Ang mga paksa ay:
- Ang Santa Trinidad ay nananahan sa ating kaluluwa
- Ang pag-ibig ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu
- Ang Espiritu Santo ang umaakay sa atin kay Kristo at sa Ama
ANG KAPISTAHAN ng SantisimaTrinidad ay buod ng lahat ng ipinahayag sa atin sa Pasko ng Pagkabuhay: ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, ang Kanyang pag-akyat sa Ama, at ang pagdating ng Espiritu Santo sa Pentekostes. Sa kapistahang ito, ang liturhiya ay nagsisimula sa pagpupuri at pagsamba sa Santa Trinidad na ipinakilala sa atin sa pamamagitan ni Jesukristo: “Purihin ang Diyos Ama, at ang Bugtong na Anak ng Diyos, at ang Espiritu Santo, sapagkat ipinakita niya sa atin ang kanyang maawaing pag-ibig” (Panalangin Pambungad)). Ang Santa Trinidad ay hindi lamang misteryo ng pagkakakilanlan ng Diyos. Ito rin ay isang natatanging misteryo ng Kanyang maawaing pag-ibig para sa mundo at para sa bawat isa sa atin.
“Binibinyagan kita,” sabi ng pari habang ibinubuhos ang tubig nang tatlong beses sa ating ulo, “sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.” At sinabi ni San Hilario: “Iniutos ng Panginoon na magbinyag ayon sa pananampalataya sa Manlilikha, sa bugtong na Anak, at sa tinatawag na Kaloob. Isa lamang ang Manlilikha ng lahat, sapagkat isa lamang ang Diyos Ama na siyang pinagmulan ng lahat; at isa lamang ang Anak, ang ating Panginoong Jesukristo, sa pamamagitan niya nilikha ang lahat; at isang Espiritu na ibinigay sa ating lahat.” [1]
Ipinapasok tayo ng Santa Trinidad sa pagka-intimo ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Ang tubig ng binyag ay nagtatak sa atin ng ugnayan sa tatlong Persona ng Diyos. Tunay na tayo ay nilikha para sa ugnayang ito ng pag-ibig: upang luwalhatiin ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Sinabi ni San Josemaría sa isang pagninilay: “Madalas ko nang sinabi sa inyo na ang Diyos ay nasa gitna ng ating kaluluwa kapag tayo ay nasa biyaya; at samakatuwid, may tuwirang ugnayan tayo sa Diyos na ating Panginoon. Ano ba ang halaga ng lahat ng paghahambing ng tao sa kamangha-manghang, banal na katotohanang ito? Sa kabilang dulo ng ugnayang ito, naghihintay sa atin ang buong Trinidad, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Sapagkat kung naroroon ang isa sa mga Banal na Persona, naroroon din ang dalawa pa. Hindi tayo kailanman nag-iisa.” [2]
SA TUWING GINAGAWA natin and tanda ng krus, inaalala natin ang pangalan ng Diyos kung saan tayo nabinyagan. Nagsisimula at nagtatapos ang Banal na Misa sa tanda ng krus. Madalas din natin itong gawin sa pagsisimula at pagtatapos ng panalangin. May ilang gumagawa rin nito sa pagpasok o paglabas ng bahay, at sa maraming iba pang pagkakataon. “Ang tanda ng Krus at ang pangalan ng Diyos na buhay ay naglalaman ng paghayag na bumubuo ng pananampalataya at nagbibigay inspirasyon sa panalangin.” [3]
Pinaalalahanan tayo ni San Pablo na sa pamamagitan ni Kristo ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin. (Roma 5:5). Ito ay pag-asang hindi binibigo. Sa tamang panahon, nais ng Diyos na ipahayag sa atin ang Kanyang pagka-Diyos, upang gawing mga anak ng Diyos Ama, sa pamamagitan ng pagtubos ng Diyos Anak, at sa bisa ng biyaya ng Diyos Espiritu Santo. Ang Kanyang pag-ibig ay patuloy na gumagawa para sa ating kaligtasan at pagpapabanal. Isang araw, nakita ni Santa Teresa ng Calcutta ang isang matandang babae sa lansangan na punô ng sugat, kaya’t nilinisan niya ito. Tinanong siya ng babae, “Bakit mo ito ginagawa? Hindi ginagawa ng mga tao ang ganito. Sino ang nagturo sa iyo nito?”
