Pagninilay: Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo

Ilang pagninilay na maaaring magpayaman sa ating panalangin sa kapistahan ng Corpus Christi.

Ang mga paksa ay:

  • Ibinibigay sa atin ni Kristo ang Kanyang Sarili nang buo
  • Handaan, sakripisyo, at pakikipag-isa
  • Lumabas si Hesus ngayon sa ating mga lansangan

ANG MGA kapistahang kasabay ng pagtatapos ng panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay papatapos na. Matapos ang Pag-akyat ni Hesus sa langit, ipinagdiwang natin ang pagdating ng Banal na Espiritu, at pagkatapos ay ang kaluwalhatian ng Santisima Trinidad. Ngayon ay umaapaw sa galak at pasasalamat ang ating sigasig para sa tunay na presensiya ni Kristo, ang kanyang maluwalhating Katawan at Dugo, sa tinapay at alak sa altar. Mula pa noong ikalabintatlong siglo ay ipinagdiriwang na ang kapistahang ito bilang pagpapahayag ng pananampalatayang Eukaristiko ng Simbahan: “Purihin mo ang iyong Tagapagligtas at Hari; Purihin sa himno ang iyong tapat na Pastol: Pagsikapan mong purihin Siya nang buong puso; Sapagkat Siya’y higit sa lahat ng papuri.” Isinulat ni San Tomas de Aquino ang mga talatang ito sa Lauda Sion na ginagamit sa Misa ngayong araw: “Ang tunay at buhay na Tinapay ng Diyos, ang laman na nagbibigay-buhay, na tinanggap ng labindalawang alagad, na may pananalig. Sa Huling Hapunan ng Panginoon. Umawit nang malakas at taimtim; Matamis at payapa ang galak Na nadarama sa bawat puso; Sa banal na kapistahang ito Na nagpapaalala sa pinagmulan ng maluwalhating Eukaristiya.” [1]

Sa mga banal na anyo — sa tinapay at alak — nakikita natin ang Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, na ibinibigay ang Kanyang sarili sa atin nang buo at magpakailanman. Ang Kanyang Paskuwa — ang hiwaga ng Kanyang Pasyon, Kamatayan at Muling Pagkabuhay — ay hindi natapos, kundi “nakikibahagi sa walang hanggang pagka-Diyos, kaya’t ito’y humihigit sa lahat ng panahon habang ginagawang kasalukuyan sa bawat isa.” [2]

Ginagamit ng Diyos ang mga payak na handog na mula sa trigo at ubas upang mapagpakumbabang makilala natin si Kristo sa mga ito. Itinuturing ni San Josemaría ang Eukaristiya bilang isang himala ng pag-ibig na walang hanggan: “Ito ang tunay na tinapay para sa mga anak ng Diyos. Si Hesus, ang Panganay ng Walang Hanggang Ama, ay iniaalay ang Kanyang sarili bilang pagkain. At ang parehong Hesus na nagpapalakas sa atin dito sa lupa ay naghihintay upang tanggapin tayo sa langit bilang mga panauhin at kapanang-ari. Ang mga pinakakain ni Kristo ay maaaring mamatay sa panandaliang kamatayan ng panahon, ngunit sila’y mabubuhay magpakailanman sapagkat si Kristo ang buhay na walang hanggan.” [3]


KAYO ANG MAGBIGAY SA KANIILA ng makakain (Lc 9:13), sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad nang makita ang nagugutom na karamihan. Lima lamang ang kanilang tinapay at dalawang isda, subalit silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipuni ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing (Lc 9:17). Ang himalang ito ay larawan ng saganang biyaya ng Eukaristiya para sa ating buhay, at nagpapahiwatig din sa misyon ng mga apostol: maging tagapangasiwa ng biyayang ito. “Ipinagkakatiwala ni Jesus sa kanyang minamahal na Esposa, ang Simbahan, ang alaala ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay: isang sakramento ng pag-ibig, isang tanda ng pagkakaisa, isang ugnayan ng kawanggawa, isang Paskuwal na piging kung saan si Kristo ang tinatanggap.” [4]

Ipinapaalala sa atin ni San Pablo ang tradisyong kanyang tinanggap: Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: noong gabing siya’y ipinagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, ay pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo.” (1 Cor 11:23–24). Ipinapahayag ng mga salitang ito ang pananampalataya ng unang Kristiyanong simbahan sa alay ng Kordero para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at nagpapahiwatig rin ng mana na ipinakain ng Diyos sa Israel sa paglalakbay sa disyerto. Bagamat ito ay isang sakripisyo, ito ay ipinagdiriwang na may pasasalamat dahil sa masaganang bunga nito.

