Pagninilay: Linggo ng Palaspas

Pagnilayan natin ang Linggo ng Palapaspas sa unang araw ng Semana Santa. Ating bibigyang pansin ang pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem at ang paghahari ng Diyos sa atin.

ANG PAGPASOK NG PANGINOON SA JERUSALEM. Si Hesus ay palagiang tumatanggi sa anumang pagpapakita ng papuri sa kanya. Siya ay minsan ng nagtago nang siya’y sinubukang gawing hari. Pero ngayon, siya ay pumayag na dalhin sa Banal na Lungsod sa gitna ng papuri ng mga tao. Ito ay nangyari ngayong nalalapit na ang kanyang kamatayan. Pumayag siyang makilala bilang Mesiyas. Alam niyang maghahari siya mula sa Krus. Alam din niya na ang mga taong pumupuri sa kanya ngayon ay sila ring maglilibak sa kanya sa Biyernes Santo. Ang mga palaspas ay magiging panghagupit; ang mga sanga ng olibo, mga tinik; ang mga masasayang papuri, walang-awang paglibak.

Ipinapakita ng liturhiya sa pamamagitan ng pagbabasbas ng mga palaspas at ng mga Pagbasa na ang kasayahan at ang paghihirap sa buhay ni Kristo ay magkaugnay. Sabi nga ni San Bernardo, ang galak at ang pananangis ay nakabigkis sa araw na ito. “Ngayong araw na ito, ipinapakita ng Simbahan ang makabago at nakamamanghang pagkakaugnay ng pasyon at ng prusisyon; ang prusisyon ay pagbubunyi, ang pasyon ay pananangis.” [1]

Sabi rin ni San Agustin: “Ang mga dahon ng palaspas ay nagpapakita ng pagpupugay. Ito ay sagisag ng tagumpay. Lulupigin ng Panginoon ang kamatayan sa pamamagitan ng Krus. Sa ilalim ng tanda ng Krus, siya ay magtatagumpay laban sa demonyo, ang prinsipe ng kamatayan.” [2] Dagdag ni San Josemaria, “Si Kristo ang ating kapayapaan. Siya ay nagtagumpay.” [3] Sa pagbabasa ng Pasyon, nakikilala natin ang maraming tao. Iilan lamang sa kanila ang nakapansin sa nalalapit na tagumpay ni Kristo. Maaari nating tanungin ang ating sarili habang sinasariwa natin ang mga pangyayari: “Ano ang laman ng puso ko? Sino ang kahawig ko sa mga taong ito?” [4] Gaano kalalim ang aking pananampalataya sa aking pagninilay sa mga mahahalagang pangyayaring ito?

SA MATAGUMPAY NA PAGPASOK NI HESUS SA JERUSALEM, may isang bagay na kapansin-pansin. Sa gitna ng maraming ingay ng mga tao, naroroon ang tahimik, matapat at masunuring asno. Siya ay kakaiba. Dala niya ang ating Panginoon. “Isang asno ang trono ni Hesus sa Jerusalem. Napakalaking karangalan ang maging trono ng Panginoon.” [5] Ang mapagpakumbabang asno ay dahan-dahang humahakbang sa daang sinapinan ng mga tao ng kanilang mga balabal bilang pagpaparangal kay Hesus. Maaaring may mga mamahaling seda at magagandang lino doon. Ngunit habang ang iba ay nag-aalay ng kanilang mga materyal na bagay, ibinibigay ng asno ang kaniyang sarili. Dala niya ang banayad na bigat ni Hesus sa kaniyang magaspang na likod. Nagtatakbuhan ang mga tao sa tabi niya, iwinawagayway ang mga sanga ng olibo, mga palaspas at mga laurel. Subalit wala kahit sino sa kanila, kahit na nga ang mismong mga apostoles, ang kasing lapit ng asno kay Hesus.

“Kung ang paghahari ni Hesus sa aking kaluluwa, sa iyong kaluluwa, ay nangangahulugang dapat matagpuan niya itong karapat-dapat na tahanan, maaari tayong malungkot dahil hindi pa ito ganap. Ngunit ‘huwag kang matakot lungsod ng Siyon; masdan mo, dumarating ang iyong hari na nakasakay sa bisirong asno.’ Dito natin makikita na nagtitiyaga si Hesus sa isang hamak na hayop para sa kaniyang trono. Hindi ako nalulungkot na makita ang aking sarili bilang isang asno na tagapasan lamang: ‘Ako ay parang isang asno sa iyong harapan, ngunit ako ay patuloy na kasama mo. Hawak mo ang aking kanang kamay at ako ay ginagabayan mo… Ang asno ay nabubuhay sa kaunting pagkain. Siya ay masipag at may maliksi at masayang paghakbang. Maraming ibang hayop ang higit na magaganda, higit na magaling at malakas. Ngunit isang asno ang pinili ni Kristo noong ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa mga tao na isang hari bilang tugon sa kanilang pagbubunyi. Walang panahon si Hesus sa mga pagtatantiya, sa pagiging tuso, sa kalupitan ng malamig na puso, sa makatawag pansin ngunit hungkag na kagandahan. Ang nais niya ay ang pagiging masayahin ng isang batang puso, simpleng paglakad, likas na tinig, malinis na paningin at nagbibigay-pansin sa kaniyang mapagmahal na mga payo. Ganyan siya naghahari sa ating kaluluwa.” [6]

