Ang mga paksa:
- Nagpaalab sa pag-ibig ng mga banal na babae ang Muling Pagkabuhay
- Tumakbo patungo sa libingan sina Pedro at Juan
- Malapit kay Maria sa kagalakan sa Muling Pagkabuhay
SUMISIKAT ANG ARAW sa Herusalem. Unti-unting nawawala ang kadiliman ng gabi habang sumisinag sa mga pader ng lungsod, sa Templo, sa mga tore ng moog ang unang sinag ng araw … Umalis sina Maria Magdalena at ilang iba pang mga babae mula sa lungsod at nagsimulang maglakad patungo sa hilagang-kanluran, patungo sa Kalbaryo. Walang tao sa mga lansangan. Mabigat ang kanilang mga puso, nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ni Hesus na tila nagpadilim sa buong mundo magpakailanman. Hindi na tila sumisikat ang araw gaya ng dati noong kasama pa nila ang Panginoon. Ngunit hindi sila pinanghinaan ng loob ng kadiliman, o ng mga bantay na inilagay ng Sanedrin sa harap ng libingan, o ng katotohanang tatlong araw nang patay na si Hesus . Hindi nila alam kung sino ang maggugulong ng bato na nakatakip sa libingan para sa kanila, ngunit tumanggi silang manatili sa kanilang mga tahanan. Muli nilang tinahak ang mga lugar na nilakaran ni Hesus. At muli na namang nanginig ang kanilang mga puso sa pag-aalala sa lahat ng nangyari. Ngunit hindi sila bumigay sa takot.
“Tunay na nakakaantig ng puso ang pananampalataya ng mga babaeng ito,” sabi ni San Josemaría sa isang pagninilay sa Pasko ng Pagkabuhay. “At pinapaalala nito sa akin ang maraming mabubuting bagay tungkol sa aking ina, gaya ng pag-aalala ninyo sa maraming magagandang alaala tungkol sa inyong mga ina… Alam ng mga babae ang tungkol sa mga sundalo na nakabantay doon. Alam nilang saradong-sarado ang libingan. Ngunit ginastos nila ang kanilang pera upang bumili ng langis upang ipahid ito sa bangkay ng ating Panginoon, at bago pa sumikat ang araw ay nagtungo sila sa libingan. . Nangailangan ito ng malaking tapang! Pagdating nila sa libingan, nakita nilang naigulong na ang bato (cf. Mc 16:4). Laging ganito ang nangyayari. Kapag mapagpasyahan nating gawin ang dapat nating gawin, madaiing nalalampasan ang mga hadlang.” [1]
Hinihiling natin sa kanila na tulungan tayong magkaroon ng pagmamahal sa ating Panginoon na kasing-tibay ng sa kanila, mas malakas pa kaysa sa di-masukat na paghihirap ng Pasyon. Sa puso ng mga babaeng ito, ang apoy na mismo si Kristo ang nagpa-alab ay hindi tuluyang nawala. Bumangon sila ng maaga, at hindi iyon nasayang. Hindi kayang tanggihan ng Diyos ang ganoong klase ng pag-ibig, kaya’t ipinagkaloob Niya sa kanila ang pinakadakilang balita sa lahat, ang huling katuparan ng lahat ng mga propesiya: “nabuhay Ako muli at kasama pa rin ninyo,” sabi Niya sa bawat isa sa atin. “Inaalalayan kayo ng aking kamay. Kahit saan ka mahulog, palagi kang mahuhulog sa Aking mga kamay. Ako’y naroroon kahit sa pintuan ng kamatayan. Sa lugar na walang makakasama sa iyo, at kung saan wala kang madadala, naroon Ako, naghihintay sa iyo, at para sa iyo, gagawin Kong liwanag ang kadiliman.” [2]
NAGMAMADALI SILA SA TUWA, bagama’t may pagkalito pa rin, patungo sa Senakulo upang ipahayag sa mga apostol ang kanilang nakita. Ngunit nang marinig ng mga apostol ang mensaheng dala ng mga babae, na humihingal pa sa pagmamadali, tila kalokohan lamang ito sa kanila. ay Sinamahan ng luha at mga pag-iyak ng kagalakan ang kanilang mga salita. Ngunit nais nina Pedro at Juan na malaman ang lahat ng posibleng malaman tungkol sa Panginoon, kahit na hindi sila kumbinsido sa mga sinabi ng mga babae. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan noong isa (Jn 20:4).
