Ang mga paksa ay:
- Ana, ang propetisa, ay nag-anunsyo ng pagdating ng Mesiyas
- Si Hesus ay lumaki tulad ng isang karaniwang bata
- Ang mga tamang-tama na pagkakataon ng Diyos
“Payapa at tahimik ang lahat, nangangalahati na ang gabi, walang anu-ano’y bumaba ang makapangyarihan mong mga salita, mula sa iyong maharlikang trono sa langit, pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin gaya ng mabagsik na mandirigma.” (Kar 18,14-15).
Ganito nagsisimula ang Pambungad sa pagpasok ng Misa sa araw na ito. Sa Oktaba na ito ng Pasko nais nating mamuhay mula sa kamangha-manghang katotohanang ito: isinugo sa atin ng Diyos ang Kanyang Salita, Siya ay nagkatawang-tao, Siya ay naging isa sa atin. Nais nating pasalamatan ang Santatlo para sa lahat ng naganap. Nakikiisa tayo sa tinig ng mga anghel na walang humpay na umaawit sa kaluwalhatian ng Diyos, ng kanyang kagalakan—na walang iba kundi ang ating kaligtasan. Nagdiriwang and langit at ang lupa ay nakikibahagi sa kagalakang ito.
Ngayon, sa pagbasa ng Mabuting Balita, lumitaw si Ana, isang biyuda sa loob ng maraming taon. Inilarawan siya ni San Lucas bilang isang propetisa. Makabuluhan na pumili ang Diyos ng isang mapagkumbabang biyuda upang ipahayag ang Kanyang pagsilang, sa halip na isang tanyag o kilalang tao sa lipunan. Ang lahat ng mga saksi sa pagsilang ni Hesus ay mga karaniwang tao na mahihirapang paniwalaan ng lipunan noong panahong iyon. Marahil ay may mga nag-isip na si Ana ay bahagyang nalilito dahil sa paghihirap at pangungulila sa loob ng maraming taon ng pagkabiyuda, o dahil sa higpit ng kanyang pagaayuno at pananalangin. Hindi natin alam kung pinagtutuunan siya ng pansin ng mga tao. Ngunit ninais ng Panginoon na gamitin siya upang ipahayag ang pagsilang ng Mesiyas: “Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.” (Lc 2,38). Kung minsan, pumipili ang Diyos ng mga saksi na sa tingin ng iba ay tila hindi kapani-paniwala.
Ganito rin ang nangyari sa mga pastol, o ang mangyayari makalipas ang ilang taon kay Maria Magdalena, na hindi pinaniwalaan ng mga alagad. “Ang mga may puso lamang ng mga munting bata—ang mga payak na tao—ang may kakayahang tumanggap ng paghahayag na ito: ang mapagkumbaba at maamong puso, ang pusong nakadarama ng pangangailangang manalangin, ang magbukas ng sarili sa Diyos dahil sa pakiramdam na siya ay dukha.” [1]
MATAPOS isalaysay ang pakikipagtagpo kay Ana, ipinagpapatuloy ng Mabuting Balita ngayong araw ang paglalahad ng Banal na Pamilya, matapos tuparin ang lahat na itinakda ng kautusan, ay lumakad na pabalik sa Nazaret. At nagtatapos ito sa isang maikli ngunit napakayamang bersikulo, dahil binubuo nito sa ilang salita ang malaking bahagi ng tago at payak na buhay ni Hesus: “Ang bata’y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.” (Lc 2,40). Niyayakap ng Diyos ang karaniwang panahon ng paglaki ng isang bata; hindi Siya nagmamadali; nais Niyang isakatuparan ang pagliligtas sa natural at tahimik na paraang iyon.
