Pagninilay: Unang Linggo ng Adbiyento (Taon A)

Mga pagninilay para sa Unang Linggo ng Adbiyento, ika-30 ng Nobiyembre 2025.

Ang mga paksa ay:


SINISIMULAN NATIN NGAYON ang panahon ng Adbiyento, mga araw nang paghihintay dahil alam natin na malapit na ang pagdating ni Hesus. Inaanyayahan tayo ng liturhiya ng Linggong ito na pag-isipan ang ating buhay kaugnay nang pagdating ng Panginoon:

“Ipagkaloob mo sa iyong mga tapat, makapangyarihang Diyos, ang pagnanais na salubungin si Kristong dumarating na may kasamang mabubuting gawa, upang, kapag sila ay nasa kanyang kanan, karapat-dapat silang mapasakanila ang kaharian ng langit.”[1] Ang buong buhay natin ay panahon nang paghihintay hanggang sa dakilang araw na iyon kung kailan darating si Hesus upang tayo ay dalhin sa Kanya. Kaya bilang paghahanda sa pagtitipong ito, ipinasusumamo sa atin ng karunungan ng Simbahan sa Diyos ang mas matinding hangaring gumawa ng mabuti.

Isinulat ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma: “At ganito ang inyong gawin, taglay ang pagkakilala sa panahong tinatahak natin: oras na upang gumising kayo sa pagkakatulog, sapagkat ngayon ay lalong malapit ang kaligtasan sa atin kaysa noong unang sumampalataya tayo.” (Rom 13:11). Iniwan sa atin ng Diyos bilang pamana ang mundong ito; nais Niyang alagaan natin ang Kanyang mga nilalang, hinihikayat Niya tayong maghasik ng kabutihan sa ating buhay at sa paligid natin. Isang araw – hindi natin alam kung kailan – muling darating ang Panginoon. Kay sarap sa puso ni Kristo kung sa araw na iyon ay masigla nating sasalubungin Siya! Hanggang sa dumating ang sandaling iyon, nais nating maging mapagmatyag, sapagkat hindi natin alam ang araw ni ang oras.

Maaaring maging magandang pagkakataon ngayong Adbiyento na suriin ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa atin ng Diyos at kung paano natin ito tinutupad. Marahil, habang nagpapasalamat tayo sa napakaraming kagalakan, aaminin din natin na may mga bagay tayong napabayaan. Ngayon ay maaari tayong magpasiyang magsimulang muli hinggil sa mga bagay na iyon, ayon sa madalas na payo ni San Josemaría: “Magsimulang muli? Oo, magsimulang muli. Ako – at palagay ko pati ikaw – ay nagsisimulang muli bawat araw, bawat oras, bawat sandaling ako ay nagsisisi.”[2]


KAYA MAGBANTAY KAYO, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw nang pagdating ng inyong Panginoon” (Mt 24:42). Maaaring tila napakabigat ng panawagang ito ni Hesus. Ngunit, hindi ba’t ito ang katotohanan? Maikli ang buhay, mabilis lumipas ang oras at, sa bilis ng ating pamumuhay, maaaring mapabayaan natin ang ilang mahahalagang bahagi ng ating pag-iral. Nais ng Panginoon na makasama natin siya, na huwag natin siyang kalimutan, kaya paulit-ulit niya tayong tinatawag. Ang paanyayang magmatyag ay pagpapahayag ng hangaring iyon ng Diyos; isa itong kaparaanan upang tayo ay gisingin kung sakaling tayo ay inaantok na. Inaanyayahan tayo ni Hesus na muling namnamin ang higit na mahalaga.

