Ang mga paksa ay:
- Ang Espiritu Santo ang gumagabay at nagbibigay-lakas sa ating misyon.
- Sa pamamagitan ng Tagapagtanggol, tinatanggap natin ang kapatawaran ng Diyos.
- Ibinibigay sa atin ng Espiritu Santo ang buhay at lakas ng Diyos.
SA KAPISTAHAN ng Pentekostes, masasabi nating nagtatapos ang misyon ni Hesus sa lupa at nagsisimula ang atin, sa tulong at gabay ng Espiritu Santo.
Tinatanggap natin ang misyong ipinagkatiwala ng Ama kay Hesus. Sinabi Niya: “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo” (Juan 20:21).
Puno tayo ng pasasalamat sa biyayang ito at hinihiling nating magliyab din sa ating puso ang apoy ng pag-ibig ng Diyos.
Nawa ang apoy ng Espiritu Santo, na bumaba sa mga apostol sa anyo ng mga dila ng apoy, ay patuloy na magdala ng liwanag at pananampalataya sa buong mundo.
Hindi tayo nag-iisa sa pagtupad ng misyong ito. Kasama natin ang tulong na ipinangako ni Hesus nang sabihin Niyang hindi Niya tayo iiwan bilang ulila (cf. Juan 14:18).
“Kapag ang Espiritu ng Diyos ay nasa atin, inaalis Niya ang takot at ipinapaalala na nasa kamay tayo ng pag-ibig ng Diyos. Kahit anuman ang mangyari, hindi tayo iniiwan ng Kanyang pag-ibig. Makikita ito sa tapang ng mga martir, sa sigasig ng mga misyonero, sa katapatan ng mga nagpapahayag ng pananampalataya, at sa halimbawa ng mga banal, pati na rin ng mga kabataan at bata. Makikita rin ito sa Simbahan na, sa kabila ng kahinaan ng tao, ay patuloy na nananatili at lumalago sa tulong ng Diyos.” [1]
May mga pagkakataon na parang nag-iisa tayo, pero hindi natin dapat hayaang mangibabaw ang ganitong pakiramdam. Isa itong tukso na maaaring sumira sa tiwala natin sa Diyos.
Sa halip, gamitin natin ito bilang paalala na tayo ay minamahal na anak ng Diyos, sa tulong ng Banal na Espiritu.
Kasama si San Josemaría, tinatanggap natin ang pag-ibig ng Diyos: “Ang kaluwalhatian ay pag-ibig; ito si Jesus, at kasama Niya ang Ama at ang Banal na Espiritu.” [2]
Sa pag-ibig ng Banal na Santatlo, nawawala ang ating takot at pag-aalala.
NOONG UNA tayong natutong lumakad, marahil mula sa paghawak ng ating ina patungo sa ating ama, hindi natin alam kung kakayanin natin dahil hindi pa natin ito nagagawa. Ngunit nang marating natin ang yakap ng ating mga magulang, nakita nating kaya at hindi pala sayang sumubok.
Kaya maaari nating hilingin ngayon sa Banal na Espiritu na bigyan tayo ng lakas at pusong handang magdala ng kapayapaan at kagalakan sa iba.
