Ang mga paksa ay:
- Ang mga Haring Mago ay kumakatawan sa lahat ng bansa
- Nagdadala ng katubusan sa lahat ng kaluluwa
- Nagbibigay-liwanag sa pamamagitan ng ating sariling buhay.
“HINDI PA GAANONG NATATAGALAN, sinabi ni San Josemaría, “hinahangaan ko ang isang marmol na bas-relief na naglalarawan ng pagsamba ng mga Mago sa Sanggol na Jesus. Ang kuwadro ng inukit na larawan, ay may iba pang mga pigura sa paligid: apat na anghel, bawat isa ay may taglay na simbolo: isang diadem o korona, ang mundo na pinutungan ng krus, isang espada, at isang setro. Sa ganitong matingkad na paraan, gamit ang mga kilalang simbolo, inilalarawan ang pangyayaring ipinagdiriwang natin ngayon: ang mga Mago—sinasabi ng tradisyon na sila ay mga hari—ay dumating upang magpatirapa sa harap ng isang Sanggol, matapos magtanong sa Jerusalem, Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo? (Mt 2:2).” [1]
Ang salitang “Epipaniya” ay nangangahulugang pagpapakita o paghahayag. Ginugunita natin nang may kagalakan ang pagpapakilala ni Kristo sa lahat ng bansa, na kinakatawan ng mga Pantas o Magong nagmula sa Silangan. Pagkatapos ng mga pastol, ipinakilala ng Panginoon ang Kaniyang sarili sa mga misteryosong tauhang ito. Sa Epipanya, ipinakikilala ng Diyos ang Kaniyang Anak “sa mga bansa sa pamamagitan ng paggabay ng isang bituin.” [2] Natutuklasan natin “ang kaluwalhatian ng Diyos na dumating para sa lahat: bawat bansa, wika, at bayan ay tinatanggap at minamahal Niya. Ito’y sinisimbolo ng liwanag na tumatagos at tumatanglaw sa lahat ng bagay.” [3] Ang bagong silang na Sanggol ay ang Mesias na ipinangako sa Israel, ngunit ang Kaniyang misyong magligtas ay umaabot sa lahat ng tao sa mundo. “Ipinagdiriwang natin si Kristo, ang hantungan ng paglalakbay ng mga bayan na naghahanap ng kaligtasan.” [4]
Sinasabi ng Ebanghelyo na ang mga Mago, pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama si Maria na kanyang ina, at sila’y nagpatirapa at sinamba siya (Mt 2:11). Sa kanilang pagsamba ay nakikita natin ang milyon-milyong tao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na tumugon sa tawag ng Diyos upang sambahin si Kristo. Ito ang kaganapan ng propesiya ni Isaias: Bumangon ka, magliwanag, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo (Is 60:1). Ang propeta ay tumatawag sa banal na lungsod, sagisag ng Simbahan, ang bagong Jerusalem, ang liwanag ng mga bansa. Ang mga hari at mga bayan ay darating mula sa malayo, naaakit ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian. Bilang ina at guro ng lahat ng bayan, tinatanggap sila ng Simbahan at inihaharap kay Kristo bilang mahalagang handog.
MAHIGIT DALAWANG SIGLO ANG LUMIPAS mula nang sambahin ng mga Mago ang Sanggol, at ang mahabang prusisyon ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa ay tila nagsisimula pa lamang. Aalalahanin at babalik sa Panginoon ang lahat ng dulo ng mundo, at ang lahat ng angkan ng mga bansa ay sasamba sa harap ninyo (Aw 22:27). Napakalalim ng gawaing ebanghelisasyon ng mga unang Kristiyano. Ipinahayag nila ang pananampalataya sa buong daigdig, at ang mga bunga ay agad namalas. Mula noon, patuloy na may mga bagong bayan na lumalapit kay Jesus at Maria. Gaya nila, tayo rin ay dumating—mula sa iba’t ibang lugar, lahi, at wika. Ituon mo ang iyong mga mata at tingnan: silang lahat ay nagtitipon at lumalapit sa iyo; ang iyong mga anak ay dumarating mula sa malayo (Is 60:4).
