SUMISIKAT ANG ARAW sa Herusalem. Sa mga pader ng lungsod, sa Templo, sa mga tore ng moog… unti-unting napapawi ang kadiliman ng gabi sa unang sinag ng araw. Nagsimulang maglakad sina Maria Magdalena at iba pang mga banal na babae pahilagang-kanluran, tungo sa Kalbaryo. Walang tao sa mga lansangan. Mabigat ang kanilang mga puso, nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ni Hesus na tila nagpadilim sa buong mundo nang walang-takda. Subalit hindi sila pinanghihinaan ng loob, kahit batid nilang naglagay ng mga bantay ang Sanhedrin sa harap ng libingan, o kahit ikatlong araw na ng pagkamatay ni Hesus. Hindi nila alam kung sino ang magtatabi ng bato na nakatakip sa libingan, ngunit hindi nila nais manatili sa kanilang mga tahanan. Muli nilang tinahak ang mga lugar na nilakaran ni Hesus. At muli na namang naligalig ang kanilang mga puso sa pag-alala sa lahat ng nangyari. Ngunit hindi sila bumigay sa takot.
“Tunay na nakakaantig ng puso ang pananampalataya ng mga babaeng ito,” sabi ni San Josemaría sa isang pagninilay sa Pasko ng Pagkabuhay. “At nagugunita ko ang maraming mabubuting bagay tungkol sa aking ina, gaya ng paggunita ninyo sa maraming magagandang alaala tungkol sa inyong mga ina… Alam ng mga babae na may mga sundalo na nakabantay doon. Alam nilang lubos na nakapinid ang libingan. Ngunit bumili pa rin sila ng langis upang ipahid ito sa bangkay ng ating Panginoon, at bago pa sumikat ang araw ay nagtungo sila sa libingan... Nangailangan ito ng malaking tapang! Pagdating nila sa libingan, nakita nilang naigulong na ang bato (cf. Mc 16:4). Laging ganito ang nangyayari. Kapag mapagpasyahan nating gawin ang dapat nating gawin, madaling nalalampasan ang mga hadlang.” [1]
Hinihiling natin sa nga banal na babae na tulungan tayong magkaroon ng pagmamahal sa ating Panginoon na kasing-tibay ng sa kanila, higit na malakas pa sa di-masukat na paghihirap ng Pasyon. Sa puso ng mga babaeng ito, ang apoy na mismong si Kristo ang nagpa-alab ay hindi tuluyang nawala. Bumangon sila nang maaga, at hindi iyon nasayang. Hindi kayang tanggihan ng Diyos ang ganoong pag-ibig, kaya’t ipinagkaloob Niya sa kanila ang pinakadakilang balita sa lahat, ang lubos na katuparan ng lahat ng mga propesiya: “muli Akong nabuhay at kasama pa rin ninyo Ako,” sabi Niya sa bawat isa sa atin. “Inaalalayan kayo ng aking kamay. Kahit saan ka mahulog, palagi kang mahuhulog sa Aking mga kamay. Ako’y naroroon kahit sa pintuan ng kamatayan. Sa lugar na walang makakasama sa iyo, at kung saan wala kang madadala, naroon Ako, naghihintay sa iyo, at para sa iyo, gagawin Kong liwanag ang kadiliman.” [2]
----------------------------------------------------------
NAGMAMADALI SILA SA TUWA, bagama’t nagugulumihanan pa rin, patungo sa Senakulo upang ipahayag sa mga apostol ang kanilang nakita. Ngunit nang marinig ng mga apostol ang mensaheng dala ng mga babae, na humihingal pa sa pagmamadali, tila kabaliwan lamang ito sa kanila. Kasabay ng luha at mga pag-iyak ng kagalakan ang kanilang mga salita. Ngunit nais nina Pedro at Juan na malaman ang lahat ng maaaring malaman tungkol sa Panginoon, kahit na hindi nila lubos na mapaniwalaan ang mga sinabi ng mga babae. Patungo sa libingan, Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan noong isa (Jn 20:4). Nais nating tumakbo kasama nila at maunahan pa si Juan. Paano kung totoo ang sinasabi ng mga babae? Paano kung natupad nga ni Hesus ang Kanyang pangako? Habang tumatakbo sila sa liwanag ng umaga, unti-unting tumitibay ang pag-asa sa puso ng dalawang apostol na ito.
