Ang mga paksa ay:
• Ang takot at pagtitiwala ni Zacarias
• Mga aral ng katahimikan
• Pagtitiwala sa Diyos
SI ZACARIAS AT ISABEL ay kapwa matuwid sa harap ng Diyos, lumalakad nang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga panuntunan ng Panginoon (Lk 1:6). Ang Lumang Tipan ay papalapit na sa kanyang kaganapan. Paparating na ang Mesiyas at pinapayuhan tayo ng Simbahan na isaalang-alang ang pananampalataya ng mag-asawang ito. Si San Josemaría sa kanyang panalangin ay madalas na pinatutungkulan ang mga tauhan sa Ebanghelyo na malapit kay Hesus: "Kaninang umaga ay sinimulan ko sa pamamagitan nang pagtitiwala ng lahat kay Santa Isabel, at pagkatapos ay nagpatuloy ako sa pakikipag-usap sa kanyang anak na si Juan, at kay Zacarias; at pagkatapos ay sa ating Mahal na Ina, kay San Jose, at kay Jesus. Sapagkat sa pakikipag-usap na ito sa ating Panginoon, tulad ng sa pakikipagkaibigan ng tao, higit tayong nakararating sa pagkilala sa isang tao sa pamamagitan ng kanilang mga kaibigan." [1]
Gusto nating ihanda nang mabuti ang ating sarili para sa nalalapit na na pagdating ng Tagapagligtas sa kaparaanang matutunan mula sa Ebanghelyo na magtiwala sa Diyos. Sapagkat madalas nating iniisip na marami tayong dahilan upang higit na umasa sa ating sariling karanasan o pananaw. Kaya naman ang tanong ni Zacarias, na may tono ng pag-aalinlangan, ay may tunog na kahalintulad ng sa atin: “Paano ko malalaman ito?” (Lk 1:18). Nagpunta siya sa paghahanap ng katiyakan ngunit natagpuan niya ang kanyang sarili na nahaharap sa isang malinaw na banal na katahimikan, hanggang sa kung ano ang madalas niyang isinasamo sa Diyos ay natupad.
Marahil ay natakot ang ama ng Tagapagbinyag na hindi niya matugunan ang kanyang misyon. Tayo man ay naghahanap ng mga puntong pagsasanggunian, mga katiyakan, mga bagay na dapat mapanghawakan. Tumutol siya na wala na sila ng kanyang asawa sa tamang gulang para dito. Ito ay palaging magkatulad: kapag ang tinitingnan lamang natin ay ang ating sarili, iniisip natin na tayo ay magiging dahilan upang mabigo ang mga plano ng Diyos. Iniisip natin na ang ating sariling tungkulin ay hindi maaaring ipagwalangbahala, at dahil dito ang takot ay humaharang sa atin. “Sa isang daigdig kung saan inilalagay natin sa panganib na iasa lamang sa galing at kapangyarihan ng kaparaanan ng tao, tinatawagan tayong muling tuklasin at bigyan ng pagpapatotoo ang kapangyarihan ng Diyos na ipinahayag sa panalangin.” [2] Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayong araw na ito na isagawa nga iyon: ang magtiwala sa Diyos. Sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan, napuno ng kagalakan si Zacarias nang marinig niya ang pahayag ni Gabriel: “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat dininig ang iyong panalangin; ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Isabel ang isang lalaki na tatawagin mong Juan.” (Lk 1:13).
GAANO KARAMING MGA BAGAY ang maaaring natutunan ni Zacarias sa mga buwan na iyon ng katahimikan. Ang bawat isa ay nakaramdam na siya ay nagkaroon ng isang pangitain. Hindi siya makapagsalita subalit ang kanyang mukha kahit papaano ito ay labis na naging kapansin-pansin. Tiyak na ito ay mga araw ng masidhing panalangin; ang kanyang katahimikan ay nagbigay-daan sa kanya upang lalong mapalapit sa Diyos. Nang sa dakong huli siya ay nagsalita muli, ang kanyang mga salita ay nagpapakita na ang panahong ito ng katahimikan ay nakatulong sa kanya na maghanda ng higit na mabuti para sa pagdating ng kanyang anak, ang Tagapanguna, at ng kanyang pamangkin, ang pinakahihintay na Mesiyas: “Kapagdaka nabuksan ang kanyang bibig, nakalag ang kanyang dila, at nakapagsalitang nagpupuri sa Diyos” (Lk 1:64).
Hindi maitago ni Zacarias ang kanyang kagalakan. Sa mga linggong iyon ng katahimikan, tiyak na napagyaman niya ang halaga ng maraming karaniwang pagkilos, na napakamakahulugan na kakapusin ang mga salita: isang kindat, isang haplos, isang ngiti. Susubukan marahil ni Elizabeth na matanto kung ano ang nais niyang sabihin sa kanya. Kailangan lang nilang magtinginan sa isa't isa para ibahagi ang ginawa ng Diyos sa kanilang buhay. Nais nilang ibahagi ang kaloob ng Diyos nang may kataimtiman ng puso, upang tamasahin ito nang magkasama sa katahimikan. Ang Diyos ay nagpahayag ng kanyang sarili at ang mga salita ay hindi na kailangan; oras na para magsaya at mangarap. “Ang lahat ng kapitbahay ay natakot, at sa buong bulubundukin ng Judea ay ibinabalita ang lahat ng pangyayaring ito. Tumimo ang mga bagay na ito sa puso ng lahat ng nakarinig at winika nila, ‘Ano kaya ang mangyayari sa batang ito?’ Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakaniya.” (Lk 1:65-66).
