Pagninilay: Sabado Santo

Ang mga paksa ay:

  • Ang pag-asa ay nagbibigay-liwanag sa Sabado Santo
  • Ang mga sumama kay Kristo nang pinabayaan siya ng iba
  • Inaaliw tayo at pinatitibay ni Maria ang ating loob sa mga sandali ng paghihirap

MAAARING ang Sabado Santo ang araw sa Banal na Tatlong Araw na ating napababayaan dahil "gusto nating tumalon mula sa Krus ng Biyernes papunta sa Aleluya ng Linggo." [1] Upang maiwasan ito, tingnan natin ang mga babaeng laging kasama ng Mahal na Birhen. "Para sa kanila, katulad natin, ito na ang pinakamadilim na panahon. Ngunit sa kabila nito, hindi sila nakatulala lamang. Hindi sila nagpadala sa panghihinayang at pagsisisi. Hindi sila sumuko sa kawalang pag-asa. Hindi sila tumakas sa katotohanan. Ginawa nila ang isang bagay na  payak at hindi karaniwan: sa kanilang mga tahanan, naghanda sila ng pabango para sa Katawan ni Hesus... Hindi nila alam, sa kadiliman ng Sabado na iyon inihahanda na ng mga babaing ito ang bukang liwayway ng 'unang araw ng linggo,' ang araw na magbabago sa kasaysayan ng mundo." [2] 

Ngayon, si Kristo ay nakahimlay sa libingan. Inilagay Siya roon nang buong pagmamahal ng kanyang mga kaibigan malapit sa Kalbaryo, sa libingang pagmamay-ari ni Jose ng Arimatea. Nasaan ang mga apostol? Walang sinasabi ang Ebanghelyo tungkol dito, pero marahil nang gabing iyon ng Sabado dumating sila, isa-isa, sa Silid sa Itaas kung saan ilang araw lamang ang nakalilipas ay nakasama pa nila ang Guro. Anong laki ng kawalan ng loob nila sa kanilang pag-uusap! Pinagtaksilan nila si Hesus. Marahil napakabigat ng kanilang panlulumo at naisipan pa nilang iwanan ang lahat at bumalik sa dati nilang pamumuhay, na para bang ang huling tatlong taon ay isang panaginip lamang.

"Subalit sa katahimikan ng Sabado Santo, puno ng walang sukat na pagmamahal ng Diyos, umaasa tayo sa bukang liwayway ng ikatlong araw, ang bukang liwayway ng tagumpay ng pagmamahal ng Diyos, ang bukang liwayway ng liwanag na tumutulong sa ating puso upang makita ang buhay, ang mga paghihirap at pagdurusa nang may panibagong pananaw. Ang pag-asa ay nagbibigay liwanag sa atin, sa ating mga kabiguan, sa ating pagkadismaya, sa ating mga hinanakit na parang hudyat na ng pagkaguho ng lahat." [3]


KAPANSIN-PANSIN ANG KAKAIBANG TUGON SA MGA PANGYAYARI ng mga banal na kababaihan: sila ay naging tapat hanggang sa huli. Matiyaga nilang sinundan ang mga pangyayari upang makabalik sila at tapusin ang pag-eembalsamo sa Katawan ni Hesus. Mauunawaan ang panghihina ng kanilang loob: maging ang mga apostoles o sila ay hindi pa nasaksihan ang muling pagkabuhay ni Hesus. Sa kabila ng lahat, hindi nila nais iwan ang huling paglilingkod na ito. Ang kanilang pagmamahal ay higit pa kaysa kamatayan.

Ang tapang nina Jose ng Arimatea at Nicodemo ay isa ring halimbawa para sa atin. "Sa oras ng kalungkutan, ng pagtatakwil ng lahat at pangungutya, saka sila tumindig para kay Hesus. "Kasama nila," sabi ni San Josemaría, "ako rin ay pupunta sa paanan ng Krus; yayakapin ko nang mahigpit ang malamig na Katawan, ang bangkay ni Kristo, sa pamamagitan ng alab ng aking pagmamahal. Babaklasin ko ito sa pagkakapako, gamit ang aking pagsisisi at mga pagsasakripisyo. Babalutin ko ito ng bagong tela ng aking malinis na buhay, at ililibing sa buhay na bato ng aking dibdib, kung saan walang makaaagaw nito sa akin!" [4] Wala silang mapapala, maaaring mawala pa ang lahat sa kanila, ngunit nais pa rin nilang ialay kay Hesus ang kanilang pagmamahal.