Sa mga Mahal na Araw na ito, nais rin nating higit na pakinggan ang tinig ng Diyos. Ayaw natin na makalagpas sa ating pansin ang mga kilos, anumang salita, anumang damdamin ni Hesus sa mga araw na ito na magbibigay kahulugan sa ating buhay.

“ANO ANG TUNAY NA NANGYAYARI sa puso ng mga nagbubunyi na si Kristo ay hari ng Israel? Malinaw na may sarili silang pagkaunawa sa pagiging Mesiyas, isang pagkaunawa ng kung papaano mamumuno ang napakatagal ng hinihintay na haring ipinangako ng mga propeta. Makalipas ang ilang araw, kagaya ng inaasahan, sa halip na ipagbunyi si Hesus, ang madla sa Jerusalem ay sumisigaw kay Pilato: ‘Ipako sa Krus!’, samantalang ang mga disipulo, kasama ng ibang nakakita sa kaniya at nakapakinig sa kaniya, ay nagmistulang pipi at mga nagsialisan. Ang karamihan ay nabigo sa paraan ng pagpapakilala ni Hesus sa sarili niya bilang Mesiyas at Hari ng Israel. Ito ang kaibuturan ng pagdiriwang sa araw na ito para sa atin rin.” [7]

Ang karanasan ng mga sumalubong kay Hesus hawak ang palaspas ay makakatulong sa atin upang pag-isipan kung ano ang ating pagkaunawa kung sino si Hesus at kung ano ang pagkaunawa natin sa kaniyang paghahari. Maaaring mangyari, halimbawa, na minsan tayo ay naiinip at nababagalan sa pagsasagawa ng pagliligtas. Kung minsan nais nating magtagumpay kaagad ang Diyos, at iniisip nating ang plano natin ay ang plano ng Diyos. Hindi natin matanggap na kailangan ng Diyos tiyakin na hindi mawawalang bahala ang kalayaan natin at ng mga nasa paligid natin. Ang pagmamahal niya ay napakadalisay at hindi niya ito ipinipilit sa atin. Ayaw niyang magsamantala, halimbawa, na ang pagbubunyi ng mga tao ay para sa kaniyang sariling pakinabang.

“Ang tinatahak ng puso ni Hesus ay umuusad sa ibang daan, sa banal na landas na siya at ang Ama lamang ang nakakaalam: ang landas na nagmumula ‘sa anyo ng Diyos’ patungo ‘sa anyo ng alipin,’ ang landas ng pagpapakumbaba dala ng pagkamasunurin ‘hanggang sa kamatayan, hanggang kamatayan sa Krus’ (Phil 2:6-8). Alam niya na ang tunay na tagumpay ay dapat na magbigay-puwang sa Diyos.” [8] Ibig sabihin nito ay magbigay puwang sa tahimik ngunit mabisang pagkilos ng Diyos na pinapanibago ang lahat sa pamamagitan ng pagmamahal ng Anak sa Ama.

At dito sa landas na ito ay matatagpuan natin ang pinakauna at pinakamatapat na tagasunod ni Hesus na walang iba kundi ang kaniyang inang si Maria. “Hindi siya makikita sa gitna ng mga palaspas sa Herusalem… Ngunit hindi niya tinakasan ang mga pag-alipusta sa Golgota. Naroon siya at nakatayo iuxta crucem Iesu sa tabi ng kaniyang Krus.” [9] At tayo na hindi man karapatdapat na pagpapala ay naroon malapit sa tabi niya.

——-

[1] San Bernardo, Sermon sa Linggo ng Palaspas, 1,1.
[2] Sinipi ni San Josemaria, Christ is Passing By, no. 73
[3] San Josemaria, Christ is Passing By, no. 73
[4] Papa Francisco, Homiliya, 13 Abril 2014

[5] San Josemaria, mga tala sa isang pagtitipong pampamilya, Oktubre 1965
[6] San Josemaria, Christ is Passing By, no. 181
[7] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 1 Abril 2012
[8] Papa Francisco, Homiliya 14 Abril 2019
[9] San Josemaria, Ang Daan [The Way], no. 507