Pagninilay: Banal na Puso ni Hesus

Ilang pagninilay na makapagpapalalim ng ating panalangin sa kapistahan ng Kataas-taasang Banal na Puso ng ating Panginoon.

Ang mga paksa ay:

  • Ang halaga natin ay ang dugo ni Kristo
  • Ang pag-ibig ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu
  • Muling pagbabalik sa tamang landas

“ANG MGA BALAK ng Kanyang Puso ay magpasalinlahi, upang iligtas ang kanilang kaluluwa sa kamatayan, at panatilihin silang buhay sa panahon ng kagutuman.” [1] Ibinibigay ng Simbahan ang mga salitang ito mula sa Salmista upang mas maunawaan natin ang hiwaga ng Banal na Puso ni Hesus at ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Ipinapaalala nito na ang Diyos ay may magandang plano para sa bawat tao: isang buhay na malaya at puno ng tunay na buhay. “Hindi tayo basta produkto ng pagkakataon o walang saysay na ebolusyon. Bawat isa sa atin ay bunga ng isang pag-iisip ng Diyos. Bawat isa sa atin ay ninanais, minamahal, at kinakailangan.” [2]

Maaari nating pagnilayan si Hesus sa Krus. Hinayaan niyang mabutas ang Kanyang Puso bilang tanda na mahal Niya tayo nang walang kondisyon. Ayon kay San Ambrosio, “kung paanong si Eva ay nagmula sa tagiliran ng natutulog na si Adan, ang Simbahan naman ay isinilang mula sa nabutas na puso ni Kristo na namatay sa Krus.” [3] Maaaring nating sabihin na ang ating pinagmulan ay ang sugatang Puso ni Hesus. Ang buhay natin bilang mga Kristiyano ay nagmumula sa Kanyang tagiliran. Ito ay parang bukal na lagi nating maaaring balikan upang humugot ng lakas sa ating paglalakbay.

“Si Hesus sa Krus, na ang Puso ay nabutas dahil sa pag-ibig sa atin, ay malinaw na tanda ng halaga ng tao. Ipinapakita nito na mahalaga ang ating kaligayahan at buhay kaya ibinigay ng Anak ng Diyos ang Kanyang sarili upang tubusin, linisin, at iangat tayo.” [4] Sa kapistahan ng Banal na Puso ni Hesus, nauunawaan natin na sa kabila ng ating pagdurusa at kabiguan, may Diyos na hindi tayo pinapalitan at lubos tayong minamahal. Sa panalangin, sa pakikipag-usap kay Kristo, muli nating natatagpuan ang galak at pagtitiwala.


MINSAN, nawawala ang ating kapayapaan kapag nakikita natin ang kasalanan sa ating buhay, Maaaring mangyari ito kapag tayo ay natutukso at nahuhulog sa bisyo. Sa kalooban natin, ayaw natin ang kasalanan dahil inilalayo tayo nito sa Diyos at nakakasakit sa atin at sa iba, pero minsan hindi natin alam kung paano ito labanan. Sa ganitong mga pagkakataon, tila nanghihina tayo at parang hindi makakilos ang ating espirituwal na buhay. Pero kahit ganito, dapat nating tandaan na ang Puso ni Hesus ay laging nagmamahal at nagbabantay sa atin. Sino sa inyo, na may sandaang tupa, kung mawalan ng isa, ay hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa parang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan ito? At kapag natagpuan na niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat nang may galak (Lk 15:4-5). Si Kristo ang Mabuting Pastol na patuloy tayong hinahanapt binubuksan ang daan upang matagpuan tayo at buhatin muli sa Kanyang mga balikat. Ang kaalaman na ang Kanyang Puso ay hindi natutulog, kahit tila malayo tayo sa Kanya, ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang magsimulang muli sa araw-araw nating pakikibaka.

