Pagninilay: Disyembre 22

Pagninilay para sa ika-22 ng Disyembre.

Ang mga paksa ay:

  • Ang pasasalamat ni Maria
  • Ang ating pagnanais sa Diyos ay tinutugunan Niya
  • Mula sa pasasalamat tungo sa pagiging bukas-palad

    SI MARIA ay nagmadali patungo sa pook na tinitirhan nina Isabel at Zacarias. Sa kanyang pagdating ay napagtibay niya ang inihayag ng Arkanghel. Matibay ang kanyang pananalig sa lahat ng sinabi ng anghel, subalit higit siyang napuspos ng kagalakan nang makita niya ang kanyang pinsan na nagdadalang-tao. Muling pinagtibay nito ang nararamdaman niya sa kanyang sinapupunan: ang presensya ng Mesiyas. Ang kanyang kagalakan ay nag-umapaw at binahaginan din nito si Juan sa ganang kanyang sarili. Maaaring nating isipin na si Juan Bautista, na nasa sinapupunan na ng kanyang ina, ay nasasabik na rin sa sandali upang ipahayag ang mabuting balita: hindi siya nag-aksaya ng sandali at ipinahayag ito sa kanyang ina, na sa oras na iyon ay ang siyang tangi lamang na makakarinig sa kanya.

    Para kay Maria, marahil ay isang napakalaking kagalakan ang makapagbahagi sa iba ng nilalaman ng kanyang puso. Nang batiin niya si Isabel, agad niyang napagtanto na alam na ni Isabel ang lahat. Hanggang sa mga sandaling iyon ay iningatan niya ang balita sa pinakakaibuturang bahagi ng kanyang puso. Biglang umawit ang Ina ni Hesus, at sa kanyang papuri ay isinama niya ang kasaysayan ng Israel at ang mga salitang madalas niyang nababasa sa Banal na Kasulatan. Ang makalangit na pag-ibig para sa kanya ay napakadakila na hindi niya alam kung paano ito ipapahayag; kailangan niyang hiramin ang mga salita mula sa Diyos mismo, tulad ng ginagawa natin sa liturhiya ng Simbahan. Si Isabel ay nagwika ng maraming magagandang bagay sa kanya, subalit agad niya itong iniukol sa may-akda ng lahat ng kababalaghang ito. Kaya ganun din ang magiging buong buhay niya: dalhin ang mga tao sa Diyos.

    “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas” (Lucas 1:46-47). Namamangha si Maria sa paraan ng paggawa ng Diyos at sa kadahilanan kung bakit siya ang pinili: “Sapagkat nilingap Niya ang kababaan ng Kanyang lingkod” (Lucas 1:48). Nadama ni Maria ang isang natatanging pagtingin mula sa Diyos at ang pananalig na iyon ang nagtulak sa kanya upang magpasalamat.


    TIYAK NA hindi kailanman inakala ni Maria na makatagpo ng ganitong biyaya mula sa kanyang Maylikha. Napagtanto niya na ito ay ang lubos na kabutihan ng Diyos na bumubuhos nang walang ibang dahilan liban sa Kanyang makalangit na kalooban. Hindi natin mapipigilan ang mamangha. Mahirap para sa atin na isipin at maniwala sa isang Diyos na ganoon kabuti sa atin, na mga abang nilalang.

