Pagninilay: Huwebes Santo

Ang mga paksa ay:

  • Hinugasan ni Hesus ang mga paa ng mga apostol
  • Ibinigay ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin sa Eukaristiya
  • Pagpapasalamat sa Eukaristiya at sa Pagpapari

"NGAYON, BAGO dumating ang kapistahan ng Paskwa, nang malaman ni Hesus na dumating na ang sandali ng Kanyang paglisan sa mundong ito patungo sa Ama, na minahal Niya ang Kanyang mga nasa mundo, minahal Niya sila hanggang sa wakas." Mauunawaan ng bumabasa ng taludtod na ito mula sa Ebanghelyo ni San Juan na mangyayari na ang isang dakilang kaganapan. Ang pambungad ay puno ng magiliw na pagmamahal. "Magsimula tayo," ang payo ni San Josemaria, "sa pamamagitan ng paghingi sa Espiritu Santo, mula sa sandaling ito, ng biyaya upang maunawaan ang bawat salita at kilos ni Kristo." [1] Sa araw na ito, ang ating pananabik na maituon ang ating pansin sa lahat ng ginagawa ng ating Panginoon ay makatutulong upang ating pagnilayan ang napakamakahulugang ginawa niya na paghuhugas ng mga paa ng mga apostoles.

Sa Huling Hapunan, ngayong nalalapit na ang Pasyon, sa kapaligiran ay madarama ang pagmamahal, ang pagkakalapit ng mga loob at ang pagninilay. "Dahil alam ni Hesus na inilagay ng Ama ang lahat sa Kanyang mga kamay at na siya ay nagmula sa Diyos at babalik Siya sa Diyos, tumayo Siya mula sa hapunan, inalis ang Kanyang balabal, kumuha ng tuwalya at itinapis ito sa Kanyang baywang. Pagkatapos, nagbuhos Siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at pinunasan Niya ang mga ito gamit ang tuwalya na nakatapis sa Kanyang baywang" (Jn 13:3-5).

Maaaring nabigla ang mga apostol na makita si Hesus na gumagawa ng isang bagay na karaniwang ginagawa lamang ng isang alipin. Ngunit sa paglipas ng panahon, mauunawaan nila ang nais iparating ni Hesus. Maging sa ngayon, maaaring mahirap isipin na inilalagay ng Diyos ang Kanyang sarili sa ganitong kalagayan, pinupunasan ang alikabok at dumi sa paa ng Kanyang mga kaibigan gamit ang Kanyang sariling mga kamay.

Sa pagpapahintulot na hugasan tayo ni Kristo, nauunawaan natin na hindi natin kayang linisin o gawing banal ang ating sarili. Mahirap unawain ang katotohanang ito: kung hindi ko hahayaan ang Panginoon na paglingkuran ako, hugasan ako, palakasin ako, at patawarin ako, hindi ako makapapasok sa Kaharian ng Langit... Iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa atin. Madalas nating iniisip na tayo ang naglilingkod sa Diyos. Hindi, kusa Niyang pinili na maglingkod sa atin, sapagkat inibig Niya tayo muna. "Mahirap magmahal at hindi mahalin din ng minamahal. At higit na mahirap maglingkod sa kapwa kung hindi natin hahayaang paglingkuran tayo ng Diyos.” [2] Ito ang kabalintunaan ng pagka-Kristiyano: ang Diyos ang unang kumikilos; Siya ang gumagawa ng unang hakbang. Ito ang dahilan kung bakit, bago simulan ang anumang apostolikong gawain, napakahalaga na matutunang tanggapin natin ang nais ibigay ng Diyos sa atin, at hayaan Siyang linisin tayo ng paulit-ulit.


HINDI DAPAT mawala ang paghanga natin sa ipinakitang paghuhugas ni Hesus sa mga paa ng kanyang mga apostol. Ngunit ang kaniyang pagmamahal at pagpapakumbaba ay labis pa niyang naipakita sa hapunan: "Kinuha Niya ang tinapay, at nang nakapagpasalamat Siya, pinaghati-hati Niya ito at sinabi, 'Ito ang aking katawan, na ibinibigay para sa inyo; gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.' At sa gayunding paraan, pagkatapos ng hapunan, kinuha Niya ang kalis, at sinabi, 'Ang kalis na ito ang bagong tipan sa aking dugo; sa tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin'" (1 Cor 11:23-25).

“Itinatag ng ating Panginoon ang Sakramentong ito bilang isang walang hanggang alaala ng Kanyang Pasyon, bilang katuparan ng mga lumang simbolo, bilang pinakamalaking himala na Kanyang ginawa, at bilang pinakamalaking kaaliwan para sa mga maiiwan Niyang malulungkot sa Kanyang pagkawala.” [3] Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa atin. Ang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo niya para sa atin: isang tanda ng labis na pagmamahal at isang walang kapantay na pagpapakita ng kapakumbabaan. Ang Sakramento ng Eukaristiya ay nakatutulong sa atin na maitulad ang ating sarili sa ating Minamahal, na maging ka-isa niya at maging Siya na rin, na maging pinakamalapit, hangang maaari, sa pakikipag-isa sa Diyos. 

