Pagninilay: ika-31 ng Disyembre

Ilang mga pagninilay na makatutulong sa ating panalangin sa huling araw ng taon.

Ang mga paksa ay:

  • Ang katapusan ng taon, isang pagkakataon upang magsuri
  • Paglapit natin sa Diyos
  • Salamat po, patawarin Mo ako, tulungan Mo pa ako

ANG PROLOGO ng Ebanghelyo ni San Juan, na binabasa natin sa Misa ngayon, ay parang buod ng Pasko. Sinasabi nito na habang may mga taong tumatanggap sa Anak ng Diyos at nagiging mga anak na ampon Niya, may iba namang nagwawalang-bahala at nananatili sa kadiliman. Sa huling araw ng taon, nais nating ilagay ang ating buong buhay sa harap ng Sanggol na isinilang para sa atin—ang ating Tagapagligtas. Mainam na panahon ito upang lumingon, magsuri ng budhi, at higit sa lahat, magpasalamat sa Diyos na piniling manatili sa ating piling.

Sa paglipas ng bawat taon, waring dinadala tayo papalapit sa langit. Maaari nating hilingin sa Espiritu Santo na tanglawan tayo habang sinusuri natin ang mga panahong lumipas na naglalapit sa atin sa Diyos. Nagkaroon tayo ng pagkakataong lumago, gaya ni Jesus, sa edad at karunungan, at lalong naging kalugod-lugod sa Diyos at sa mga tao (Lc 2:52). Sa huling araw ng taong ito, nais ng ating Panginoon na sabihin sa bawat isa sa atin ang mga salitang ito ng Ebanghelyo: Magaling! Tapat at mabuting alipin, dahil naging tapat ka sa maliit na bagay, pamamahalain kita sa higit pa. Pumasok ka at makibahagi sa kagalakan ng iyong Panginoon (Mt 25:21). Iyan ang nais natin ngayon: ang makasama sina Jesus, Maria, at Jose sa Betlehem; makita ang ating buhay tulad ng pagtingin ng Diyos; makibahagi sa Kaniyang damdamin, kaisipan, at kalooban; at sa gayon, mapuno ang ating mga puso ng walang hanggang pasasalamat. 

Nawa’y masabi rin natin, ayon sa mga salita ng Ebanghelyo sa Misa, na ang Salita ay naging tao at nanahan sa piling namin, at nakita namin ang Kaniyang kaluwalhatian—ang kaluwalhatian bilang bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan (...). Dahil siya’y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. (Jn 1:14 at 16).


ANG SALITA ay naging tao at nanahan sa piling natin (Jn 1:14). Nais nating lumapit sa sabsaban tulad ng mga pastol na buong pusong nagpahayag ng pagkamangha sa kanilang nakikita: “Lumapit tayo sa Diyos na lumalapit sa atin. Huminto tayong sandali upang pagmasdan ang sabsaban at sariwain sa ating guniguni ang pagsilang ni Jesus: liwanag at kapayapaan, lubhang kahirapan at pagtanggi. Kasama ng mga pastol, pumasok tayo sa tunay na Pasko, dala kay Hesus ang lahat ng ating pagkatao—ang ating pagkawalay, mga sugat na di pa naghihilom, at ang ating mga kasalanan. Sa gayon, mararanasan natin kay Jesus ang tunay na diwa ng Pasko: ang kagandahan ng pagiging minamahal ng Diyos. Kasama nina Maria at Jose, huminto tayo sa harap ng sabsaban, sa harap ni Jesus na isinilang bilang tinapay ng ating buhay. Sa pagmumuni sa Kaniyang mapagkumbaba at walang hanggang pag-ibig, sabihin lamang natin sa Kaniya: Salamat po! Salamat sapagkat ginawa Mo ang lahat nang ito para sa amin.” [1] 