Ang karanasan ni Zacarias ay nagtuturo sa atin na tayo rin ay matututo ng higit pa tungkol sa mga plano ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao at mga kaganapan sa ating paligid. At maaaring hindi natin sila naiintindihan noon dahil masyado tayong nakinig sa ating mga sarili. “Dapat tayong matutong magtiwala at manahimik sa harap ng misteryo ng Diyos at pagnilayan, nang may kababaang-loob at katahimikan, ang kanyang gawain na nahayag sa kasaysayan at kadalasang lumalampas sa ating imahinasyon.” [3] Kapag tayo ay tahimik at nakikinig sa Diyos, tulad nina Zacarias at Isabel, tayo ay napupuno ng masidhing kagalakan na makitang pinagpapala tayo ng Diyos, na kadalasan ay sa kung kailan at saan na hindi natin inaasahan.
NAGMAMAHAL AT PAGIGING MINAMAHAL ay kadalasang nangangahulugan nang hindi pagsasabi sa ibang tao kung paano gawin ang mga bagay. Hinahayaan ng pag-ibig ang isang minamahal na maging malaya upang ipahayag ang kanilang sarili ayon sa gusto nila. Hindi ito nagdidikta o nagtatakda ng mga kaparaanan nang pagpapahayag ng pagmamahal. May kahalintulad dito ang nangyayari sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, kapag bukas tayo na magilalas sa kanyang pagkilos. Ang grasya ay hindi mahuhulaan, subalit malaya at malikhain. Nakita ni Zacarias kung gaano nakamamangha ang pangunahing pagkilos ng Diyos. Natuklasan niya na ang pagtitiwala ay laging nagdudulot ng gantimpala nito at na ang Diyos ay laging malapit, kahit na tila hindi: “Hindi mo ako dapat pagtiwalaan... Ngunit ako ay nagtitiwala sa iyo, Hesus... Ibinibigay ko ang aking sarili sa iyong mga bisig: doon ko iniiwan ang lahat ng mayroon ako, ang aking kahabag-habag na kalagayan!” [4]
Sa paghahanda ng ating mga puso para sa pagdating ng Batang Hesus, maaari nating hilingin sa banal na lalaking ito na si Zacarias na matamo natin ang kanyang pananampalataya, pananabik at pagkamahinahon. Pananampalataya na gumugol ng mga taon na humihiling ng isang himala na sa wakas ay nangyari nang ang pag-asa ay tila nawala; pananabik na mangarap tungkol sa Mesiyas at ang pagliligtas na dadalhin niya sa Israel; at ang pagtitiis na ipinapakita niya kapag natututong humanap ng katiwasayan sa Diyos. Ang pag-ibig ay laging may kasamang panganib, dahil hindi ito matiyak; ito ay nakasalalay sa kalooban ng taong nagmamahal sa atin. Kaya hinihiling natin kay Zacarias na tulungan tayo sa mga oras ng pagkabalisa, kung kailan nararapat na tayo ay umasa lamang sa Diyos. Siya lamang ang ating katiyakan. Gaya ng sinabi ni Santa Teresa ng Avila sa munting mga salita, ngunit nang may ganap na katatagan: "Magtiwala sa kanyang kabutihan. Hindi niya binibigo ang kanyang mga kaibigan." [5]
"Gaano kadalas nating marinig ang pariralang ito sa mga Ebanghelyo: Huwag matakot. Tila paulit-ulit itong inuulit ng Diyos habang hinahanap niya tayo. Sapagkat tayo, mula pa sa simula, dahil sa ating kasalanan, ay natatakot sa Diyos; pagkatapos magkasala, sinabi ni Adan: “Ako ay natakot at nagtago ako.” (Gen 3:10). Ang Bethlehem ang lunas para sa takot na ito. Sa kabila ng paulit-ulit na ‘hindi’ ng tao, ang Diyos ay patuloy na nagsasabi ng ‘oo’, Siya ay ang palagiang Diyos-na kasama-natin. At baka ang kanyang presensya ay magdulot ng takot, ginawa niya ang kanyang sarili na isang kaaya-ayang Sanggol.” [6] Maaari nating hilingin sa Mahal na Birhen na turuan tayong magtiwala sa ating Panginoon, sa kanyang kabutihan at pagmamahal; na huwag subukang panghimasukan ang Diyos at hayaan ang ating sarili na magitla sa kanyang mapagmahal na Banal na Pangangalaga.
[1] Bishop Javier Echevarría, Memoria del Beato Josemaría Escrivá, Rialp, Madrid, 2000, p. 259.
[2] Papa Benedict XVI, General Audience, 13 June 2012.
[3] Papa Francisco, Angelus, 24 June 2018.
[4] San Josemaría, The Way, 113.
[5] Santa Teresa of Jesus, Book of Life, 11, 4.
[6] Papa Francis, Homilya, 24 December 2018.
