Ang mga paksa ay:
- ang ganap na kagalakan ay nagmumula kay Hesus
- ang kababaang-loob ni Juan Bautista
- maliliit na gawaing paglilingkod upang maghasik ng kapayapaan at kagalakan
“MAGALAK KAYO SA PANGINOON TUWINA; inuulit ko, magalak sana kayo. Ipinakikilala ninyo sa lahat ng tao ang inyong kagandahang-loob. Malapit na ang Panginoon” (Fil 4:4–5). Sa liturhiya ng Simbahan, ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento ay kilala bilang Linggo ng “Gaudete” o “Linggo ng Kagalakan,” at tayo ay inaanyayahang magnilay tungkol sa pinagmumulan ng ating kagalakan. Mula sa kaibuturan ng ating kaluluwa, lahat tayo ay naghahangad na maging masaya. Subalit may mga pagkakataon na hinahanap natin ang kaligayahang ito sa mga ilang bahagi lamang ng ating buhay: sa pagkakaroon ng ilang mga materyal na bagay, sa pagtanggap ng papuri sa lipunan, sa pagkakamit ng ilang uri ng mga talento, o sa isang mapayapang buhay-pamilya. Mabuti ang lahat ng mga ito, walang alinlangan, subalit ipinaaalala sa atin ni San Pablo na ang ganitong mga kaligayahan ay nakararating lamang sa kanilang lubos na kaganapan kung sila ay nauugat lamang sa kaligayahang ipinagkakaloob ni Hesus: “Magalak kayo sa Panginoon lagi.”
Para sa kanyang bahagi, inaanyayahan din ni Propeta Isaias ang kanyang bayan na mamuhay nang may galak, sa kabila ng banta ng kanilang mga kaaway o dahil sa maraming mga pagkakataon na sila ay tumalikod sa Diyos: “Ang lupang mapanglaw at di madaanan ay magagalak at ang ilang ay magdiriwang, at mamumulaklak tulad ng lirio” (Is 35:1). Ganoon din tayo - kahit may mga nakaamba na tukso o kapag tayo’y pagod, maaari pa rin nating mapanatili ang kagalakan sa ating puso. At ang pagiging maaari nito – salamat sa pagiging malapit ni Kristo – ang ating ipinagdiriwang sa Pasko.
Ang kagalakan “ay ang hininga, ang paraan ng pagpapahayag ng sarili ng isang Kristiyano.” [1] Kung paanong ang paghinga ay ang unang palatandaan ng buhay, ang tunay na kagalakan ay tanda na si Hesus ay nagbibigay ng tunay na sagot sa malalalim na pananabik ng ating puso. “Palakasin ang mga mahihinang kamay, at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Sabihin sa mga mahihinang puso: ‘Magpakalakas kayo at huwag matakot, narito ang inyong Diyos na maghihiganti, ang kagantihan ng Diyos: Siya ay darating at tutubusin kayo!’” (Is 35:3–4), ang pagpapatuloy na saysay ni Isaias sa Unang Pagbasa ngayon. Ang Diyos, sa isang kagulat-gulat na kaparaanan ay nagpapakita ng ibayong kagalakan para sa Kapaskuhan kaysa sa atin: ganoon kalaki ang hangarin Niyang makatagpo ng lugar sa ating buhay.
Tinutulungan tayo ng kababaang-loob na ituon ang ating buhay sa kadakilaan ng Diyos. Sa kabilang banda, ang kapalaluan “ay hindi kayang paniwalaan na ang Diyos ay kayang maging gayon kadakila sa pagiging maliit at tunay na makalapit sa atin.” [2] Ngunit ang taong mapagpakumbaba, siya na mapagkumbaba, nang hindi ikinakaila ang sariling kakayahan o hindi nawawalan ng lakas ng loob na gawin ang kanilang makakaya, ay nakakatagpo ng kagalakan sa pagyuko sa isang bata, gaya ng ginawa ng mga Pantas at ng mga pastol.
