sa pag-akyat ni Hesus sa Langit, isinusugo Niya tayo upang maging Kanyang mga saksi sa buong mundo.

Malaki ang ating pananagutan bilang mga saksi ni Kristo. Ibig sabihin, dapat nating pagsikapang mamuhay ayon sa Kanyang aral at ipakita ito sa ating mga gawa.

Dapat ang ating buhay ay magpaalala sa iba tungkol kay Hesus at sa Kanyang kabutihan. Makikita sana sa atin na tayo ay Kristiyano dahil sa ating pag-uugali.

Dapat tayong hindi mapoot, marunong umunawa, hindi sarado ang isip, handang magsakripisyo, may pagpipigil sa sarili, at tagapagdala ng kapayapaan. Higit sa lahat, dapat tayong marunong magmahal.” [3]


ALAM NI HESUS na malulungkot ang ilan sa Kanyang mga apostol sa Kanyang pag-akyat sa langit. Kaya bago Siya umalis, pinasigla Niya sila sa mga salitang ito: “At tandaan ninyo, Ako’y kasama ninyo araw-araw hanggang sa katapusan ng mundo” (Mt 28:20).

“Sa Kanyang pag-alis, lalo Siyang nagiging malapit sa atin. Inaangat Niya tayo at tinutulungang makita ang Diyos sa ating buhay.

Kaya ang mga alagad ay umuwi mula sa Betania na may kagalakan. Sa pananampalataya, alam natin na si Hesus ay laging nagbibigay ng Kanyang pagpapala. Ito ang pinagmumulan ng tunay na kagalakan ng isang Kristiyano.” [4]

Ipinapaalala rin ng Liturhiya ng mga Oras ang mga salita ni San Agustin tungkol sa misteryong ito: “Hindi Niya iniwan ang langit nang Siya’y bumaba sa atin; ni hindi Niya tayo iniwan nang Siya’y muling umakyat sa langit… Dahil sa habag sa atin, Siya’y bumaba mula sa langit, at bagaman Siya lamang ang umakyat, tayo rin ay kasama sa Kanyang pagpapala.” [5]

Umakyat si Hesus sa langit, ngunit hindi Niya tayo iniwan.

“Nananatili Siyang malapit sa atin sa lahat ng oras. Hindi na Siya nakatali sa iisang lugar sa mundo, dahil Siya ay naroroon sa lahat ng dako sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at presensiya sa kasaysayan.” [6]

Umakyat Siya sa Ama, ngunit nananatili rin Siya sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Kasama rin natin Siya sa Banal na Eukaristiya.

“Maaari tayong lumapit kay Hesus sa panalangin, sa kanyang salita, at sa pagtanggap ng Eukaristiya. Nandiyan Siya para gabayan at samahan tayo araw-araw.” [7]


HABANG SILA’Y NAKATINGIN sa langit habang si Hesus ay umaakyat, may dalawang lalaking nakaputing damit na tumayo sa tabi nila at nagsabi, “Mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa langit? Itong si Hesus na nakita ninyong umakyat sa langit ay babalik sa gayunding paraan.” (Gawa 1:10-11).

Ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na makibahagi sa kaluwalhatian ni Hesus, na siya ring tinatawag natin bilang Kanyang katawan. “Umakyat siya hindi upang iwan tayo, kundi upang tayo, na Kanyang mga kasapi, ay umasa at sumunod sa Kanya, ang ating Ulo, na nauna na sa atin.” [8]

“Ang “paglalakbay” patungo sa ating makalangit na tahahan, na unang tinahak ni Hesus, ay ginawa Niya para sa atin. Para sa atin Siya bumaba mula sa langit, at para rin sa atin Siya umakyat pabalik sa Langit matapos maging katulad ng tao sa lahat ng bagay. Ang Diyos na naging tao ay isang katotohanan, hindi lamang ideya. Kaya ang pag-asa ng Kristiyano, na nakasalig kay Kristo, ay hindi isang ilusyon kundi isang matibay na angkla ng kaluluwa (Heb. 6:19), na umaabot hanggang sa langit kung saan nauna si Kristo para sa atin.” [9]

Hinihintay tayo ng ating Panginoon sa langit, at isinugo Niya sa atin ang Banal na Espiritu kasama ang Kanyang mga kaloob at bunga upang makamtan natin ang ating layunin.

“Pagkatapos umakyat ni Hesus sa Langit, ang mga alagad ay nagtipon sa pananalanginsa silid sa itaas, kasama si Maria, ang Ina ni Hesus. Sama-sama nilang hiniling ang pagdating ng Banal na Espiritu na magbibigay sa kanila ng lakas upang magpatotoo kay Kristo na muling nabuhay.

Kaisa ng Mahal na Birheng Maria, patuloy na nararanasan ng bawat Kristiyanong pamayanan ang ganitong panalangin bilang paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes.” [10]


[1] Roman Misal, Prepasyo, Misa ng Pag-akyat ng Panginoon

[2] Papa Francisco, Regina Caeli, Ika-13 ng Mayo 2018

[3] San Josemaría, Christ Is Passing By, Blg. 122

[4] Papa Benedicto XVI - Joseph Ratzinger, Jesus of Nazareth, Catholic Truth Society, London, pp 292-293

[5] San Agustin, Homiliya para sa Pag-akyat

[6] Papa Benedict XVI - Joseph Ratzinger, Jesus of Nazareth, Catholic Truth Society, London, p. 284

[7] San Josemaría, Christ is Passing By, Blg. 118

[8] Roman Missal, Prepasyo, Misa ng Pag-akyat ng Panginoon

[9] Papa Benedicto XVI, Angelus, Ika-4 Mayo 2008

[10] Papa Benedict XVI, Angelus, Ika-8 Mayo 2005