Ang mga paksa ay:
- Pinagdaanan ni Hesus ang Pasyon dahil sa pagmamahal Niya sa atin
- Samahan natin si Kristo sa Kanyang paghihirap
- Sa Krus natin matatagpuan ang ating kanlungan at kaligtasan
"DIYOS KO, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" (Mt 27:46). Naranasan ni Hesus na lubos siyang iniwanan sa isang kalagayan na hindi pa Niya naranasan, upang makiisa sa atin sa lahat ng bagay. Ginawa Niya ito para sa akin, para sa iyo, para sa ating lahat. Ginawa Niya ito upang sabihin sa atin: "Huwag kang matakot, hindi ka nag-iisa. Naranasan Ko ang lahat ng iyong kapighatian upang palaging mapalapit sa iyo." [1] Higit sa lahat, nasasaktan si Kristo sa pagdurusa na nararanasan natin, tayong lahat sa alin mang panahon, bunga ng kasalanan: "Mga kababaihan ng Herusalem, huwag ninyo Akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga anak" (Lk 23:28).
Walang anumang paghihirap ng tao ang makapipigil kay Kristo sa Kanyang matibay na hangaring iligtas tayo. "Bukas para sa bawat tao ang Kanyang mga kamay na ipinako sa krus at inaanyayahan tayong lumapit sa Kanya, na may katiyakang tinatanggap Niya tayo at niyayakap sa walang hanggang paggiliw." [2] Nagsisimula ang Liturhiya ng Biyernes Santo sa pagdapâ ng pari sa lupa. Ganito ang ayos ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Dumagan sa Kanya ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, lahat ng pagdurusa at kalungkutan – pati na rin ang atin –at Siya'y tumawag sa Diyos Ama upang humingi ng lakas.
Dumating si Hesus sa mundo upang ituwid ang kasamaan na ating idinulot sa ating sarili at sa iba. Nais Niyang ibalik sa atin ang ating kalayaan at kagalakan. Walang hanggan ang Kanyang pagmamahal sa atin at tiniyak Niya sa atin: "Maginhawang dalhin ang Aking pamatok at magaan ang Aking pasan" (Mt 11:30). Hindi kailangang manaig ang ating mga kasalanan kung hahayaan nating magsalita si Hesus, kung papayagan natin Siyang ipahayag ang Kanyang pagmamahal sa atin at hindi Niya tayo susummbatan sa lahat ng paghihirap na ito. Itong araw na ito, inaala-ala natin na "Nadapa si Hesus upang muli tayong makabangon, sa bawat pagkakataon." [3]
ANG ISA SA MGA DAHILAN na nagkakasala tayo ay ang maling pag-iisip natin na hadlang ang kalooban ng Diyos sa ating kalayaan. Ganito ang nangyari kay Adan, ang ating unang ama. Ngunit nais ng Diyos na tayo'y maging maligaya. Nais Niyang pumayag tayong mahalin Niya tayo. "Tunay na malaya tayo kung tayo'y nananatili sa katotohanan ng ating pagkatao, kung tayo'y nakabuklod sa Diyos. Sa ganoon, nagiging tunay na “parang Diyos” tayo - hindi nilalabanan, binabale-wala o itinatatwa ang Diyos. Sa dalamhati ng Kanyang pagdarasal sa Hardin ng Getsemani, ipinakita ni Hesus kung paano hindi magkasalungat ang pagsunod at ang kalayaan, at binuksan Niya ang landas patungo sa tunay na kalayaan. Hingin natin sa Panginoon na akayin tayo sa 'Oo' na ito sa kalooban ng Diyos, at sa gayon ay maging tunay tayong malaya." [4]
Sabik tayong pasalamatan ang ating Panginoon sa sakripisyong malaya Niyang tinanggap upang palayain tayo mula sa kamatayan. Nagdusa si Hesus hanggang sa pagpapawis ng dugo, ngunit hindi kailanman nanghina ang Kanyang pagtitiwala sa Kanyang Ama, at Siya'y patuloy na nanalangin. "Lumapit Siya sa atin, tayo na natutulog. ‘Bumangon kayo, manalangin kayo – muli Niyang sinabi – upang hindi kayo mahulog sa tukso’" (Lk 22:46). [5] Ilang oras ang lumipas, bumagsak sa inosenteng katawan ni Hesus ang poot ng lahat ng kasalanan ng tao. Nabalot ng kapanglawan ang Panginoon dahilan sa kawalan ng pasasalamat sa ating mga puso. "Ikaw at ako ay hindi makapagsalita. Hindi na kailangan ng mga salita. Tingnan mo Siya, tingnan mo Siya... dahan-dahan." [6]