Tinuturuan tayo ng katangian ng kababaang-loob na ang tanging paghatol na makabuluhan ay yaong sa Diyos, na nagpapakita ng Kanyang sarili sa wangis ng isang sanggol. Sa tuwing lalapit tayo sa ganap na pag-ibig ni Hesus sa pamamagitan ng panalangin, pinalalaya natin ang ating sarili sa mga paghatol hinggil sa ating mga sarili, na kadalasang hindi tumutugma sa katotohanan at humahantong sa kawalan natin ng kapayapaan. Ating napagtatanto na mahal tayo ng Diyos hindi dahil sa ating ginagawa o hindi ginawa, kundi dahil sa kung sino tayo: Kanyang mga anak. At ito rin ang nagtuturo sa atin na huwag husgahan ang kapwa. Sa Betlehem, ang ating pananaw ay maaaring maging higit na mapagpakumbaba, at dahil dito, tayo naman ay magiging pinagmumulan ng kapayapaan at kagalakan para doon sa mga nasa paligid natin.
NILAGOM NI SAN JOSEMARÍA ang mga gawain ng isang apostol na “maghasik ng kapayapaan at kagalakan.” [3] Ang kababaang-loob nang pagkakaalam na tayo ay tagapaghasik ng isang dakilang mensahe na nagmumula sa Diyos ay nagtutulak sa atin na huwag ikapagod ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo. Madalas, sapat na ang mag-alay ng isang ngiti sa harap ng kagipitan; sa ibang pagkakataon, ito'y ang ating pag-unawa na ating ipinakikita sa suliranin ng isang mahal sa buhay… “Ang kagalakan ng Ebanghelyo ay pumupuno sa mga puso at buhay ng lahat ng mga nakakatagpo kay Hesus. Ang mga tumatanggap ng Kanyang pagliligtas ay napapalaya mula sa kasalanan, lumbay, kahungkagan, at kalungkutan. Kay Kristo, ang kagalakan ay palagiang isinisilang at may pagbabagong isinisilang na muli.” [4] Ang ating Kristiyanong pagpapatotoo ay hindi laban sa sinuman o sa anuman, kundi ang pagpapahayag ng kababaang-loob ng Diyos na nagnais na maging tao upang Siya ay matagpuan ng lahat. Bilang mga mapagpakumbabang mga alagad Niya, nais nating makibahagi sa pahayag na iyon: ang bawat isa sa mga pagkilos natin ng pagmamahal ay maaaring maging siyang pinagmumulan at pagpapanibago ng kagalakan sa ating paligid; nais ni Hesus na sumilang sa iba sa pamamagitan ng ating maliliit na gawa ng pag-ibig.
Ang Mahal na Birheng Maria ay “causa nostrae laetitiae” – ang sanhi ng ating kagalakan. Lagi niya tayong dinadalhan ng kagalakan. Maari nating hilingin sa kanya na tayo ay tulungan, tulad ni Juan Bautista, upang gawing tuwid ang mga daraanan ng Panginoon. Kasama niya, “dapat nating punuin ng liwanag ang mundo, sapagkat ang ating misyon ay kinakailangang maging isang paglilingkod na isinasagawa nang may kagalakan. Kung saan may isang anak ng Diyos na nasa Opus Dei, huwag nating isagawa ito nang may kawalan ng tinatawag na kaaya-ayang pagkamagiliwin, na siyang bunga ng panloob na kapayapaan. Ang panloob na kapayapaan at pagbibigay ng sarili: ang pagbibigay ng ating sarili sa paglilingkod sa iba ay sadyang makapangyarihan, na ginagantimpalaan ito ng Diyos ng isang kababaang-loob na puno ng espirituwal na kagalakan.” [5]
[1] Francisco, Homilía, 28-V-2018.
[2] Benedicto XVI, Homilía, 6-I-2010.
[3] San Josemaría, Es Cristo que pasa, n. 120.
[4] Francisco, Evangelii Gaudium, n. 1.
[5] San Josemaría, Carta 24-III-1930, n. 22.