Sumagot si Santa Teresa: “Ang Diyos ko ang nagturo sa akin.”
At tanong ng babae: “Sino ang Diyos mo?” Sagot ni Teresa ng Calcutta nang may kasimplehan: “Kilala mo na Siya. Ang Diyos ko ay tinatawag na Pag-ibig.” Ang Diyos ay Pag-ibig, “hindi sa pagkakaisa ng isang Persona, kundi sa Trinidad ng isang Kalikasan” (Pagbubunyi o Prepasyo). “Ang Kanyang pag-ibig ay hindi lamang damdamin kundi pag-ibig ng Ama na pinagmulan ng lahat ng buhay, pag-ibig ng Anak na namatay sa Krus at muling nabuhay, at pag-ibig ng Espiritu na nagpapabago sa tao at sa mundo.” [4]
Ang Diyos ay hindi isang malayong nilalang na walang pakialam sa sangkatauhan. Siya ay isang pamilya, isang walang hanggang bukal ng buhay na ibinubuhos para sa atin.
SA HULING HAPUNAN, ipinangako ni Hesus na ipadadala ang Espiritu Santo upang aliwin at patatagin ang Kanyang mga alagad. Tinawag Niya itong Espiritu ng katotohanan, sapagkat papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sariling, kundi ang kanyang naririnig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap” (Juan 16:13). Hindi magdadagdag ng bagong aral ang Espiritu Santo:
tatanggaping ang Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo, sabi ni Hesus (Juan 16:14). Kung paanong si Hesus ay nagsasabi lamang ng naririnig mula sa Ama, “ang Espiritu Santo naman ay tagapagpaliwanag ni Kristo. Hindi Niya tayo inilalayo kay Kristo kundi lalo Niya tayong inilalapit sa liwanag ni Kristo.” [5] Sinabi ni San Gregorio ng Nazianzus: “Ipinakilala ng Lumang Tipan ang Ama nang malinaw, ang Anak nang bahagya. Inihayag ng Bagong Tipan ang Anak at ipinaalam ang pagka-Diyos ng Espiritu. Sa ngayon, nananahan na sa atin ang Espiritu at malinaw na nagpapakilala.” [6] Ang Espiritu Santo ay “nagtuturo ngayon sa mga mananampalataya ng mga katotohanang espirituwal ayon sa kanilang kaya, at pinagniningas ang pagnanais na lumago sa pag-ibig na nagtutulak sa kanila upang mahalin ang nalalaman na, at hangarin ang mga hindi pa nalalaman.” [7]
“Ang pag-ibig na ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay nagdala ng bagong liwanag sa mundo at sa bawat pusong tumatanggap sa Kanya; isang liwanag na naglalantad sa mga sulok ng kadiliman at sa mga hadlang sa pagbubunga ng pag-ibig at awa.” [8] Tulad ng isang bote ng pabango na kapag nabasag ay kumakalat ang halimuyak, gayundin, nang nabasag ang Katawan ni Kristo sa Krus, ang Kanyang Espiritu ay ibinuhos sa ating mga puso. [9] Hinihiling natin kay Maria – Anak, Ina, at Esposa ng Diyos – na turuan tayong pumasok sa pakikipag-ugnayan sa Trinidad, upang maranasan at maging saksi ng pag-ibig na nagbibigay saysay sa ating buhay.
[1] Saint Hilary, Treatise on the Holy Trinity, Book 2, 1, 33. 35
[2] Saint Josemaría, Notes from his preaching, 8 December 1972
[3]Benedict XVI, Angelus, 30 May 2010
[4]Francis, Angelus, 26 May 2013
[5]Benedict XVI, Homily, 7 May 2005
[6]Saint Gregory of Nazianzen, Discourse 31, 25-27 (PG 36, 159)
[7]Saint Augustine, Treatise 97.1 (On the Gospel of Saint John)
[8]Francis, Angelus, 11 June 2017 [9] cf. San Hipolito, Komento sa Awit ng mga Awit 13.1