    Kaalinsabay dito, dahil sa karanasan sa kasalanan, maaaring may mga pagkakataon na nakakaramdam tayo nang wari ba ay may pagkamuwang sa pasasalamat na ito, sapagkat hindi natin malimutan na “ang kakayahan upang madama ang Diyos ay tila isang handog na ipinagkait sa iba. At sa katunayan, ang ating paraan ng pag-iisip at pagkilos, na kaisipan ng kasalukuyang mundo, ang sari-saring magkakaibang karanasan natin ay kayang mapahina ang ating damdamin para sa Diyos, na hayaaan tayo na walang mala-musikang pandinig para sa Kanya” [1]. Ang kakulangan ng pandinig na ito ay hindi natin dapat ikabahala. Ipinagpapatibay sa atin ni Santo Tomas de Aquino: “Napakadakila ng biyaya ng Diyos at ng Kanyang pag-ibig sa atin, na higit pa ang Kanyang ginawa kaysa sa kaya nating maunawaan” [2]; ibig sabihin, bagaman ang ating kakayahan upang tumono sa Kanya ay pinanghina, higit pa roon ang maaabot ng biyaya ng Diyos na darating upang tumulong sa atin. Ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang sarili nang buong lubos sa bawat isa sa atin na Kanyang mga anak. “Hindi Niya hinintay na tayo’y maging mabuti upang mahalin tayo, kundi buong laya Niyang ibinigay ang Kanyang sarili sa atin (...). At ang kabanalan ay walang iba kundi ang ingatan ang biyayang ito” [3]. Ang pagiging banal ay ang pagpapahintulot sa sarili na mahalin ng Diyos sa ganitong pamamaraan – dahil nais Niya, na wala nang dahilan pang iba. Gumamit si San Josemaría ng mga salitang maaaring ikagulat natin: “Sa pamamagitan ng Pananampalataya at Pag-ibig, kaya nating paguluhin ang isip ng Diyos, na maging baliw muli – nabaliw na Siya sa Krus, at nababaliw araw-araw sa Eukaristiya–, walang humpay na inaaruga tayo gaya ng isang ama sa kanyang panganay na anak” [4]. Tayo rin ay ang mga nilalayon ng ganitong mapagpalang tingin mula sa Diyos. Napagtanto ni Maria na ang kanyang kagalakan ay ipapahayag ng lahat ng henerasyon at mula sa pasasalamat na iyon ay bumukal ang kanyang pagkakaloob ng sarili.


    MULA SA ISANG PUSONG puno ng pasasalamat ay madaling bumubukal ang hangaring tumugon at maging bukas-palad. Mararating natin ang tunay na kaligayahan at lubos na paninindigan upang balikan ng pag-ibig ang pag-ibig ng Diyos kung atin lamang hahayaan ang ating mga puso na tumugon nang may pasasalamat. Ang ating lakas ay di kakayaning ibalik sa Diyos ang isang bagay na tutumbas sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa atin. Ang kawalang kakayanang ito, sa ibang kaparaanan, ang nagpapalaya sa atin. Ang ating pansariling pagbibigay-sarili ay ang gawa Niya mismo “na gumawa sa akin ng mga dakilang bagay” (Lucas 1:49), sapagkat Siya ay makapangyarihan, na kaya ring palabasin sa atin ang mga bagay na sa simula ay labis na nakahihigit sa atin. “Umaabot ang Kanyang awa sa lahi’t lahi” (Lucas 1:50), mula kay Abraham hanggang ngayon, sa aking sariling buhay, buong-buo, karaniwan at nalilihim sa maraming tao.

    Ikinatutuwa ng Diyos na ipamalas ang kapangyarihan ng Kanyang bisig at nang sa gayon ay gulatin yoong mga nag-iisip na kakayanin nila sa ganang kanilang mga sarili at sapat na ang kanilang sariling kalooban upang maging masaya. Inilagay ng Diyos ang mga mapagkumbaba, ang maliliit na ipinauubaya ang kanilang mga sarili upang maging dakila, sa pinakamataas na taluktok ng Kanyang kaharian. Yayanigin Niya ang anumang trono na itinindig ng tao. Sa mga nakakaramdam ng pangangailangan ay nais Niyang punuin ng mga biyaya, na ang una sa mga ito ay ang Kanyang walang pasubali at walang hanggang pag-ibig: ganap ang Kanyang kapasiyahan upang higit na papag-umapawin ang ating isipan at lampasan pa ang ating mga pinakaaasam na mga hangarin.

    Sa kasamaang-palad, yaong mga nag-aakalang mayaman ngunit hindi naman, ay hindi magagawang punuin ng Diyos ng Kanyang kayamanan. Ito’y magiging isang matinding kalungkutan para sa Kanya, sapagkat hangad Niyang punuin ang lahat ng mga anak ng Kanyang pag-ibig. Subalit ito ang kasaysayan ng Kanyang awa, ng Kanyang mapagkalingang pagmamahal para sa bawat isa. Ito ang kasaysayan ng kalayaan ng isang Diyos na nag-aalok ng lahat ng Kanyang kagalakan sa bawat salinlahi, na patuloy na naghahanap ng mga kaparaanan para hayaan ng tao ang kanyang sarili na mahalin. Si Maria, sa pamamagitan ng kanyang “fiat,” ay nakatupad nito nang di tulad ng iba, at ikagagalak niya na turuan at gabayan tayo sa ating paglalakbay.


    [1] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24-XII-2009
    [2] Santo Tomas de Aquino, Tungkol sa Kredong Pananampalataya, 1. c., 61
    [3] Papa Francisco, Homiliya, 24-XII-2019
    [4] San Josemaría, Instruksiyon, 19-III-1934, blg. 39