“Ang Puso ng Mabuting Pastol ay nagpapakita na ang Kanyang pag-ibig ay walang hanggan at hindi sumusuko. Umaabot Siya sa atin, lalo na sa mga malayo. Doon Siya higit na umaabot, na parang palaging nakatuon sa mga naliligaw, na nagnanais yakapin ang lahat at walang maiiwan.” [5] Ang ating mga kasalanan ay hindi dahilan upang mawalan tayo ng pag-asa sa paglapit sa Diyos. Hinahayaan ng Panginoon na maranasan natin ang ating kahinaan upang matuto tayong magpakumbaba. Ngunit inaasahan Niya ang ating pagsisikap, at sa tulong ng Kanyang biyaya, muli tayong bumabangon tuwing tayo ay nadadapa. Minsan, “ang kasaysayan ng kaligtasan ay nagaganap ‘sa pag-asang laban sa pag-asa’ (Rom 4:18), sa pamamagitan ng ating mga kahinaan. Madalas nating iniisip na ang Diyos ay kumikilos lamang sa ating mabubuting bahagi, ngunit karamihan sa Kanyang mga plano ay natutupad sa kabila ng ating kahinaan.” [6]


SA KRUS, hinayaan ni Hesus na mabutas ang Kanyang tagiliran ng sibat, “upang ang lahat na maakit sa bukás na puso ng Tagapagligtas ay makainom nang may galak mula sa mga bukal ng kaligtasan.” [7] Ang pagninilay kay Kristo sa ganitong paraan ay makatutulong sa atin na bumalik sa pakikipagkaibigan sa Diyos. “Magkanlong sa mga sugat ng Kanyang mga kamay, paa, at tagiliran,” payo ni San Josemaría. “At muling babangon ang iyong pagnanais na magsimula, at magpapatuloy ka sa iyong paglalakbay nang may mas matibay na loob at sigasig.” [8] Kung nais nating makaalis sa panghihina ng loob, ang pinakamahusay na gawin ay hindi ituon ang sarili sa ating mga kahinaan, kundi tumingin sa Pusong nabutas dahil sa pag-ibig at kaligtasan ng lahat.

“Patuloy kang nagkakamali at nadadapa,” sabi ng nagtatag ng Opus Dei, “at nasasaktan ka nito! Kasabay nito, ang iyong buhay ay umaapaw sa galak na hindi mo mapigil. Dahil dito, ang iyong mga pagkukulang—sapagkat nasasaktan ka sa mga ito, na may dalamhati ng pag-ibig—ay hindi na nag-aalis ng iyong kapayapaan.” [9] Hindi nais ng Diyos na ang ating mga kasalanan ay magdulot ng kalungkutan o maging pabigat sa atin. Kaya ibinigay Niya ang kumpisal upang maibalik ang ating galak tuwing kailangan natin ito. Ang pagsisisi ay tanda ng pusong nagmamahal. Hindi ito galing sa panghihina ng loob dahil sa hindi natin naabot ang inaasahan ng iba o ng sarili, kundi mula sa pag-ibig sa Diyos na gumawa ng lahat para sa atin.

Ang Puso ni Kristo ay laging naghihintay sa ating pagbabalik. Ang kailangan lang ay magpakumbaba at lumapit sa Kanya. At kung nahihirapan tayong magsimulang muli, maaari tayong humingi ng tulong kay Maria. Bilang Ina, inaakay niya tayo sa bukas na Puso ng kanyang Anak.


[1] Roman Missal, Solemnity of the Sacred Heart of Jesus, Entrance Antiphon (cf. Ps 32:11.19)
[2] Benedict XVI, Homily, ika-24 ng Abril 2005
[3] Cf. Saint Ambrose, Expositio evangelii secundum Lucam, 2, 85-89, in Catechism of the Catholic Church, Blg. 766
[4] Saint Josemaría, Christ is Passing By, Blg. 165
[5] Francis, Homily, ika-3 ng Hunyo 2016
[6] Francis, Patris Corde, Blg. 2
[7] Roman Missal, Preface for the Solemnity of the Sacred Heart of Jesus
[8] Saint Josemaría, The Way of the Cross, twelfth station, Blg. 2
[9] Saint Josemaría, Furrow, Blg. 861