Gayunpaman, hindi naging madali ang pagtanggap sa paunang pahayag ni Hesus: Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman. (Juan 6:51). Isang malaking iskandalo ang mga salitang ito noon, at hanggang ngayon ay mahirap pa ring tanggapin para sa marami. “Ang Eukaristiya at ang Krus ay mga dahilan ng pagkatisod. Iisa ang hiwaga at patuloy itong nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi. ‘Kayo rin ba ay aalis?’ — ang tanong ng Panginoon ay umaalingawngaw sa kasaysayan bilang isang mapagmahal na paanyaya upang matuklasan na tanging Siya lamang ang may ‘mga salita ng buhay na walang hanggan,’ at na sa pagtanggap nang may pananampalataya sa Eukaristiya, ay tinatanggap natin mismo ang Panginoon.” [5]

Pinag-iisa tayo ni Hesus sa Eukaristiya bilang iisang Katawan, at dahil dito, ang komunyon ay nagbubuklod sa atin bilang magkakapatid. “Ang kaloob ni Kristo at ng Kanyang Espiritu na ating tinatanggap sa komunyon ay masaganang tumutupad sa pagnanais ng pagkakapatiran na malalim na nakaukit sa puso ng tao; kasabay nito’y pinatataas ang ating karanasan ng pagkakaisa sa isang hapag-Eukaristiko sa antas na higit pa sa simpleng karanasang pantao ng pagsasalo.” [6]


SA MARAMING pagkakataon, lumalabas si Hesus — anak ni Maria — upang salubungin ang mga tao. Sa Ebanghelyo ay nakita natin, halimbawa, kung paano Niya hinarap ang babaeng Samaritana sa balon ng Sychar, kung paano Niya nakita si Zaqueo sa pagpasok sa Jerico, at si Bartimeo na nakarinig na dumaraan si Hesus. Sa katulad na paraan, sa maraming lugar ngayon, si Hesus ay daraan sa ating mga lansangan. Lumalabas Siya upang salubungin tayo, gaya ng Kanyang ginawa nang Siya’y nabubuhay sa ating mundo.

Ang mga prusisyon ay masayang pagkakataon upang sambahin Siya sa pamamagitan ng kagandahan ng mga awitin, bulaklak, at insenso. Ang lahat ng pag-ibig at debosyong inilaan sa paghahanda ng mga prosesyon na ito ay tila hindi sapat upang maipahayag ang ating pasasalamat sa Diyos. Ngunit higit pa sa mga panlabas na kilos, ang pinakamainam marahil na paraan upang parangalan Siya ay hayaan nating mamuhay si Kristo nang mas masidhi sa ating buhay. “Kung tayo ay napagbagong-buhay sa pagtanggap sa Katawan ng ating Panginoon, dapat natin itong ipakita. Ipagdasal natin na ang ating mga kaisipan ay maging tapat, mapayapa, handang maglingkod. Ipagdasal natin na ang ating mga pananalita ay maging totoo at malinaw — tamang salita sa tamang panahon — upang makapagbigay-ginhawa, makapaglingkod, at higit sa lahat, maipahayag ang liwanag ng Diyos. Ipagdasal natin na ang ating mga gawa ay maging wasto, masinop at mabisa, upang maglabas ng ‘mabangong halimuyak ni Kristo,’ na siyang paraan ng Kanyang pagkilos.” [7]

“Hesus! Pastol ng mga tupa! Iligtas Mo ang Iyong tunay na kawan. Buhay na Tinapay! Kami’y Iyong buhayin; Palakasin Mo kami o kami’y mamamatay; Punuin Mo kami ng biyayang makalangit.” [8]

Sa Eukaristiya, mayroon na tayong patikim ng langit habang narito pa sa lupa. Ave verum corpus natum de Maria Virgine. “Hail, tunay na Katawan, na isinilang ni Maria, ang Birhen.” [9]


[1] Saint Thomas Aquinas, Lauda Sion, Sequence.

[2] Catechism of the Catholic Church, Blg. 1085.

[3] Saint Josemaría, Christ is Passing By, Blg. 152.

[4] Catechism of the Catholic Church, Blg. 1323.

[5] Catechism of the Catholic Church, Blg. 1336.

[6] Saint John Paul II, Ecclesia de Eucharistia, Blg. 24.

[7] Saint Josemaría, Christ is Passing By, Blg. 156.

[8] Saint Thomas Aquinas, Lauda Sion, Sequence.

[9] Beginning of the Ave Verum hymn.