Ngunit ang Sabado Santo ay hindi maaaring maging malungkot na araw para sa ating Mahal na Birhen, kahit na ito'y naging napakasakit. Ang pananampalataya, pag-asa at ang pinakamagiliw na pagmamahal para sa kaniyang banal na Anak ay makapagbibigay sa kaniya ng kapayapaan, na makapaghihintay siya ng payapang pananabik. Maaalaala ni Maria ang mga huling salita ni Hesus: “Babae, narito ang iyong anak” (Jn 19:26). At sisimulan na niya ang pagiging ina sa mga lalaki at babaeng sumunod kay Kristo sa simula pa. Panunumbalikin ng ating Mahal na Ina ang pananampalataya at pag-asa ng mga apostoles sa pagpapaalaala sa kanila ng mga salita na narinig nila kailan lamang sa mga labi ng ating Panginoon: “Kukutyain nila siya at duduraan at hahagupitin, at papatayin nila siya; at sa ikatlong araw ay mabubuhay na muli” (Mk 10:34). Sinabi ito ng Panginoon ng napakaliwanag upang kapag dumating na ang oras ng pagsubok, hindi mawawala ang pananampalataya nila sa kaniyang mga salita. Kasama ng mapait na alaala ng mga paghihirap ni Hesus, isang malaking ginhawa ang dadaloy sa maka-inang puso ni Maria, sa kaniyang pagkaunawa na tapos na ang lahat: "Ang ating Kaligtasan ay natupad na. Tayo ngayon ay mga anak ng Diyos, dahil namatay si Hesus para sa atin at ang Kanyang kamatayan ang tumubos sa atin." [5]


SA TABI NG ATING MAHAL NA INA, sa liwanag ng kanyang pag-asa, muling mag-aalab ang puso ng bawat isa sa mga apostol. "Paano kung totoo ang lahat ng ito?" marahil ang kanilang tanong. "Paano kung tunay ngang nabuhay muli si Hesus, gaya ng Kanyang pangako?" Noon ay nagkakaisa silang lahat sa paligid ni Hesus. Ngayon, nais nilang mapalapit sa Kanyang Ina. Marahil ay ipinahanap pa ni Maria ang ibang hindi pa dumarating. Marahil ay umaasa siyang matagpuan si Tomas upang mapawi ang kanyang takot. Sa oras ng pagsubok, gusto nilang lumapit kay Maria "at sa tabi niya, kay dali ng lahat!” [6]

Nais nating tumibay ang ating pananampalataya sa tulong ng kaniyang pananampalataya, higit sa lahat, sa mga panahon ng pagsubok, sa panahon ng kadiliman. Tinitiyak sa atin ni San Bernardo mula sa kanyang sariling karanasan: "Kung dumating ang mga tukso, kung madapa ka sa mga pagsubok, tawagin mo si Maria." [7] Nais ng Diyos na siya’y maging ating tagapamagitan, ating Ina, ating tiyak na daan upang matagpuan ang liwanag sa panahon ng kadiliman.

Ang sinumang humingi ng tulong ng pinakamabisang pamamagitan ng ating Ina ay hindi napabayaan, gaano man kahirap ang sandali o kalito ang kanilang puso. At masasabi natin kay Hesus: "Sa kabila ng lungkot na aming dinadala, mararamdaman namin na kami ay dapat umasa, sapagkat kasama Mo, ang Krus ay namumukadkad sa Muling Pagkabuhay. Dahil kasama Ka namin sa dilim ng aming mga gabi; Ikaw and kasiguruhan sa mga alinlangan, ang Salita sa aming mga katahimikan, at walang makaaagaw ng pagmamahal Mo sa amin." [8] Malapit kay Maria, Ina ng pag-asa, ang aming pananampalataya sa mga biyaya ni Hesus ay lalong lalakas pa muli.


[1] Papa Francisco, Homiliya 11 Abril 2020. 

[2] Ibid. 

[3] Papa Benedikto XVI, Mga Puna sa pagtatapos ng Daan ng Krus, 2 Abril 2010. 

[4] San Josemaría, The Way of the Cross, ika-14 na istasyon, 1. 

[5] San Josemaría, The Way of the Cross, ika-14 na istasyon. 

[6] San Josemaría, Ang Daan, n. 513. 

[7] San Bernardo, Homilya super "Missus est," 2, 17. 

[8] Papa Francisco, Homiliya, 11 Abril 2020.