Sinabi ni San Josemaría na “Ang ating Panginong Hesukristo, na parang hindi pa sapat ang lahat ng ibang patunay ng kanyang pagkamahabagin ay itinatag ang Eukaristiya upang palagi siyang maging malapit sa atin.  Nauunawaan lamang natin na ginagawa Niya ito dahil Pag-ibig ang nagtutulak sa Kanya, siya na hindi naghahangad ng anumang bagay, na ayaw mawalay sa atin. Napamahal ang tao sa Banal na Trinidad." [4]

Hindi natin mapigilang mamangha. Kahit gaano man natin pagnilayan ang lahat ng ipinagkaloob sa atin ng Diyos Ama, hindi natin kailanman mauunawaan ito: “Ito ang panlunas na magbibigay ng buhay na walang hanggan, panlaban sa kamatayan, at ang paraan na makatutulong upang mamuhay tayo kay Kristo magpakailanman.” [5] Hindi tayo karapat-dapat sa ganitong dakilang pag-aaruga, pagmamahal at pansin. Nais nating tumugon ng buo nating kakayahan, ngunit upang magawa ito, kailangan natin ang tulong ng Diyos. “Hindi ang ating pagsisikap o kakayahang moralidad ang nauuna. Ang Kristiyanismo, una at higit sa lahat ay isang handog: Ibinibigay sa atin ng Diyos ang Kanyang sarili. Hindi Niya ibinibigay ang isang bagay, kung hindi ang Kanyang sarili... Ito ang dahilan na ang pinakamahalagang gawain sa buhay Kristiyano ay ang Eukaristiya: pasasalamat sa pagkakatanggap sa mga handog niya, kagalakan para sa bagong buhay na ibinibigay Niya sa atin.” [6]


SA MGA SALITA NG PARI bago ang Konsagrasyon, nakikita natin ang pasasalamt ni Hesus sa Diyos Ama: "Kinuha Niya ang tinapay at, nagpasalamat, pinaghati-hati Niya ito, at ibinigay sa Kanyang mga alagad, at sinabi..." Nais nating magkaroon ng gayunding saloobin ngayon, sa bisperas ng Pasyon. Likas na nagiging higit na mapagbigay tayo dahil sa ating pasasalamat sa bagong buhay na ating tinanggap at nais nating ibahagi ito sa iba. Nais nating mahalin ang mga mahal ni Hesus, tulad ng pagmamahal Niya sa kanila: "Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo, na magmahalan kayo. Kung paanong inibig Ko kayo, maging gayon din dapat ang pagmamahal ninyo sa isat-isa" (Jn 13:34). Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya at sa Kanya, mayroon tayong kakayahang magmahal hanggang sa huli. Tulad ni Hesus, lumuluhod tayo sa harap ng mga tao upang linisin ang kanilang mga paa. Nauunawaan natin ang kanilang mga pagdurusa at pinapasan natin ang mga ito sa ating mga balikat.

Naglalaho ang paghuhusga, inggit at paghahambing, at napapalitan ng panalangin, kagalakan at pasasalamat sa Diyos para sa mga himalang Kanyang isinasagawa sa iba. “Nilalaman ng Pinakabanal na Eukaristiya ang buong espirituwal na kabutihan ng Simbahan, si Kristo mismo, ang ating Paskwa at Buhay na Tinapay, na nagbibigay-buhay sa mga tao sa pamamagitan ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa Kanyang tunay na laman.” [7] Mula rito, kumukuha tayo ng lakas na kinakailangan upang dalhin ang buhay ni Kristo sa puso ng mga tao sa ating paligid, at sa bawat sulok ng mundo.

Sa Huwebes Santo, ang araw kung kailan ibinigay ng Diyos sa Simbahan ang Sakramento ng Eukaristiya, ay araw na kailangan rin ipanalangin ang kabanalan ng lahat ng mga pari, upang patuloy nilang mapaglingkuran ang Simbahan nang may pagmamahal na katulad ng sa ating Panginoon. Sa ating panalangin, matutulungan natin silang maisakatuparan ang marubdob na pagnanasa na nagtutulak sa kanila bilang mga pari: "Mahalaga ang pananaw na ito sa paglilingkod: na hindi tayo ang pumipili kung ano ang ating gagawin, sa halip, tayo ang mga tagapaglingkod ni Kristo sa Simbahan. Gumagawa tayo ayon sa kagustuhan ng Simbahan, saan man tayo tawagin ng Simbahan at sinisikap nating maging tiyak na ganito: mga tagapaglingkod na hindi gumagawa ng sarili nating kalooban, kundi ang kalooban ng Panginoon. Maging tunay tayong mga sugo ni Kristo sa Simbahan at mga tagapaglingkod ng Ebanghelyo.” [8]

Kasama ng napakaraming ibang mga handog sa mga araw na ito, ibibigay din ni Hesus sa atin ang Kanyang Ina. Lumalapit tayo sa ating Mahal na Ina, ang pangunahing saksi ng Sakripisyo ni Kristo, at humihingi tayo ng tulong upang mamuhay nang may mapagpa-kumbabang pasasalamat para sa lahat ng ating natanggap.


[1] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 83. 

[2] Papa Francisc0, Homiliya, 5 Abril 2020. 

[3] Santo Tomas de Aquino, Opusculum 57, tungkol sa kapistahan ng Kristo, lekt. 1-4. 

[4] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 84. 

[5] San Ignacio ng Antioquia, Liham sa mga taga-Efeso, 90. 

[6] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 20 Marso 2008. 

[7] Ikalawang Konsilyo ng Batikano, Dekreto Presbyterorum ordinis, blg. 5. 

[8] Papa Benedicto XVI, Lectio divina, 10 Marso 2011.