Nais nating tumakbo kasama nila at kahit na maunahan pa si Juan. Paano kung totoo ang sinasabi ng mga babae? Paano kung natupad na ni Hesus ang Kanyang pangako? Habang tumatakbo sila patungo sa libingan sa liwanag ng umaga, unti-unting tumitibay ang pag-asa sa puso ng dalawang apostol na ito. Maaari nating ituon ang ating mga mata kay San Pedro sa sandaling ito: “Hindi siya nanatiling nakaupo, nag-iisip; hindi siya nanatili sa bahay tulad ng iba. Hindi siya nagpadala sa madilim na kapaligiran ng mga araw na iyon, o sa mga pagdududa. Hindi siya nilamon ng pagsisisi, takot, o tsismis na walang patutunguhan. Hinahanap niya si Hesus, hindi ang kanyang sarili. Ito ang simula ng muling pagkabuhay ni Pedro, ang muling pagkabuhay ng kanyang puso. Hindi siya nagpadala sa kalungkutan o sa kadiliman, nagbigay siya ng lugar para sa pag-asa at hinayaan niyang pumasok ang liwanag ng Diyos sa kanyang puso at hindi niya ito sinugpo.” [3]
Bagaman, tulad ni Pedro, minsan ay itinatanggi natin si Hesus, at tulad niya nais din nating bumalik sa Kanya. “Ngayon na ang tamang panahon upang magbago, mga anak ko,” sabi ni San Josemaría sa isang pagninilay sa Linggo ng Pagkabuhay. “Ang muling pagsilang sa bawat araw ang ka kahulugan ng kabanalan. Huwag hayaang palugmukin kayo ng inyong mga pagkakamali, hangga't may mabuting hangarin kayo at nagsisimulang muli sa bawat pagkakataon. Dalhin mo ang lahat ng iyong mga pagkakamali, lahat ng hadlang sa landas, at ilagay mo ang mga ito sa paanan ni Kristo, upang maitaas at magtagumpay Siya– at magtatagumpay ka ring kasama Niya. Huwag mong hayaang may makagambala sa'yo: itama ang iyong layunin; magsimula muli, sumubuk ng paulit-ulit. At sa huli, kung hindi mo na talaga kaya, darating ang ating Panginoon upang tulungan kang malampasan ang balakid, ang balakid ng kabanalan. Ito ang paraan upang mapanibago ang ating sarili, upang mapagtagumpayan ang ating sarili: isang araw-araw na "muling pagkabuhay," na may katiyakan na makararating tayo sa dulo ng ating landas, kung saan naghihintay ang pag-ibig.” [4]
HINDI NAGPUNTA SI MARIA, ang ina ni Hesus, sa libingan noong umagang iyon. Nanatili siya sa bahay, marahil nakangiti. Walang sinuman, maliban kay Maria, ang tunay na nakaunawa sa plano ng Diyos Ama: hindi pa nila nauunawaan noon na si Hesus kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan (Jn 20:9). Nasanay Si Maria na itago sa kanyang puso ang mga salita ni Hesus. Pagkatapos ng Biyernes ng pagdurusa, ang kanyang mga iniisip ay nakatuon sa mga kamangha-manghang sinabi at ginawa ni Hesus. Marahil ay naalala niya ang mga misteryosong salitang binitiwan Niya tungkol sa Kanyang muling pagkabuhay sa ikatlong araw. Wala nang anumang magagawa ang Kanyang Anak na makakapagpagulat sa kanya.
Para sa atin, mahigit dalawang libong taon pagkatapos maganap ang mga pangyayaring ito, ang Biyernes Santo at ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay patuloy na nagbibigay ng lakas at kahulugan sa ating mga buhay. Kaya nga, “ang mga pangyayari sa mundong ito ay mahalaga lamang kung bibigyan natin ng halaga. Kung mananatili tayong kaisa ng Diyos, walang makakagambala sa ating panloob na kapayapaan. Kapag, dahil sa ating kahinaan, pinalalaki natin ang maliliit na pangyayari at hinahayaan nating maapektuhan tayo ng mga ito, iyon ang kagustohan natin.
Malapit sa ating Panginoon, pakiramdam natin ligtas tayo. Kung iuugnay natin ang ating sarili sa Krus ni Kristo, sa Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay at sa apoy ng Pentekostes, walang hadlang na hindi natin malalampasan.” [5]
Mahilig Si San Josemaríang manatiling malapit sa ating Mahal na Ina, lalo na sa mga araw ng paschal na kagalakan, “laging ligtas at tiyak sa tagumpay na inihandog sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.” [6] Kapag dinarasal natin ang Regina Cœli, madalas nating mapapangiti ang ating Mahal na Ina, sa isang banal na pagmamalaki sa atin na kanyang mga "bagong silang" na mga anak, na muling nabuhay sa pamamagitan ng Pasko ng Pagkabuhay. "Magalak at magsaya, O Birheng Maria," sasabihin natin sa kanya, na may pananabik na makibahagi sa kanyang kagalakan, na may kaalaman na mananatili na sa atin si Hesus magpakailanman.
[1] San Josemaría, Pagninilay, 29 March 1959.
[2] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 7 April 2007.
[3] Papa Francisco, Homiliya, 26 March 2016
[4] San Josemaría, Pagninilay, 29 March 1959.
[5] Ibid.
[6] Ibid.