Tulad ng mga pastol, nais nating dalhin ngayon sa Betlehem ang lahat ng nasa atin: ang lahat ng ating nagawa at hindi nagawa sa taong nagdaan. Tiyak na maraming mabubuting bagay na nagawa kasama ng mga hindi mabuti. Marahil, bahagya pa tayong lumapit sa Diyos, kahit mahirap itong sukatin. Ngunit tiyak natin na sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawa para sa kabutihan ng mga umiibig sa Kaniya (Rom 8:28). Kaya’t napupuno tayo ng pasasalamat. Inalagaan tayo ng Diyos; nanatili Siya sa atin at sinamahan tayo. Te Deum laudamus. “Ikaw ang Diyos: pinupuri Ka namin; Ikaw ang Diyos: dinarakila Ka namin (...) Araw-araw, kami’y nagpupuri sa Iyo. Pupurihin namin ang Iyong ngalan magpakailanman.” [2]


“SALAMAT PO! Patawarin mo ako, tulungan mo pa ako.” Ang maikling panalanging ito, na madalas dasalin ni Beato Álvaro del Portillo, ay makatutulong upang ipahayag nang taimtim ang ating pakikipag-usap ngayon kay Jesus. Hinimok ni San Agustin ang patuloy na pagkapasalamat, tinawag niya itong pinakamahusay na paraan ng pamumuhay: “Mayroon bang mas mainam kaysa rito na taglayin sa ating puso, bigkasin sa ating mga labi, o itala ng ating panulat? Salamat sa Diyos! Walang ibang pananalita na mas madaling bigkasin, mas kaaya-ayang pakinggan, mas malalim sa kahulugan, at mas kapaki-pakinabang sa pagsasagawa, kaysa rito.” [3] “Ngayon ang tamang araw upang lumapit sa tabernakulo, sa belen, sa sabsaban, at magsabing “Salamat po!” Tanggapin natin si Jesus bilang kaloob, upang tayo man ay maging kaloob tulad Niya. Ang maging kaloob ay nagbibigay-kahulugan sa buhay. At ito ang pinakamahusay na paraan upang baguhin ang mundo: nagbabago tayo, nagbabago ang Simbahan, nagbabago ang kasaysayan, kapag tumigil tayong baguhin ang iba. Sikapin nating baguhin ang ating sarili at gawing handog ang ating buhay.” [4] 

Ibinigay sa atin ng Diyos ang maraming kaloob at maraming dahilan upang gawin nating handog ang ating buhay... ngunit, sa kabilang nito, madalas din tayong nabigong tumugon. Kasabay ng pasasalamat, maaari rin tayong humingi ng tawad sa Diyos sa mga pagkakataong tayo’y naging maramot o pabaya. Batid nating hindi tayo mauubusan ng Kaniyang biyaya kung puno tayo ng banal na hangarin, sapagkat ang mga tumanggap sa Kaniya ay binigyan Niya ng kapangyarihang maging mga anak ng Diyos (Jn 1:12).

Isa sa mga mahalagang panukala para sa darating na taon ay ang hayaang higit pa tayong tulungan ng Diyos. Ayaw nating kumilos nang mag-isa. Maaaring sinubukan nating umasa sa sarili nating kakayahan nitong nakaraang taon, ngunit nakita nating hindi ito epektibo. “Salamat po, patawarin Mo ako, tulungan Mo pa ako! Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng sigla ng isang buhay na nakasentro sa Diyos, ng isang taong hinipo ng pinakadakilang Pag-ibig at nabubuhay nang buo dahil sa pag-ibig na iyon.”[5] Sa tulong ng ating Mahal na Ina, umaasa tayo sa higit pang pag-asa sa biyaya ng Kaniyang Anak sa bagong taon.


[1] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2016
[2] Te Deum
[3] San Agustin, Liham 41
[4] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2019
[5] Papa Francisco, Liham sa okasyon ng beatipikasyon ni Álvaro del Portillo, 16-VI-2014