Ang mga paksa ay:
- Hinirang ni Hesus si Hudas bilang isang apostol
- Mahigit ang awa ng Diyos kaysa sa ating kahinaan
- Ang pag-asa na nagbabalik sa atin sa Diyos
“ANG ISA SA LABINDALAWA na tinatawag na Hudas Iscariote, ay pumunta sa mga punong saserdote at nagsabi, ‘Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung maituro ko Siya sa inyo?’ Binayaran nila ito ng tatlumpung pirasong pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo si Hesus” (Mt 26:14-16). Kaugalian nang sinasariwa ng Simbahan sa Miyerkules ng Semana Santa ang pagtataksil ni Hudas. Napakalayo na sa puso ng apostol na ito, na ngayo’y nagbabalak ipagkanulo si Hesus, ang mga unang pagkikita nila ng itinuring niyang Mesiyas! Personal na pinili rin ni Kristo si Hudas Iscariote. Kasama ni Hesus, maaari sana siyang naging kasing saya ng iba at sana naging isa sa mga haligi ng Simbahan. Ngunit pinili niyang ipagbili, sa halaga ng isang alipin, ang Siyang nagbigay sa kanya ng lahat. At ito’y kalooban ng Diyos na hindi maging tahimik ang Banal na Kasulatan sa katotohanang ito.
Naganap sa Huling Hapunan ang kapahamakang bunga nito, nang si Hesus ay napuspos ng dalamhati dahil sa nalalapit Niyang pagpapakasakit at pagdaramdam sa pagtatakwil ng Kanyang mga minahal. Habang sila’y naghahapunan], sinabi niya, “Tunay Kong sinasabi sa inyo na isa sa inyo ang magkakanulo] sa Akin” (Mt 26:21). Nabigla ang labing-isang apostol at nagtanong: “Ako ba, Panginoon?” dahil alam nila ang sarili nilang mga pagkukulang at may malaking pagtitiwala sila sa mga salita ni Kristo. Sumagot Siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa pinggan, ang magkakanulo sa Akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat ngunit aba ang magkakanulo sa Anak ng Tao, mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” Nagtanong din si Hudas na magkakanulo sa Kanya:, “Ako ba, Guro?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi” (Mt 26:22-25). Hindi natin alam kung muli pang tumingin si Hudas sa mga mata ni Hesus. Kung ginawa niya, hindi niya makikita roon ang sama ng loob o galit. Ang pagtingin ni Kristo sa Kanyang kaibigan, ng may pagmamahal tulad ng una Niyang tinawag ito sa Kanya upang maging apostol ay hindi nagbago.
“Matitiis ba natin ang isang Diyos na naglingkod sa atin kahit tayo ay nagtaksil at tumalikod sa Kaniya? Huwag nating kalimutan ang dahilan na tayo ay nilikha, at huwag sayangin ang tunay na mahalaga. Narito tayo sa mundo upang mahalin Siya at ang ating kapwa. Lilipas ang lahat, ngunit ang pag-ibig ay mananatili.” [1]
ANG PAGKAKANULO ni Hudas ay hindi minsang pagkakamali], kundi bunga ng maraming maliliit na kataksilan. Sa Ebanghelyo ni San Juan, may isang kapansin-pansin na] pangyayari: ang pagpuna ni Hudas sa tila pag-aaksaya ni Maria ng Betania sa pagbuhos ng mamahaling pabango sa paa ni Hesus, ilang araw bago ang Paskuwa. Pinuna ni Hudas ang kanyang ginawa, na parang mabuti ang hangarin. Ngunit “sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; siya ang may hawak ng pananalapi at nangungupit siya sa inilalagay doon” (Jn 12:6).
