Ang mga paksa ay:
--Nais hawakan ni Tomas ang mga sugat ni Jesus
--Ang awa ng Diyos ang nagpapaalab sa ating pananampalataya
--Ang mga sugat ng Muling Nabuhay na Kristo ay patunay sa Kaniyang pag-ibig
ANG EBANGHELYO ng Misa sa araw na ito, matapos isalaysay ang unang pagpapakita ng ating Panginoon sa mga alagad, ay nakatuon sa katauhan ng apostol na si Tomas, na wala sa pagkakataong yaon. Nang sabihin sa kaniya ng iba pang apostol na nag-uumapaw sa kagalakan, na nakita nila ang Panginoon, tumanggi siyang maniwala. Ang pagpupumilit ng sampung apostol, ni ang patotoo ng mga banal na babae, at maging ang salaysay ng mga alagad sa nangyari sa daan patungong Emaus, ay hindi nakapagpabago ng kaniyang isip. Patuloy niyang ipinahayag ang kaniyang kawalan ng paniniwala: “Malibang makita ko sa kaniyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa mga iyon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, hindi ako maniniwala” (Jn 20:25).
Maaari nating isipin ang matinding tunggalian na nagaganap sa puso ni Tomas. Siya ay isang taong matatag ang loob at bukas-palad, at tunay na nagmahal sa ating Panginoon. Halimbawa, nang magpasya si Jesus na pumunta sa Betania upang buhayin si Lazaro, sa kabila ng panganib na siya’y madakip at hatulan ng kamatayan, hinimok ni Tomas ang iba pang mga apostol: “Tayo man ay sumama, upang tayo’y mamatay na kasama niya” (Jn 11:16). At sa Huling Hapunan, nang ipaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang magiging kalagayan nila sa langit kung susunod sila sa kaniyang mga yapak, sinabi ni Tomas sa simpleng paraan ang bagay na hindi niya nauunawaan: “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka pupunta; paano namin malalaman ang daan?” (Jn 14:5).
Masaya si Tomas kapag siya’y malapit kay Jesus. Tunay niyang nais sundan Siya at ipahayag na handa siyang makibahagi sa Kaniyang kapalaran. Gayunman, hindi pa niya lubos na naunawaan ang kabuuan ng misyon ng ating Panginoon. Nang mamatay si Jesus, dumaan si Tomas sa isang malalim na personal na krisis. Ngunit ang kaniyang taos-pusong pagnanais na sumunod kay Jesus ang nagbukas ng kaniyang puso sa liwanag ng pananampalataya. “Sa kabila ng kaniyang kakulangan sa pananampalataya, dapat tayong magpasalamat kay Tomas, sapagkat hindi siya nasiyahan sa pakikinig lamang sa iba na si Jesus ay buhay, o kaya’y basta makita lamang Siya nang pisikal. Nais niyang makakita nang ‘mas malalim,’ na mahahawakan ng kaniyang kamay ang mga sugat ng Panginoon, ang mga tanda ng Kaniyang pag-ibig… Kailangan nating makita si Jesus sa pamamagitan ng ‘pagdama sa Kaniyang pag-ibig.’ Sa ganitong paraan lamang natin mararating ang puso ng pananampalataya at, tulad ng mga alagad, makatagpo ng kapayapaan at kagalakang higit sa lahat ng pag-aalinlangan.” [1]
MAKALIPAS ANG WALONG ARAW mula sa Kaniyang unang pagpapakita, muling dumating si Jesus upang makasama ang mga alagad. Sa pagkakataong ito, naroon si Tomas. “Tumayo si Jesus sa gitna nila at sinabi: ‘Sumainyo ang kapayapaan’. Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas: Ipasok mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay; iunat mo ang iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran; at huwag kang mawalan ng pananampalataya kundi maniwala” (Jn 20:27). Namangha si Tomas at umapaw sa kagalakan ang kaniyang puso. Siya ay “tumugon sa pinakamaganda at pinakadakilang pagpapahayag ng pananampalataya sa buong Bagong Tipan” [2]: “Panginoon ko at Diyos ko!” (Jn 20:28). Sa Linggong ito ng Banal na Awa, ating pinagninilayan ang dakilang awa ng Diyos na ipinakita kay Tomas, sa kaniya, at sa bawat isa sa atin. Dumating si Jesus upang aliwin—at sa napakagandang paraan!—ang alagad na labis na nagdurusa dahil sa kaniyang kawalan ng paniniwala.
