Pagninilay: Disyembre 24

Mga paksa para sa pagninilay sa ika-24 ng Disyembre

Ang mga paksa ay:

  • Pasasalamat sa pagdating ni Hesus
  • Ang grasya ng Diyos ay nahayag
  • Ang paghihintay ay nagwakas na

PURIHIN ANG PANGINOONG DIYOS ng Israel, sapagkat dinalaw niya at tinubos ang kanyang bayan (Lc 1:67). Ito ang mga salita ni Zacarias matapos ang siyam na buwan na hindi siya nakapagsalita. Ang kanyang awit ay maaaring maisabuod sa: sadyang napakabuti ng Diyos! Sa pamamagitan ng Ebanghelyong ito, nais ng Simbahan na tapusin na ang panahon ng paghihintay na ating pinagdaanan. Hindi tinuring ng banal na taong ito na isang parusa ang mga buwan na iyon. Sadyang ang kabaligtaran: siya ay labis na nagpapasalamat sa kung ano ang ipinagkaloob sa kanya, sa napakagandang pagkakataon upang maihanda nang maayos ang anuman na ipapahayag ng kanyang anak na si Juan. Ito ay isang panahong tulad ng Adbiyento na muling inihandog ng Diyos sa atin. Marahil ay napag-igi natin ang ating naging paggamit sa mga araw ng paghahanda o maaaring marahil din naman na hindi. Sa ano pa mang katatayuan, makabubuti para sa atin na magbigay pasasalamat sa Diyos sapagkat Siya ay kumilos sa ating kaluluwa, bagaman maituturing natin sa ating mga sariliri na tila ba ito isang abang sabsaban. Naghanda ang Diyos ang isang natatanging lugar sa ating mga puso para sa kanyang Anak.

Marahil na ang naganap sa isa sa mga pastol noong bisperas ng Pasko ay nangyari din sa atin: “Isang magandang alamat ang nagsabi sa atin na nang isinilang si Hesus, ang mga pastol ay patakbong nagpunta sa kuweba na may dala na maraming mga regalo. Bawat isa ay nagdala ng kung ano man ang mayroon sila: ang ilan ay may dala na bunga ng kanilang paggawa; ang iba naman ay mga mahahalagang bagay. Ngunit habang ang lahat ng mga pastol ay gumagawa ng mga dakilang pagsisikap, buong loob na nagdadala ng pinakamainam na kanilang makakaya, may isang pastol na walang dalang anuman. Siya’y napakahirap at wala siyang maiaalay. At habang ang iba ay nakikipagpaligsahan sa pag-aabot ng kanilang mga handog, siya’y nanatiling nakahiwalay, nahihiya. Sa isang natatanging sandali, sina San Jose at ang Birheng Maria ay nagkakandahirap sa pagtanggap ng lahat ng mga regalo – marami ang mga ito -- lalo na si Maria, na kinakailangang hawakan sa kanyang bisig ang sanggol. Nang magkagayon, nang makita nila ang pastol na walang dalang anuman, tinawag siya ni Maria para lumapit. At inilagay niya si Hesus sa kanyang mga kamay. Ang pastol, hawak Siya, napagtanto na tinanggap niya ang hindi karapat-dapat sa kanya, na hawak niya sa kanyang mga bisig ang pinakadakilang handog sa kasaysayan. Tiningnan niya ang kanyang mga kamay, at ang mga kamay na iyon na dati rati ay tila walang laman ay naging duyan ng Diyos. Naramdaman niyang siya ay minamahal at, pinaglabanan ang kanyang hiya, ay sinimulang ipakita si Hesus sa iba, sapagkat hindi niya kayang itago ang kaloob ng lahat ng kaloob nang tangi lamang sa kanyang sarili.” [1]


“KUNG ANG IYONG MGA KAMAY AY TILA WALANG LAMAN PARA SA IYO, kung nakikita mo na ang iyong puso ay dukha sa pag-ibig, ang gabing ito ay para sa iyo. Ang grasya ng Diyos ay nahayag upang magliwanag sa iyong buhay. Tanggapin mo ito at ang liwanag ng Pasko ay magniningning sa iyo.”[2] Ibayo pa sa ating pangsarilinang pananaw sa ating mga pagsusumikap at apostolado, alam natin na sa katotohanan ang ating mga kamay ay hindi walang nilalaman. Iminungkahi ni San Josemaría na dalhin natin ang ating mga sarili sa Belen nang may isang napakahalagang bagay: “Sa malamig at tahimik na lugar na iyon, kasama ang kanyang Ina at si San Jose, ang nais ni Hesus, na magbibigay init sa kanya, ay ang ating puso.”[3]

