Ang mga paksa ay:
- Papalapit na ang Panginoon
- Si Jesus ay naging bahagi ng pamilyang pantao
- Pinagyayaman tayo ni Kristo
Malapit na ang PANGINOON.[1] Habang lumilipas ang bawat araw at oras, tumitindi ang ating pananabik. Nakatuon ang ating puso sa pagdating ni Emmanuel. Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapakita sa atin ng mahabang hanay ng mga salinlahi na naghintay sa pagdating ng Mesiyas: mula kay Abraham hanggang kay David, at hanggang kay San Jose. Tayo ay isinilang makalipas na ang mahabang panahong iyon, subalit tayo rin ay mga tagapagmana sa katulad ding pangako. Hindi ganoon kadali pakaisipin kung gaano na lamang katindi ang pananabik ng napakaraming henerasyon ng mga Hudyo sa ipinangakong Mesiyas. Binibigyan tayo ng liturhiya ng pahiwatig nang kanyang bigyang tinig ang masigabong pag-awit sa nalalapit nang pagdating ni Jesus: “Magsiawit kayo, O mga langit, magsaya ka, O lupa” (Is 49:13).
Si Abraham ang simula ng mahabang hanay na ito, ang una sa isang pamilyang magpapatuloy magpakailanman. Nagtiwala siya sa Panginoon at sa kanyang pangako na pagkakaloob ng maraming inapo: “Itaas mo ang iyong mga mata sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo” (Gen 15:5). Ginamit ng Diyos ang kanyang katapatan, at gayon din ang sa marami pang iba, upang ipadala ang kanyang Anak at muling ibalik ang matalik na ugnayan ng Diyos sa tao. Muling pinanumbalik ang ating dangal, at itinaas sa isang kalagayang hindi maabot ng ating isipan: Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga at hindi sumagi sa isip ng tao kung ano ang inihanda ng Diyos sa mga nagmamahal sa kanya (1 Cor 2:9). Napupuno ang ating puso ng malalim na kagalakan sa kaalamang tayo ay iniligtas, sinagip, at pinagaling: “Kaya naman, kasama ng mga Anghel at Arkanghel, ng mga Trono at mga Pamunuan, at ng lahat ng hukbo ng langit, umaawit kami ng papuri sa iyong kaluwalhatian.” [2]
Maaaring hindi laging nasa tono ang ating awit, subalit ang Banal na Espiritu na rin ang namamagitan sa atin na may hibik na di masayod” (cf. Rom 8:26). Nais nating tumugon sa Diyos nang may katumbas na makalangit na sukat. Ngunit hindi maisasaad sa salita ang matinding hangarin ng Diyos na dumating sa mundo upang iligtas tayo, o ang kanyang pagsusumakit sa paghahanda sa kanyang bayan: labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat pa hanggang sa pagkakatapon sa Babilonia, at dagdag na labing-apat muli hanggang kay Kristo (cf. Mt 1:17). At ang Diyos mismo ang magagalak at magpapasalamat na sumasaatin.
LAHAT TAYO ay may sariling punong-pamilya. Ninais ni Jesus na magkaroon din ng kanya. At sa pamamagitan ni Maria, ang kanyang Ina, ang Diyos mismo ay naparito upang manahan sa sangkatauhan, at nakikipagkaisa sa atin magpakailanman. Siya ay dumating upang magdala ng pag-asa para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon at lugar. Sa pagkakatawang-tao, tinanggap ng Diyos ang lahat ng maka-tao. Iniuugnay niya ang kanyang sarili sa kasaysayan ng bawat isa upang ialok sa atin ang buhay na walang hanggan. Ninais ng Maylalang ng langit at lupa na maging kabahagi ng pamilyang pantao.
“Sa sabsaban ng Betlehem, nagtagpo ang langit at lupa. Ang langit ay hindi bahagi ng heograpiya ng espasyo, kundi ng heograpiya ng puso. At ang puso ng Diyos, sa Banal na Gabi, ay yumuko sa sabsaban: ang kababaang-loob ng Diyos ang siyang langit. At kung lalapit tayo sa kababaang-loob na ito, nahahawakan natin ang langit. At ang lupa din ay napagbabago.” [3] Madalas sa pakiwari natin na ang Diyos ay hindi naroroon kung saan matatagpuan ang kahinaan, karupukan, o may kababaang uri. Kung hindi tayo gagawa ng pakikipagkasundo sa kasalanan, manapa ay magsisikap na yakapin ang mga tunay na mabuti sa buhay, sa gayon, ang kababaang-loob ng Diyos ay hindi tatalikod sa ating pusong tulad ng sabsaban, at dadalhin niya ang langit sa bawat sandali ng ating pangkaraniwang buhay at tahanan.