“Magbantay” Inaanyayahan tayo ng Panginoon na papag-ibayuhin natin ang ating pagnanais na maging banal, na muling ibaling sa Diyos ang anumang kinakailangang baguhin. Ito rin ang paanyaya ni San Pablo sa mga taga-Roma:

“Taglayin ninyo ang Panginoong Hesukristo, at huwag ninyong bigyan-lugod ang laman sa mga pita nito” (Rom 13:14). Sa kabuuan, ito ay tungkol sa paghahangad ng isang buhay “hindi ayon sa makamundong pamamaraan kundi ayon sa kaparaanan ng Ebanghelyo: mahalin ang Diyos nang buong puso, at mahalin ang kapwa gaya ng pag-ibig ni Hesus – sa paglilingkod at pagbibigay ng sarili. Ang kasakiman, ang pagnanais na magkamal ng ari-arian, ay hindi nagpapasaya sa puso; sa halip, nagdudulot pa ito ng higit na pagkauhaw.”[3] Si Hesus mismo ang inihain sa atin bilang kaloob upang makamit ang bagong buhay.

Habang naghahanda tayo sa kapanganakan ng Batang Hesus, maaari nating pag-isipan ang mga katotohanang ito. Nais tayong puspusin ng Panginoon ng kanyang biyaya. Ang panahong ito ng Adbiyento, panahon ng paghihintay, ay isang pagkakataong buksan ang ating sarili sa kaloob na ito at tanggapin ito nang buong puso. Sa ganitong paraan, lalabas ang ating pinakamabuting sarili – ang pinakamahusay na kaanyuan ng bawat isa sa atin.


ANG ATING BUHAY ay isang kaloob ng Diyos. Sa panahon ng Adbiyento, panahon nang natatanging biyaya, paulit-ulit tayong pinaaalalahanan ng Simbahan ng katotohanang ito: ang Diyos ay higit sa anumang bagay na sumasakal o nagpapaliit sa pag-ibig, mga bagay na sa huli ay nakasasakit at hindi kanais-nais.

“Sa isang lipunang madalas ay labis ang pagtuon sa kaginhawahan, tinutulungan tayo ng pananampalataya na itaas ang ating paningin at tuklasin ang tunay na layunin ng ating buhay. Kung tayo ay tagapagdala ng Ebanghelyo, magiging mabunga ang ating paglalakbay dito sa mundo.”[4]

Itinaas ang paningin; muling tuklasin ang tunay na layunin ng ating buhay; mag-iwan ng bakas at maging mabunga sa ating pananatili sa mundong ito. Maaaring ito ang maging magandang layunin natin ngayong Adbiyento. Ang pagbabalik-loob ay, sa una, isang biyaya: ito ay liwanag upang makita at lakas upang magpasiya. Nais nating tumingin sa mukha ng Diyos upang tayo ay maligtas. Alam natin na ang ating mga kahinaan ay hindi ang ating hangganan, kundi ang ating sandigan ay ang walang hanggang lakas ng Diyos. Panginoon, sa Iyo namin inilalagak ang aming tiwala. Kailangan naming sabihin ito, sapagkat ang Diyos ay labis na iginagalang ang ating kalayaan at hinihintay Niyang payagan natin Siyang makibahagi sa ating buhay. Kung hihilingin natin ito, kung ilalagay natin sa kanyang mga kamay ang mga pinakamahirap na gawain at pagsisikapan nating gawin ang mga bagay na kaya nating abutin, tiyak nating matatanggap ang kanyang liwanag at lakas.

Alam natin kung sino ang ating Panginoon at ang kanyang paalala upang tayo’y magbantay, kaya nais nating panatilihin ang diwa ng pagmamahal – kahit sa mga pagkakataong tayo ay pagod. Nariyan si Maria na kasama natin: marunong siyang mamuhay sa matiyagang paghihintay sa mga buwan ng pagbubuntis kay Hesus at matutulungan niya tayong manatiling gising at masaya, nagsisimulang muli sa tuwing kinakailangan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoon.


[1] Romano Misal, Panalanging Pambungad para sa Unang Linggo ng Adbiyento.

[2] In Dialogue with the Lord, critical-historical edition, p. 143.

[3] Papa Francisco, Angelus, 4 Agosto 2019.

[4] Msgr. Fernando Ocáriz, “Light to See, Strength to Want To,” ABC, Setyembre 18, 2018