Marahil higit nating mararamdaman ang kapanatagan kung tayo’y dumating sa mga sandaling ito na ang ating mga kamay ay puno ng maraming mabubuting gawa, kabanalan, at pagmamahal para doon sa lahat ng mga nasa paligid natin. Ngunit kadalasan, ang tunay na kaganapan ay hindi tumutugma sa ating mga hangarin. Maaaring sa ating buhay, punô ng mga pananagutan at nakabinbin na mga gawain, napakabilis lumipas ng oras na hindi natin gaanong napapansin. Walang dapat ipag-aalala: maaari pa rin tayong lumapit sa sabsaban ngayon at tayo’y mainit na tatanggapin. Matutuklasan natin na sila ay naghihintay para sa atin, na ang Mahal na Birhen at si San Jose ay labis na natutuwa na makasama tayo doon sa natatanging sandali ng ating kasaysayan.

Ang kaligtasan ay naririto na. Kakaunting oras na lang ang naghihiwalay sa atin dito, ngunit ang kagalakan ay nagsisimulang mag-umapaw sa ating mga puso. Pinagtitibay ni San Bernardo ang ating pinakamalalim na pagnanais: “Kaya magkagayon ngayon, ang ating kapayapaan ay hindi lamang ipinangako, kundi ibinigay; hindi ipinagpaliban, kundi iginawad; hindi hinulaang darating, kundi naisakatuparan na: ipinadala ng Ama sa lupa ang wari ba ay isang sako na puno ng awa; isang sako, na masasabi ko, na sasambulat sa Pasyon, upang ang halaga ng ating katubusan na laman nito ay mabuhos; isang sako na bagaman maliit, ay ganap na punô. Sa katotohanan, ibinigay sa atin ang isang Bata, ngunit sa Batang ito ay nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos.”[4]


ANG MGA SALITA NI ZACARIAS ay ang huling propesiya bago ganap na may katiyakang naisakatuparan ang ating kaligtasan. Ang Diyos ay naantig sa kadiliman ng ating pamumuhay at Siya’y dumating upang tayo’y iligtas, hindi upang hatulan kung tayo ba’y karapat-dapat na tanggapin Siya. Sa pamumuno nitong makatarungan at maka-Diyos na Israelitang ito, nais nating marating ang kalaliman ng pakikipagpalagayang loob sa Diyos: “Alang-alang sa kagandahang loob ng ating Diyos na magpapadala sa atin mula sa kaitaasan ng isang araw na sumisikat.” (Lc 1:78).

Maaaring nating mapabayaang maiwala ang pribilehiyong ito bunga ng ating pagiging abala sa ibang mga bagay na madaling maganap sa mga huling oras na ito: “Nabubuhay tayo sa loob ng mga pilosopiya, sa mga negosyo at mga gawain sa mundo na lubos na pinagkakaabalahan natin at mula rito ang daan patungo sa sabsaban ay lubhang napakalayo. Kailangan ng Diyos na tayo ay walang humpay na itulak sa maraming mga kaparaanan at gabayan tayo sa ating mga kamay upang tayo ay makahulagpos sa pagkakatali ng ating mga isipan at mga pananagutan at nang sa gayon ay matagpuan ang landas patungo sa Kanya.”[5] Maglakbay tayo sa huling bahaging ito nang hawak-hawak kamay kay Maria, marahil sa tabi niya na nasa asnong kanyang sinasakyan papunta sa Belen.

Sa gabing ito – gamit ang mga salitang winika ni San Juan Pablo II -- ang Diyos ay “pumasok sa kasaysayan. Napasailalim Siya sa batas ng agos ng tao. Isinara Niya ang nakaraan: sa Kanya ang panahon ng paghihintay ay nagwawakas, nais sabihin ay, ang Lumang Tipan. Binuksan Niya ang hinaharap: ang Bagong Tipan ng grasya at pakikipagkasundo sa Diyos. Ito ang bagong ‘Panimula’ ng Bagong Panahon.”[6] Sinasamahan natin ang Mahal na Birhen habang inihahanda niya ang sabsaban: ang dayami, ang duyan, ang lampin… At inilalagay ni Maria ang kanyang buong pagmamahal sa mga ito upang walang nagkukulang sa Sanggol. Ikinagagalak natin na ipagkaloob ang ating tulong sa mga paghahanda na iyon at mabatid ang ganitong diwa, na kapwa nila ginusto na tayo ay kanilang kailanganin.


[1] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2019.

[2] Ibid.

[3] San Josemaría, “Pray Without Ceasing,” In Dialogue with our Lord, 75.

[4] San Bernardo, Unang Epipaniya, Sermon, 1-2.

[5] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24 December 2009.

[6] San Juan Pablo II, Homiliya, 1 January 1979.