Naramdaman ni Tomas ang pag-unawa sa kaniya. Ang pagpapakita ni Jesus ay parang isang yakap na nagpalaya sa kaniya mula sa takot at kawalang-katiyakang nagtulak sa kaniyang kumapit sa kawalan ng paniniwala. Sa kaibuturan ng kaniyang puso ay may nananatiling baga ng pag-asa, kahit hindi niya ito pinayagang magliyab dahil sa takot na siya’y malinlang. Bigla niyang napagtanto kung gaano karapat-dapat si Jesus sa kaniyang pananampalataya—naalala niya ang mga himala, ang mga aral, at ang hindi masukat na pag-ibig at habag ng Panginoon. Naalala ni Tomas ang kaniyang buhay na kasama si Jesus at namangha siya kung gaano kaliit ang tunay niyang pagkaunawa noon.
Matapos ipahayag ang kaniyang pananampalataya at pagsamba sa napakaikli ngunit napakagandang paraan: “Panginoon ko at Diyos ko,” tinanggap ni Tomas ang mapagmahal na saway ni Jesus: “Naniniwala ka ba sapagkat nakita mo ako? Mapalad ang mga hindi nakakita ngunit naniwala” (Jn 20:29). Ngayon ay sabik na niyang iniaalay ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay—at maging ang pagkamartir—upang ipalaganap ang pananampalatayang nagtagumpay sa lahat ng kaniyang pag-aalinlangan. Bagama’t maaaring dumating ang iba pang mga sandali ng pag-aalinlangan, natutunan na ni Tomas na ipagkatiwala ang sarili sa Diyos at patatagin ang kaniyang buhay sa liwanag ng pananampalataya sa kabila ng lumalambong na animo.
“ANG IYONG MGA SUGAT, na nakita ni Tomas, ay hindi ko nakikita; ngunit Ikaw ay aking ipinahahayag bilang Panginoon at Diyos.” [3] Hinihiling sa atin na maniwala kahit hindi natin nakita, kahit hindi natin nakasama si Jesus sa mundong ito at hindi naging tuwirang saksi ng Kaniyang muling pagkabuhay. Gayunman, ang ating pananampalataya ay tulad din ng ipinahayag ni Tomas at ng iba pang mga apostol; at gaya nila, tayo’y tinatawag upang ipahayag ang Mabuting Balita sa buong mundo. Upang magawa ito, umaasa tayo sa pagiging magiliw at mahabagin ng ating Panginoon. Si Kristo mismo, na ipinakita ang Kaniyang mga sugat sa nag-alinlangang apostol, ay ibinibigay din ang Kaniyang sarili sa atin. “Hindi Niya ipinilit ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng pangingibabaw: Siya’y humihingi sa atin ng kaunting pag-ibig, habang tahimik na ipinakikita ang Kaniyang mga sugat.” [4]
Ninais ni Jesus na buksan ang mga bukal ng Kaniyang buhay upang tayo’y makibahagi rito. Ang mga sugat ng ating Panginoon, para kay Tomas at sa iba pang mga apostol, ay tanda ng Kaniyang pag-ibig. Sa pagkakita sa mga sugat na iyon, hindi sila nanatili sa kalungkutan—na dapat lamang asahan—kundi napuno sila ng kapayapaan. Ang mga bakas na iyon ni Kristo—na ninais Niyang panatilihin—ay tatak ng Kaniyang awa. Ang pagninilay sa mga sugat na ito ay nagbibigay-daan upang mapagtagumpayan, nang maaga pa lamang, ang anumang pag-aalinlangan na maaaring maganap sa atin kapag iniisip natin ang sarili nating kakulangan sa pagtugon. Ang mga sugat na iyon ang patunay na ang pag-ibig ni Jesus ay matatag at laging handang ialay para sa atin.
“Maituturing na isang iskandalo ang mga sugat ni Jesus, isang hadlang sa pananampalataya, ngunit ang mga ito rin ang katibayan ng pananampalataya. Kaya naman ang katawan ng Muling Nabuhay na Kristo ay laging nananatiling may mga sugat, bilang walang hanggang tanda ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang mga ito ay mahalaga sa pananalig sa Diyos—hindi upang maniwala na umiiral ang Diyos, kundi upang maniwala na ang Diyos ay pag-ibig, awa, at katapatan. Isinulat ni San Pedro, na tumukoy sa sinabi ni Isaias sa mga Kristiyano: ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga sugat, pinagaling kayo.” [5] Hilingin natin sa Mahal na Birhen, “ang ganap na larawan ng pananampalataya,” [6] na ipamagitan tayo at tulungan tayong mahawakan ang mga sugat ni Jesus tulad ng ginawa ni Tomas.
[1] Papa Francisco, Homiliya, 8 Abril 2018.
[2] Papa Benedicto XVI, Pangkalahatang Awdiyensya, 27 Setyembre 2006.
[3] Himnong Eukaristiko Adoro Te devote.
[4] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 179.
[5] Papa Francisco, Homiliya, 27 Abril 2014.
[6] Papa Francisco, Lumen fidei, blg. 58.