“Dapat nating ulit-ulitin,” diin ni San Josemaría, “na hindi lamang sa ilang piling tao dumating si Jesus; dumating Siya upang ipahayag na ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat. Minamahal ng Diyos ang bawat lalaki at babae, at inaasahan Niya ang kanilang pagmamahal. Mula sa lahat—anoman ang kanilang kalagayan, posisyon sa lipunan, propesyon o hanapbuhay. Ang pangkaraniwang araw-araw na buhay ay hindi maliit na bagay: ang lahat ng landas ng lupa ay maaaring maging pagkakataon upang makatagpo si Kristo, na tumatawag sa atin upang maging kawangis Niya, upang pagtibayin ang Kanyang misyon— saanman tayo naroroon. Tinatawag tayo ng Diyos sa mga pangkaraniwang pangyayari sa araw-araw, sa mga paghihirap at tuwa ng mga taong kasama natin, sa mga kinagigiliwan ng ating mga kasamahan, at sa maliliit na bagay ng ating buhay-pamilya. Tinatawag din Niya tayo sa malalaking suliranin, tunggalian, at hamon ng bawat yugto ng kasaysayan, na umaakit sa pagsisikap at idealismo ng malaking bahagi ng sangkatauhan.” [5]
Ang ating misyon ay kapareho ng misyon ng mga unang Kristiyano: “Mga anak ko, narito tayo upang tulungan ang karamihan, ang napakaraming tao. Walang kaluluwang hindi natin nais mahalin at tulungan. Dapat tayong maging lahat para sa lahat: ómnibus ómnia factus sum (1 Cor 9:22). Hindi tayo maaaring umiwas sa anomang pangangailangan, sa anomang pangangailangan ng tao.” [6] Nakita rin natin ang bituin. At nais ng Panginoon na abutin ang bawat kaluluwa, sa pamamagitan nating bawat isa, upang ialok sa lahat ang Kanyang kaaliwan at kaligtasan.
SA PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PASASALAMAT sa Banal na Misa ngayon, mananalangin tayo: “Kay Kristo, liwanag ng mga bansa, ipinahayag Mo sa mga bayan ang hiwaga ng ating kaligtasan.” Nais nating makilahok sa gawaing Pagtubos. Itinuro ni San Juan Pablo II na “sa kabuuang pagtanaw sa sangkatauhan, ang misyong ito ay tila nagsisimula pa lamang.” [7] Tiwala tayo na ang Sanggol na ito ang tunay na liwanag ng sanlibutan, isang liwanag na nagniningning sa kababaang-loob. At sa isang paraan, nais nating maging kawangis ng tala ng mga Mago upang ituro ang daan patungo sa Diyos.
“Nasaan ang Hari?” tanong ni San Josemaría noong kapistahan ng Epipaniya noong 1956. “Hindi ba’t nais ni Jesus na Siya’y maghari sa puso ng tao—sa iyong puso? Kaya Siya naging Sanggol, sapagkat sino ba ang hindi magmamahal sa isang maliit na sanggol? Nasaan nga ba ang Hari? Nasaan si Kristo, na nais hubugin ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa? Hindi Siya maaaring manahan sa pagmamataas na naghihiwalay sa atin sa Diyos, o sa kakulangan ng pag-ibig na naglalayo sa atin sa kapuwa. Hindi Siya maaaring naroon; doon ay nag-iisa ang tao. Habang lumuluhod ka sa paanan ni Jesus na Sanggol sa araw ng Epipaniya, sa harap ng isang Hari na walang tanda ng paghahari, maaari mong sabihin: Panginoon, alisin Mo ang aking kapalaluan; basagin Mo ang aking pagmamahal-sa-sarili, ang aking pagnanais na ibunyag at ipilit ang aking sarili. Gawin Mong ang pundasyon ng aking pagkatao ay ang maging kawangis Mo. [8]
Sa dakilang araw na ito, minamasdan natin nang may pagmamahal ang Bethlehem upang matuto mula sa mga pantas mula sa Silangan na nagpatirapa sa Sanggol. Gaya ng mga Mago, sinasabi natin kay Jesus, na sa Kaniyang tulong, hindi tayo maglalagay ng sagabal sa Kaniyang hangaring magligtas. Hinihiling natin kay Maria na turuan tayong maging tanglaw sa ating mga pamilya at mga kaibigan. Hinihiling din natin sa kaniya ang kababaang-loob upang si Kristo ay manahan sa aming puso, at dahil sa pagiging kaisa Niya, madala natin ang maraming tao sa Kaniyang mapanligtas na pag-ibig.
[1] San Josemaría, Christ Is Passing By, 31.
[2] Epipanya ng Panginoon, Misa ng Araw, Panalangin Pambungad.
[3] Papa Francisco, Homiliya, 6 Enero 2019.
[4] Papa Benedikto XVI, Homiliya, 6 Enero 2007.
[5] San Josemaría, Christ Is Passing By, 110.
[6] San Josemaría, Liham 6 Mayo 1945, 42.
[7] San Juan Pablo II, Redemptoris Missio, 1.
[8] San Josemaría, Christ Is Passing By, 31.