Gayunpaman, kahit ang ganitong kasalanan, o anumang kahinaan ng tao, ay hindi sapat upang madaig ang pag-ibig ng Diyos na patuloy na tumatawag sa bawat isa at laging naghihintay sa ating pagbabalik. Nakita ni San Josemaría na ang katangian ng Diyos na lubos na maawain ang ating tunay na lakas: “Lahat tayo ay may pagkukulang. Ngunit hindi dapat ito maging dahilan upang hindi tayo tumugon sa tawag ng Diyos, kundi upang kumanlong tayo sa Kanya, upang madamitan natin ang ating sarili ng Kanyang kabutihan, tulad ng mga sinaunang mandirigma na nagbibihis ng kanilang baluting pandigma.” [2]
Iminungkahi ni San Agustin ang mapagpakumbabang panalangin sa harap ng Diyos bilang pinakamahusay na paraan upang harapin ang ating sariling kahinaan. Partikular na tinutukoy niya si Hudas Iscariote, ang sabi niya: “Matapos niyang ipagkanulo si Kristo kung nagsisi siya sa ginawa niya, kung nanalangin siya sa pamamagitan ni Kristo, hihingi siya ng kapatawaran; kung humingi siya ng kapatawaran, magkakaroon siya ng pag-asa; kung may pag-asa siya, maghihintay siya ng awa.” [3] Hindi nais ng Panginoon na mapahamak si Hudas, tulad ng hindi Niya nais na kahit sino ay mapahamak. Kahit sa Kanyang pagkakadakip, sinubukan Niya pa rin siyang mapagbago ng isip, tinawag siyang “kaibigan” at tinanggap ang kanyang halik. Marahil kahit sa Krus, umaasa pa rin si Kristo na bumalik ang Kanyang apostol upang mapatawad siya, tulad ng ginawa Niya sa magnanakaw na nagsisi.
SA GABING IYON ng pagtataksil, tatlong ulit itinanggi ni Pedro ang ating Panginoon. Siya na magiging saligan ng Simbahan ay lumuha nang may pagsisisi at pagmamahal. Sa kabilang dako, hindi nagkaroon ng kababaang-loob si Hudas, upang bumalik sa Panginoon at aminin ang kanyang kasalanan. Nanatiling may pag-asa si Pedro, samantalang nawala ito kay Hudas, dahil hindi siya nagtiwala sa awa ng Diyos.
Sa kaniyang komentaryo sa talatang ito ng Ebanghelyo, sinabi ni San Josemaría: “Tingnan ninyo kung anong laking buti ang magkaroon ng pag-asa! Napagtanto ni Hudas ang kabanalan ni Kristo at nagsisi sa kanyang ginawa. Kaya’t kinuha niya ang bayad para sa kanyang patataksil at itinapon ito sa harap ng mga nagbigay sa kanya. Ngunit wala siyang pag-asa, na siyang katangian na kailangan upang makabalik sa Diyos. Kung nagkaroon lamang siya ng pag-asa, maaari pa siyang naging isang dakilang apostol. Sa anumang kaso, [or Kahit ano pa] hindi natin alam kung ano ang naganap sa puso ng taong iyon, kung tumugon siya sa biyaya ng Diyos sa huling sandali. Tanging ang Diyos lamang ang nakaaalam kung ano ang nangyari sa kanyang puso. Kaya huwag kailanman mawalan ng pag-asa, huwag panghinaan ng loob, kahit na nagawa mo ang pinakabaliw na bagay [or nakagawa ka ng labis na kahangalan]. Ang kailangan mo lang [or lamang] gawin ay magsalita, magsisi, at hayaang akayin ka, at maaayos ang lahat.” [4]
Ito ang aral na maaari nating matutunan sa Ebanghelyo ngayon. Gaano man kalaki ang ating mga kasalanan, mas mahigit ang awa ng Diyos. Lahat ay maaaring mapagaling kung lalapit tayo sa Panginoon at bubuksan ang ating puso sa grasya upang pagalingin ni Kristo ang ating mga sugat. “Ang takot at kahihiyan, na pumipigil sa atin upang maging tapat, ang pinakamatinding kaaway ng ating pagtitiyaga. Gawa tayo sa luwad; ngunit kung magsasalita tayo nang malinaw, ang luwad ay magkakaroon ng tibay na tulad ng tanso.” [5] Ito ang lakas na nakamit ng pagpapakumbaba ni San Pedro, ang bato ng Simbahan. At ito rin ang lakas na hinihiling natin kay Hesus sa pamamagitan ni Maria, na Kanyang Ina, na siya rin ating Ina.
[1] Papa Francisco, Homiliya, 5 Abril 2020.
[2] San Josemaría, Mga Liham 2, blg. 47a.
[3] San Agustin, Komento sa Awit 108, blg. 9.
[4] San Josemaría, Mga Tala mula sa kanyang pangangaral, 8 Disyembre 1968. [5] San Josemaría, Mga Liham 2, blg. 41a.