Si San Josemaría, habang nananalangin sa Birhen ng Guadalupe sa Mexico, ay humiling na sa ating mga puso ay yumabong ang “maliliit na mga rosas ng karaniwan at pang araw-araw na buhay, ngunit puno ng halimuyak ng pagsasakripisyo at pag-ibig. Sinadya kong sabihing maliliit na rosas, dahil ito ang higit na nababagay sa akin, sapagkat sa aking buhay ay tanging pag-aalaga lamang sa mga normal at karaniwang bagay ang aking nalaman, at madalas ay hindi ko pa nga alam kung paano tatapusin ang mga ito; ngunit natitiyak ko na sa ganoong nakagawiang kilos, sa pang-araw-araw na gawain, doon mo ako hinihintay kasama ang iyong Anak.” [2]
Sa loob ng tatlumpung taon, muling bumalik ang katahimikan sa buhay ni Hesus, gaya noong bago Siya isilang sa Bethlehem. Ngunit ang katahimikang iyon ay napakamahulugan, dahil doon isinasakatuparan ang ating pagtubos. Sa kalaunan, marami ang magsasabi: “Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid?” (Mt 13,55). Ang pagiging natural ng karaniwang buhay ay ang landas na tinahak din ni Hesus sa Kanyang kabataan, pagbibinata, at pagtanda. At mula rito, kumukuha tayo ng inspirasyon para sa pagpapabanal ng ating trabaho at mga pakikipag-ugnayan, sa mga bagay na ginagawa natin araw-araw at sa mga pinakamalapit sa atin.
NAGHINTAY tayo ng siyam na buwan para isilang ang Diyos, at ngayon ay maghihintay tayo tatlumpung taon bago magsimula ang Kanyang pampublikong buhay. Gayunpaman, alam natin na ang pagtubos ay unti-unti nang nagaganap mula pa sa sandali ng Pagbati ng Anghel. Ang “oo” ng ating Ina sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan ang nagpasimula sa balangkas na binuo ng Diyos mula pa sa kawalang-hanggan. Ito ay hindi mapipigilan, ngunit hindi ito sumusunod sa ating bilis. Kumikilos ito nang dahan-dahan, ngunit hindi kailanman umaatras. “Ang mundo ay tinutubos ng pagtitiyaga ng Diyos at sinisira ng kawalan ng pasensya ng mga tao.” [3] Ang paulit-ulit na gawain ay madalas na tumatalo sa atin, at hindi natin matagpuan ang Diyos sa mga karaniwang bagay, sa mga bagay na nauulit sa bawat araw.
“Kapag narinig natin ang tungkol sa pagsilang ni Kristo, manahimik tayo at hayaan ang Batang iyon na mangusap sa atin; itanim natin ang Kanyang mga salita sa ating mga puso nang hindi iniaalis ang ating tingin sa Kanyang mukha. Kung kukunin natin Siya sa ating mga bisig at hahayaang yakapin Niya tayo, bibigyan Niya tayo ng kapayapaan ng puso na walang katapusan. Itinuturo ng Batang ito sa atin kung ano ang tunay na mahalaga sa ating buhay. Isinilang Siya sa karalitaan ng mundo, dahil walang bakanteng silid na matutuluyan para sa Kanya at Kanyang pamilya. Nakatagpo Siya ng masisilungan at proteksyon sa isang sabsaban. Gayunpaman, mula sa kawalang-ano mang ito ay sumabog ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos. Dito nagsisimula, para sa mga lalaki at babaeng may payak na puso, ang landas ng tunay na paglaya at walang hanggang kaligtasan.” [4]. Ang ating kaligtasan ay nagsimula na, at ang katapatan ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
Maraming taon na naghintay si Ana para sa pagpapakita ng Mesiyas, na lumikha sa kanyang kaluluwa ng isang puwang upang ang Panginoon ay makapagsalita. Marahil kung minsan ay sinusumbatan natin ang Diyos sa Kanyang katahimikan, ngunit sa katunayan, tayo ang pumapaligid sa ating sarili ng ingay na humahadlang sa atin upang marinig Siya. Sa gitna ng gabi ng katahimikan, isinugo ng Diyos ang Kanyang Salita, at ito ay pinal na. Hindi Niya babawiin ang Kanyang tipan. Si Maria ang nag-ingat sa katahimikang iyon, sa pagiging normal na iyon, sa loob ng siyam na buwan at pagkatapos niyon. Maari nating hilingin ang kanyang tulong at samahan sa ating katahimikan, dahil ayaw din nating makaligtaan ang pagpapakita ng kanyang Anak.
[1] Papa Francisco, Homiliya, 2-XII-2014
[2] San Josemaría, Panalanging personal sa harap ng Birhen ng Guadalupe, 20-V- 1970
[3] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24-IV-2005
[4] Papa Francisco, Homiliya, 24-XII-2015