Sa panalangin, kinakausap natin ang Diyos at tumatanggap ng lakas mula sa Espiritu Santo. “Malayang tinatanggap natin ang panalangin na isang kaloob; ang pakikipag-usap sa Kanya sa Banal na Espiritu, na siyang nananalangin sa atin at nagpapahintulot sa ating tawagin ang Diyos bilang Ama, Itay, Abba.” (cf. Roma 8:15; Gal 4:4). At hindi lamang ito isang pagpapahayag kundi isang katotohanan: tunay tayong mga anak ng Diyos. ‘Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos’ (Roma 8:14).” [3]
Minsan, naiisip nating lumalayo ang Diyos dahil sa ating mga kasalanan. Pero palagi tayong ginugulat ng kanyang reaksyon sa ating kahinaan. “Nang una Siyang magpakita sa kanyang mga alagad, sinabi Niya: ‘Tanggapin ninyo ang Espíritu Santo. Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon’ (Juan 20:22-23). Hindi niya sila hinatulan sa pagtalikod at pag-iwan sa Kanya sa Kanyang paghihirap, kundi ipinagkaloob Niya sa kanila ang Espiritu ng kapatawaran. Ang Espiritu ang unang kaloob ng muling nabuhay na Panginoon, at ibinibigay ito higit sa lahat para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Dito natin nakikita ang simula ng Simbahan, ang pandikit na nagbubuklod sa atin, ang semento na nagbibigkis sa mga bato ng tahanan: ang kapatawaran. Sapagkat ang kapatawaran ang pinakadakilang kaloob; ito ang pinakadakilang pag-ibig. Pinapanatili nito ang pagkakaisa sa kabila ng lahat, pinipigilan ang pagkaguho, pinatitibay at pinapalakas. Pinalalaya ng kapatawaran ang ating puso at nagbibigay-daan upang makapagsimula muli. Nagbibigay ng pag-asa ang kapatawaran; kung walang kapatawaran, hindi mabubuo ang Simbahan.” [4]
NAIS NG ESPIRITU SANTO na punuin tayo ng kanyang lakas upang masaya nating gampanan ang misyong ipinagkaloob sa atin. Ipinapakita ni San Josemaría kung gaano kasama ang hindi magkaroon ng matibay na pundasyon ng biyaya ng Diyos: “Ginigiba ng pag-atake sa pananampalataya ang espiritwal na estruktura. Nagpapayanig sa kapayapaan ng isang tao ang tukso laban sa pag-asa. Ngunit ang masamang ‘katiyakan’ na hindi ako mahal ng Diyos at hindi ko Siya mahal, ang siyang tunay na sumisira sa kagalakan ng puso.” [5]
Sa kabutihang-palad, abot-kamay ng lahat ang solusyon: “Ngayon, matuto tayong kumilos kapag kailangan natin ng tunay na pagbabago. At sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng pagbabago? Lalo na kapag tayo’y nanlulumo, pagod sa mga bigat ng buhay, pinahihirapan ng sariling kahinaan, sa mga sandaling mahirap nang magpatuloy at tila imposible nang magmahal. Sa mga oras na iyon, kailangan natin ng isang malakas na ‘pag-uga’: ang Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Diyos. Sa Kredo, ipinahahayag natin na Siya ang ‘tagapagbigay-buhay.’ Napakabuti kung mararamdaman natin araw-araw ang bugso ng buhay na ito! Upang masabi natin sa paggising sa bawat umaga: ‘Halina, Espiritu Santo, pumasok Ka sa aking puso, pumasok Ka sa aking araw.’” [6]
Sinabi ni Santa Teresa ng Lisieux tungkol sa araw ng kanyang Kumpil: “Anong galak ang aking nadama sa aking kaluluwa! Gaya ng mga apostol, masaya kong hinintay ang pagdating ng Espiritu Santo... Hindi ko naramdaman ang malakas na hangin ng unang Pentekostes, kundi ang mahinahong simoy na narinig ng propetang Elias sa bundok ng Horeb. Tinanggap ko noon ang kaloob na lakas sa pagdurusa – isang kaloob na labis kong kinailangan, sapagkat magsisimula na ang pagdurusa ng aking kaluluwa.” [7]
Nais din nating maging mulat sa mga udyok ng Tagapag-aliw ng ating kaluluwa. “Hindi Ko kayo iiwan bilang mga ulila.” Ngayon, sa kapistahan ng Pentekostes, pinaaalalahanan tayo ng mga salitang ito ni Hesus ng presensiyang Inang Maria sa Cenaculo. Kasama niya ang pamayanang nagkakaisa sa panalangin: siya ang buhay na alaala ng Anak at ang buhay na panawagan sa Espíritu Santo. Siya ang Ina ng Simbahan. Iniaasa natin sa kanyang panalangin ang lahat ng Kristiyano, pamilya, at pamayanan na sa mga sandaling ito ay higit na nangangailangan ng Espiritu, ang Tagapagtanggol at Tagapag-aliw, ang Espiritu ng katotohanan, kalayaan, at kapayapaan.”[8]
[1] Benedict XVI, Homily, Ika-31 ng May 2009.
[2] Saint Josemaría, Intimate Notes, Bilang 1653-1655.
[3] Francis, Homily, Ika-8 ng Hunyo 2014.
[4] Francis, Homily, Ika-4 ng Hunyo 2017.
[5] Notes written in the margin of the book About the Holy Spirit by Francisca Javiera del Valle.
[6] Francis, Homily, Ika-20 ng Mayo 2018.
[7] Saint Therese of the Child Jesus, Manuscript A, Kabanata IV, 36.
[8] Francis, Homily, Ika-15 ng May 2016.