Sa loob ng maraming henerasyon, ang mahabang talaan ng mga Hudyo ay dumanas ng paghahangad na tanging ang pagdating ng sanggol sa Betlehem lamang ang magbibigay katuparan. Marami ang marahil hindi lubos na nauunawaan ang kanilang pinananabikan. Ang iba naman, sa kanilang pagkalito, ay tumalikod patungo sa mga diyus-diyosan na tila higit na malapit at madaling lapitan. Ang kahalintulad na pananabik na ito para sa kaligtasan ay nananatili sa puso ng bawat tao, na sa kadalasan ay kulang sa malinaw na pagkaunawa o hindi maipahayag sa pananalita. Napakapalad natin na malinaw nating nauunawaan ang Mabuting Balita ng Pasko. Hinihintay natin ang pagdating ni Jesus at labis na inaasam na ang Mabuting Balita ay makarating sa bawat pusong may mabigat na pangangailangan na nasa pinakamalayong sulok ng mundo.
“PINAGPAPALA KA NAMIN, Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na nagpakababa para sa amin. Ikaw ay labis na kamangha-mangha sa laki, ngunit ginawa mo ang iyong sarili na maliit; ikaw ay mayaman, ngunit ginawa mo ang iyong sarili na dukha; ikaw ay lubos na makapangyarihan, ngunit ginawa mo ang iyong sarili na mahina.” [4] Minsan ang ating ginagawa ay ang kabaligtaran: nais nating makita ang ating sarili bilang dakila at makapangyarihan. Tulad ng buong linaw na alam ni San Agustin: “Ikaw, tao, ninais mo na maging Diyos at ikaw ay napahamak. Siya, Diyos, ninais na maging tao at ikaw ay iniligtas. Napakalakas ng kapalaluan ng tao na kinailangan ng kababaang-loob ng Diyos upang pagalingin ito!” [5]
Si Kristo ang nagpasan sa atin sa kanyang balikat patungong langit. Ang kapalaluan ay nagdudulot ng panandaliang kaluwalhatian na tumatagal lamang ng ilang sandali at mabilis ding maningil ng kabayaran. Ang taglay niyang kasama ay kabalisahan at ligalig. Laging kinakailangan ng kapalaluan ang humanap ng mga bagong kaparaanan upang makapangibabaw sa iba. Hindi ito nagbibigay ng kapayapaan o tahimik na kaganapan. Minsan ay sinabi ni San Josemaría: “Kilala ko ang isang asnong napakasama ang pag-uugali, na kung siya'y naroon sa Betlehem sa tabi ng baka, sa halip na yumukod sa Manlilikha, ay basta na lamang kakainin ang dayami sa sabsaban.” [6]
Ang pag-ibig ng Diyos, sa kabilang banda, ay kayang punuin ang ating puso sa paraang hindi kayang tumbasan ng kahit anupaman. Sa tuwing ating sinisikap ipaliwanag ang kanyang pag-ibig, lagi na lang tayong kakapusin. Ang hindi pa natin nalalaman hinggil sa Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos ay higit pa sa abot lamang ng ating nauunawaan. Ang ating Mahal na Ina, na ayon sa paunang panalangin ng Misa ngayon ay sinasabing “nagnasa sa Kanya nang may pag-ibig na higit pa sa anumang salitang kayang sabihin,” ang magtuturo sa atin sa katahimikan ng ating panalangin ng mga lihim na kanyang ganap na nauunawaan. Ang isang ina ay laging marunong magpahayag, sa pamamagitan ng kilos o haplos, ng mga bagay na hindi kayang sambitin ng mga salita.
[1] Liturgy of the Hours, Antiphon to the Invitatory, December 17
[2] Preface II ng Adbiyento
[3] Papa Benedicto XVI, Homilia, 24 Disiyembre 2007.
[4] Papa Francisco, Homilia, 24 Disiyembre 2013
[5] San Agustin, Sermon 183
[6] San Josemaría, Intimate Notes, no. 181 (25 Marso 1931)