Minsan, tila hindi tumutugon ang Diyos sa kasamaan, parang tahimik Siya. Ngunit nagsalita Siya, tumugon Siya, at ang Kanyang sagot ay ang Krus ni Kristo: isang salita na nangangahulugan ng pag-ibig, awa, at kapatawaran. Ipinakikita rin na ito ay isang hatol, na ang Diyos, sa Kanyang paghatol, ay minamahal tayo. "Tandaan natin ito: Hinahatulan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa atin. Kung yayakapin ko ang Kanyang pag-ibig, ako ay maliligtas; kung tatanggihan ko ito, ako ang hahatol sa aking sarili - hindi Siya, dahil hindi kailanman naghahatol ang Diyos, kundi nagmamahal at nagliligtas lamang." [7]
ISANG MAPAYAPANG kanlungan para sa ating sariling sakit at dalamhati ang mga sugat ng ating Panginoon, kung saan dumaloy ang Kanyang pinakabanal na dugo. May kaligtasan tayo sa mga sugat ni Kristo. Sa paglilinis Niya sa atin ng Kanyang Dugong mapagtubos, wala tayong ipagpapangamba. "Kapag tunay nating binigyang halaga at minahal ang pinakabanal na Pagkatao ni Hesus, matutuklasan natin ang bawat isa sa Kanyang mga Sugat... Mararamdaman natin ang pangangailangang pumasok sa bawat isa sa Kanyang mga Sugat: upang mapadalisay at mapalakas, magalak sa Kanyang mapanubos na Dugo. Papunta tayo doon na parang kalapati, na sa Salita ng Ebanghelyo, upang maka-iwas sa bagyo sa mga butas sa bato. Nagtatago tayo sa kanlungang ito upang mahanap and intimasya Niya." [8]
At sa ating pagmumuni-muni, matitikman natin ang matibay at maamong mga salita ng Simbahan ngayon: "Matamis ang kahoy, matamis ang bakal, matamis ang pasaning kanilang dala!" [9] Ito ang "maningning na tanda ng pag-ibig, ng napakalawak na pagmamahal ng Diyos, ng isang bagay na hindi natin kailanman mahihiling, maiisip, o inaasahan: Yumuko ang Diyos sa atin, nagpakumbaba Siya, maging sa pinakamadilim na sulok ng ating buhay, upang iunat ang Kanyang kamay at hilahin tayo palapit sa Kanya, upang dalhin tayo sa Kanya." [10]
Ito ang katotohanan ng Biyernes Santo: sa Krus, ibinalik ng ating Manunubos na si Kristo, ang ating dangal. At nais nating mas lalo pang ipako ang ating sarili sa Kanyang Krus, makiisa sa Kanyang pagtubos, at mahugasan ang ating karumihan ng Kanyang Dugo. Sa pagtatapos ng oras na ito ng panalangin, itinutuon natin ang ating mga mata sa paanan ng Krus. Doon natin nakikita ang ating malungkot na Ina, na kasama ang ilang kababaihan at isang binata. Walang pighati ang maihahambing sa kanilang pighati. Kailangan ni Kristo na malapit sa Kanya ang Kanyang Ina sa mga sandaling ito, at lalo natin Siyang kailangan ngayon.
[1] Papa Francisco, Homiliya, 5 Abril 2020.
[2] Papa Benedikto XVI, Mga Puna sa pagtatapos ng Daan ng Krus, 21 Marso 2008.
[3] San Josemaría, The Way of The Cross, Ikatlong Istasyon.
[4] Papa Benedikto XVI, Homiliya, 5 Abril 2012.
[5] San Josemaría, Holy Rosary, blg. 6.
[6] San Josemaría, Holy Rosary, blg. 7.
[7] Papa Francisco, Mga Puna sa pagtatapos ng Daan ng Krus, 29 Marso 2014.
[8] San Josemaría, Friends of God, blg. 302.
[9] Adorasyon ng Banal na Krus, Himno Crux fidelis.
[10] Papa Benedicto XVI, Mga Puna sa pagtatapos ng Mga Istasyon ng Krus, 22 Abril 2011
