NOONG OKTUBRE 2019, “kaguluhan” ang pinakamalapit na salitang naglalarawan sa kalagayan ng mundo.Bumagsak ang ekonomiya. Marami ang nawalan ng trabaho. Maraming negosyo ang nalugi. Lahat ay apektado. Sa panahong iyon, habang naka-lockdown sa Zambales, napansin ni Veronica “Bett” Esposo Ramirez ang tunay na kalagayan ng mga Aeta.
Habang naglalakad siya isang araw sa palengke, napansin niya ang mga Aeta na pilit nagbebenta ng kakaunti nilang ani. Mahirap makabenta dahil napakaraming kakumpetensya. Naisip niya, “Kung ako ngang nahihirapang kumuha ng pagkain, paano pa kaya sila?” Doon parang may apoy na biglang sumindi sa kanyang puso.
Integral Human Development
Naalala niya ang isang kumperensiya sa University of Asia and the Pacific, tungkol sa “social doctrine” ng Simbahan. Lubha siyang naantig sa konsepto ni Pope Paul VI tungkol sa “integral human development.”
“Inspirado ng katuruang ito tungkol sa dignidad ng bawat tao at ang pangangailangang matulungan ang bawat isa na mamuhay nang makahulugan at produktibo. Nagsimula kaming maglingkod sa mga nasa laylayan,” kuwento ni Bett.
Tulong sa mga Pansamantalang Nawalan ng Tirahan
Tumutulong siya sa mga komunidad ng Aeta sa kapatagan na madalas bahain tuwing tag-ulan. Tinutulungan din niya ang mga nasa kabundukan na, kapag malakas ang ulan, ay nalulublob sa maputik at madulas na kalsada. Ilang ulit na ring naging “evacuation center” ang kanilang bahay para sa pansamantalang lumikas na mga Aeta.

Karamihan sa kaniyang mga inisyatiba ay tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng Aeta. Sa tulong ng komunidad ng Castillejos, mga kaibigan at kapamilya, at ng mga Aeta mismo, nakapagtayo sila ng maliit na “study center” na may mga “educational materials” at mga palikuran.
Kooperasyon para Tugunan ang Tunay na Pangangailangan
Noong 2021, sa tulong ng Philippine Nurses Association of America – Metropolitan DC Chapter (PNAMDC), nakapaglagay sila ng 22 “jetmatic hand pumps” at nakapagpamahagi ng “hygiene kits,” bigas, at “groceries” sa mga 100 pamilya. Kalaunan ay nagdagdag ang Arcadis Design and Consulting (ARCADIS) ng 23 pang water pumps.
Noong 2022, sa tulong ng parehong mga sponsor, nakapaglagay sila ng mga “solar lamp post” sa mga komunidad at namigay ng “portable solar lights” at mga lalagyan ng tubig sa 260 pamilya.
Nagpatayo rin ang kaniyang asawa at mga kaanak ng tatlong “training center” kung saan itinuturo ang mga “basic at livelihood skills” tulad ng “hair and nail care”, pananahi, “adult literacy, health emergencies,” paggawa ng ube products, at “values formation.” Lokal na residente ang mga guro at tagapagsanay.

Naiiwan sa Pag-unlad
“Habang milyun-milyong tao ang nakapasok na sa “Fourth Industrial Revolution,” ang mga Aeta sa Zambales ay kapos pa rin sa pangunahing pangangailangan,” paliwanag ni Bett. “Hindi nagbago ang kanilang kabuhayan sa maraming henerasyon. Ang antas ng edukasyon nila ay karaniwang Grade 3. Marami ang hindi marunong bumasa o sumulat.”
Noong 2023, sa tulong ng PNAMDC, nakapagpatayo sila ng 10 palikuran at isang “health hub” para sa isang komunidad. Ginagamit na ito para sa “prenatal check-up,” pagbabakuna, at mga “medical mission.” Tumulong din ang ARCADIS sa pagpapatayo ng 29 pang “toilet and bath houses” sa iba’t ibang sitio sa loob ng kanilang “ancestral domain.”
Espirituwal na Dimensyon
Napansin ni Bett na karamihan sa kanilang “outreach” ay materyal lamang. Gusto niyang idagdag ang espirituwal na bahagi.
Hindi malilimutan ang Disyembre 15, 2022—araw na 33 batang Aeta and tumanggap ng Sakramento ng Binyag. Nasundan ito ng 17 pang binyag noong Enero 2023. Sa kabuuan, 108 batang Aeta na ang nabinyagan. Bawat bata ay tumanggap ng librong pang-relihiyon at isang rosaryo.