Maaari nating ituon saglit ang ating mga mata kay San Pedro: “Hindi siya nanatiling nakaupo, nag-iisip; hindi siya nanatili sa bahay tulad ng iba. Hindi siya nagpadala sa madilim na kapaligiran ng mga araw na iyon, o sa mga pagdududa. Hindi siya nilamon ng pagsisisi, takot, o tsismis na walang patutunguhan. Hinahanap niya si Hesus, hindi ang kanyang sarili. Ito ang simula ng muling pagkabuhay ni Pedro, ang muling pagkabuhay ng kanyang puso. Hindi siya nagpadala sa kalungkutan o sa kadiliman, nagbigay siya ng lugar para sa pag-asa at hinayaan niyang pumasok ang liwanag ng Diyos sa kanyang puso at hindi niya ito sinugpo.” [3]
Bagaman, tulad ni Pedro, minsan ay naitatanggi natin si Hesus, tulad niya nais din nating bumalik sa Kanya. “Ngayon na ang tamang panahon upang magbago, mga anak ko,” sabi ni San Josemaría sa isang pagninilay. “Ang kabanalan ay nangangahulugan na araw-araw tayong muling isinisilang. Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa inyong mga pagkakamali, hangga't may mabuting hangarin kayo at nagsisimula muli sa bawat pagkakataon. Dalhin mo ang lahat ng iyong mga pagkakamali, lahat ng hadlang sa landas, at ilagay mo ang mga ito sa paanan ni Kristo, upang maitaas Siya at magtagumpay Siya – at magtatagumpay ka rin kasama Niya. Huwag mong hayaang may makagambala sa'yo: itama ang iyong layunin; magsimula muli, magsikap nang paulit-ulit. At sa huli, kung hindi mo na talaga kaya, darating ang ating Panginoon upang tulungan kang malampasan ang balakid, ang balakid ng kabanalan. Ito ang paraan upang mapanibago ang ating sarili, upang mapagtagumpayan ang ating sarili: isang araw-araw na “muling pagkabuhay,” na may katiyakan na makararating tayo sa dulo ng ating landas, kung saan naghihintay ang Pag-ibig.” [4]
----------------------------------------------------------
HINDI NAGPUNTA SI MARIA, ang ina ni Hesus, sa libingan noong umagang iyon. Nanatili siya sa bahay, marahil nakangiti. Walang sinuman, maliban kay Maria, ang tunay na nakaunawa sa plano ng Diyos Ama: hindi pa nila nauunawaan noon na si Hesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan (Jn 20:9). Nasanay si Maria na inililingap sa kanyang puso ang mga salita ni Hesus. Pagkatapos ng Biyernes ng pagdurusa, ang kanyang mga iniisip ay nakatuon sa mga kamangha-manghang sinabi at ginawa ni Hesus. Marahil ay naalala niya ang mga palaisipang salitang binitiwan Niya tungkol sa Kanyang muling pagkabuhay sa ikatlong araw. Hindi niya ikagugulat ang anumang magagawa ng kanyang Anak.
Para sa atin, mahigit na dalawang libong taon pagkatapos maganap ang mga pangyayaring ito, ang Biyernes Santo at ang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay patuloy na nagbibigay ng lakas at kahulugan sa ating mga buhay. Kung kaya, “ang halaga ng mga pangyayari sa mundong ito ay naayon sa halagang nais natin: kung mananatili tayong kaisa ng Diyos, walang makakagambala sa kapayapaan ng ating loob. Kapag naman, dahil sa ating kahinaan, pinalalaki natin ang maliliit na pangyayari at hinahayaan nating magambala tayo ng mga ito, iyon ang kagustuhan natin. Sa tabi ng ating Panginoon, batid sa pakiramdam natin ang kapayapaan. Kung makikiisa tayo sa Krus ni Kristo, sa Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay at sa apoy ng Pentekostes, walang hadlang na hindi natin malalampasan.” [5]
Nais ni San Josemaría na manatili sa piling ng ating Mahal na Ina, lalo na sa mga araw ng kagalakan ng Paskwa, “laging panatag sa tagumpay na nakamit ni Kristo para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.” [6] Kapag dinarasal natin ang Regina Cœli, madalas nating mapapangiti ang ating Mahal na Ina: isang banal na ungaga sa atin na kanyang mga “bagong silang” na mga anak, na pinagpanibago ng Pasko ng Pagkabuhay. “Magalak at magsaya ka, O Birheng Maria,” sasabihin natin sa kanya, na may pananabik na makibahagi sa kanyang kagalakan, sa kaalaman na mananatili na sa atin si Hesus magpakailanman.
----------------------------------------------------------
[1] San Josemaría, Pagninilay, 29 March 1959.
[2] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 7 April 2007.
[3] Papa Francisco, Homiliya, 26 March 2016
[4] San Josemaría, Pagninilay, 29 March 1959.
[5] Ibid.
[6] Ibid.