Ang mga paksang tatalakayin ay:
• Ang ating pag-asa ay nakaugat sa pagpasok ng Diyos sa kasaysayan.
• Magbalik-tanaw sa ating nakaraan na may pag-asa.
• Ang pagkapit kay Hesus ay nagbubukas ng hinaharap.
"ANG TAUNANG PAGGUNITA sa kapanganakan ng Mesiyas sa Belén ay muling nagpapatibay sa puso ng mga mananampalataya ng katiyakang tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Kaya naman, ang Adbiyento ay isang makapangyarihang pagbabalita ng pag-asa." [1] Kapag pinag-isipan natin ang pag-asa, maaari tayong magkamali sa paniniwalang ito ay ukol lamang sa hinaharap; tila ba sa harap ng anumang pagsubok, ang tugon ng katangian na ito ay ang pagtalikod sa nakaraan, pagbulag sa kasalukuyan, at ang paghangad lamang ng higit na magandan kinabukasan.
Gayunpaman, hindi nagkataon lamang na ang panahong ito ng Liturhiya ay nasa pagitan ng paggunita sa unang pagdating ni Jesucristo sa Belén at ng inaasam-asam Niyang maluwalhating pagbabalik sa pagtatapos ng panahon. Ibig sabihin, ang Adbiyento ay isang paalala ng nakaraan at ng hinaharap. "Ang ating pag-asa ay hindi walang pinagsasaligan, kundi nakaugat sa isang pangyayaring nasa kasaysayan at, kasabay nito, lumalampas sa kasaysayan: ang pangyayaring si Hesus ng Nazaret." [2]
Ipinakikilala sa atin ni San Mateo si Juan Bautista bilang tagapagpauna ni Kristo. Inihahayag niya ang nalalapit na pagdating ng matagal nang inaasam: “Magsisi na kayo, sapagkat malapit na ang Kaharian ng Langit.” Ngunit ang Mesiyas ay hindi darating na may pagpapakita ng lakas, gaya ng inaasahan ng marami; darating Siya sa pamamagitan ng pagsilang sa sabsaban. Hindi nanatiling malayo ang Diyos, mahirap maunawaan, na hindi gaanong nakakaunawa sa ating mga suliranin at halos imposibleng makaugnay. Pumasok ang Maykapal sa ating kasaysayan bilang isa sa atin at naging lubhang malapit: ito ang ugat ng ating pag-asa.
"Sapagkat ang LAHAT NG ISINULAT noong una ay sinulat upang turuan tayo at sa gayon ay magkamit tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwang dulot ng mga Kasulatan.” (Rom 15:4). Maaaring hindi natin laging mapanatili ang pag-asa. Ang karanasan ng ating mga kahinaan ay maaaring magbigay sa atin ng pag-aalalang mawawalan ng pasensya ang Diyos sa atin. Gayunpaman, ikinagagalak ng Panginoon kapag nararamdaman nating kailangan natin Siya, kahit pa lumalapit tayo sa Kanya nang may "pusong nagsisisi at mapagpakumbaba" (Salmo 51:17). Sapagkat, gaya ng isinulat ni San Pablo, "kung saan dumami ang kasalanan, ay doon sumagana ang biyaya" (Rom 5:20).
Nakikita ni San Josemaría ang kahinaan ng sarili sa positibong paraan: iniisip niyang habang higit na malinaw ang mga ito, lalong higit na malalim naman ang maaaring maging pundasyon ng ating buhay espirituwal. [3] Kaya, ang katangian ng pag-asa ay pinapakain ng dalawang tila magkasalungat na saloobin. Sa isang banda, humuhugot ito ng lakas mula sa pasasalamat sa lahat ng kaloob ng Panginoon. Ang isang pag-asang nakaugat sa dakilang pag-ibig ng Diyos ay kayang umalalay sa atin sa mga panahon ng hirap. Ngunit, tumitibay din ang ating pag-asa kapag pinagninilayan natin ang ating buhay na may pagkakasundong paningin: "Kung hindi natin maipagkakasundo ang ating kasaysayan, hindi tayo makakagawa ng susunod na hakbang, sapagkat palagi tayong magiging bihag ng ating mga inaasahan at pagkabigo." [4]
Hindi tayo hinihingan ng Diyos ng hindi makatuwirang bagay; nais lamang Niya na papasukin Siya sa kaibuturan ng ating kaluluwa, pati na rin sa ating nakaraan. Sa gayon, magagabayan Niya ang ating mga hakbang patungo sa pakikipagtagpo kay Kristo na dumaratimg.
ANG SINAUNANG REPRESENTASYON ng pag-asa ay inilarawan bilang isang angkla. Kaya sa maraming bangka, ang pinakamabigat at pinakamahalagang angkla ay tinatawag sa pangalang ito. Ang pag-asa sa Diyos ang humahawak sa atin sa gitna ng unos. Ngunit ang imaheng ito ay hindi dapat magbigay ng kaisipang ang lunas ay manatiling nakapirme, na para bang ang kasagutan sa ating mga suliranin ay binubuo ng pananatiling paralisado. Dumating si Hesukristo upang gawing bago ang lahat (Pahayag 21:5), kaya ang pag-kukumapit sa Kanya ay ang pagiging handa na maglayag sa hindi masukat na karagatan.
"Hahatulan Niya nang makatarungan ang mahihina, at gagawing tama ang pasya para sa mga dukha ng lupa" (Is 11:4). Ang pag-asa ay nagsasanib ng makatotohanang pagtanggap sa ating kahinaan, at pagbubukas sa mga kaloob ng Diyos sa araw-araw. Nang hindi itinatanggi ang ating pagkatao at kasaysayan, nais nating unti-unting isuot si Jesucristo (Rom 13:14). Sa gayon, ang pagdating ni Hesus sa Pasko ay hindi lamang panlabas na kaganapan, kundi isang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos na naging Sanggol upang magkasya sa ating mga puso.
Itinuturing ni San Josemaría ang pag-asa bilang isang "banayad na kaloob ng Diyos (…) na pumupuno sa ating kaluluwa ng kagalakan." [5] Ang pag-aangkla ng ating buhay sa nakaraan ng ating kaligtasan at sa hinaharap nang muling pagdating ni Hesus ay nagbibigay ng banal na kagaanan sa kasalukuyan; bawat sandali ng ating buhay ay nagiging pakikipagtagpo kay Hesus na dumating at muling darating. Si Maria, na pag-asa natin, ay marunong buksan ang kanyang kasaysayan sa hinaharap ng Diyos at dahil dito siya ay naging lubos na masaya sa bawat yugto ng kanyang buhay sa lupa.
________________________________________
[1] San Juan Pablo II, Audiensiya, 17-XII-2003.
[2] Papa Benedicto XVI, Homilia, 1-XII-2007.
[3] Cf. San Josemaría, Ang Daan, no. 712
[4] Papa Francisco, Patris corde, no. 4.
[5] San Josemaría, Friends of God, no. 206.