Bukal na Suporta
Hindi nahirapan si Bett sa pagkuha ng pondo dahil malinaw ang kaniyang layunin: tumulong. Dahil sa kabutihan ng proyekto, maraming kaibigan at kakilala ang kusang tumutulong. Sinasabi nila, “Bahala ka na, Bett,” bilang tanda ng kanilang pagtitiwala.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga organisasyong tulad ng PNAMDC at ARCADIS upang magbigay ng suporta.
Nandiyan na rin ang mga gawaing bolunterismo at tulong mula sa mga sentro ng Opus Dei sa Maynila, University of Asia and the Pacific, Philippine Food Bank Foundation, Claretian Vietnamese Seminarians and Priests, Malasakit Metro Walk Professional Eagles Club, Kansas Lions Club, at marami pang indibidwal.

Epekto sa Lipunan
Pagkaraan ng anim na taon kasama ang komunidad ng Aeta, masaya si Bett sa mga malinaw na pagbabago sa kanilang kalinisan, kalusugan, edukasyon, kaligtasan, at pakikisalamuha.
Noon, wala pa silang maayos na paliguan o lugar na mapaglaban. Kailangan pa nilang maglakad nang malayo. Ngayon, mayroon na sila—at malaking ginhawa ito sa araw-araw nilang pamumuhay.
Pagsasanay para sa Kabuhayan

Mas marami pang Aeta—babae at lalaki—ang sumailalim sa “training” sa “carpentry, masonry, sewing, cookery, at basic motorbike maintenance.” Pagkatapos ng “training” tumatanggap sila ng Certificate at sarili nilang tools.
Maging mga pamilya, kaibigan, at taong mula sa komunidad ay nagme-message kay Bett upang magpaabot ng tulong. Isa na rito si Ma. Fe, na nagbigay ng “portable concrete stove” para sa 90 pamilya. Kasama sa donasyong ito ang pagtuturo sa mga Aeta kung paano gumawa ng naturang kalan—na nagsilbi ring “livelihood training” para sa kanila.

Liwanag at Seguridad
Malaking tulong ang “solar lights” para sa pag-aaral ng mga bata sa gabi, at para sa mga pamilya kapag umaakyat sila ng bundok upang mag-ani. Nagbigay din ng liwanag ang mga “solar lamp post” sa gabi, kaya mas ligtas at mas aktibo ang komunidad sa gabi.

Pagiging Simple
Pinagnilayan ni Bett na “mabuti para sa isang tao ang manatiling konektado sa kapwa.” Dahil sa pagkakaiba ng buhay sa Maynila at sa Aeta communities, nakita niya ang kagandahan ng payak na pamumuhay.
Natutunan niya sa mga Aeta na sapat na ang pagkain, simpleng trabaho, at sariling tahanan. “Halimbawa,” sabi niya, “para sa mga Aeta, sapat na ang dalawang hiwa ng gabi, saging, o kamote para sa isang pagkain. Sa lungsod, sangkap lang ito sa pagluto… At ang mga Aeta, matatag—sa edad na 75, may mga nakakakarga pa rin ng troso.”
Binigyang-diin niya ang pinakamahalagang natutunan niya: “Maging simple.”
Lumaki si Bett sa Maynila at madalang umuwi sa Castillejos. Noon, hindi niya napapansin ang mga pagsubok na dinaranas ng mga Aeta.
“Habang tumatanda tayo, mas nauunawaan natin na mas malalim ang buhay at may mas mahalagang misyon tayo,” sabi niya. “Dumarating tayo sa puntong mas mahalaga ang pagtuklas ng mga bagay na lampas sa sarili.”

