Ang mga paksa ay:
- Ang disipolo na minahal ni Hesus;
- Ang pasensiya ng Diyos na nagpapabago sa atin;
- Pag-ibig tulad ng pag-ibig ni Hesus
SI PEDRO AT JUAN pagkatapos na marinig ang nasaksihan ni Maria Magdalena, ay nagtatakbo patungo sa walang lamang puntod ng Panginoon. Sa Ebanghelyo sa araw na ito, ipinakilala ng ikaapat na Ebanghelista ang kanyang sarili bilang disipolo “na minahal ni Hesus”. (Jn. 20.2) Bakit si Juan na ang kapistahan ay ipinagdiriwang natin ngayon, ang minamahal na disipolo, ang paborito ni Kristo? Maaaring dahil sa siya ang pinakabata, o dahil sa siya ang una na nangailangan ng tanging-tanging pagtingin. O baka kaya dahil sa kanyang nag-aapoy na karakter o dahil sa yaon ang gusto ni Hesus. Ang alam nating tiyak ay naniwala si San Juan na siya ang tunay na minamahal ng Panginoon.
Gayunpaman, masasabi nating lahat na tayo rin ay bukod tanging minamahal ng Diyos. Ito ay bahagi ng hiwaga ng Kanyang pag-ibig sa atin. Ito ang ating sinasampalatayahan bagama’t minsan itinatanggi natin ito. “Ipinapaalaala sa atin ng Pasko na mahal ng Diyos ang bawat isa, ako, sa ikaw, bawat isa sa atin. Ito ang sinasabi niya ngayon: ‘mahal Ko kayo at lagi Kong mamahalin kayo; kayo ay masikip sa Aking mata’”. [1] Sa totoo, katulad ng kay San Juan, “ninanasa ng Panginoon na gawin ang bawat isa sa atin na disipolo na mamumuhay ng isang personal na pakikipagkaibigan sa Kanya. Para mangyari ito, hindi sapat na sumunod sa Kanya at makinig sa Kanya: kailangan din na mabuhay tayo na kasama Niya at katulad Niya. Mangyayari lamang ito kung nasa konteksto ng isang malalim na relasyon na pinatitingkad ng isang mainit na pagtitiwalang tunay. Ito ang nangyayari sa mga magkaibigan.” [2]
SI JUAN AY MAPUSOK at ito’y alam na alam ni Hesus nang ito’y Kanyang piliin. Noong ayaw siyang tanggapin sa Sameria, tinanong siya ng disipolo: “Panginoon, payag ba Kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila’y matupok?” (Lk 9:54) Sa ibang pagkakataon, sinabi ni Juan kay Hesus nang may buong katiyakan na pinagbawalan nila ang sinuman na magpalayas ng demonyo sapagka’t hindi siya kasama nila. (cf. Mk 9:38) Laging matiyagang nakikinig si Hesus. Anong daming oras ang Kanyang ginugol kay Juan upang ituwid ang kanyang mapusok na ugali sa pagbibigay bunga sa buto ng tunay na pagmamahal sa kanya. “Maaaring mangyari na kahit matiyagang binubungkal ng Diyos ang lupa ng kasaysayan ng ating mga puso, nananatili tayong walang tiyaga at gusto nating kara-karakang hatulan ang lahat: “ngayon o hindi, ngayon, ngayon. Sa ganitong paraan nawawala sa atin ang ‘isang maliit’ subalit napakagandang kabanalan: ang pag-asa”. [3]
Lubos na natutunan ni Juan ang mga aral ng ating Panginoon sapagkat batid niya na mahal siya ni Hesus. Ipinakikita ng mga Ebanghelyo ang unti-unting pagbabago ni Juan, halimbawa sa pagpunta sa puntod, na binabasa natin sa Ebanghelyo ngayon, nakita natin na kanyang napagtagumpayan ang ilan sa kanyang kapusukan. Sapagkat siya’y nagtiis na maghintay upang maunang makapasok si Pedro. “Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya’y naniwala”. (Jn 20:8) Sa katapusan ng kanyang buhay, wala siyang sawang ulit-ulitin sa mga unang Kristiyano ang buod ng Ebanghelyo: Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig, ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos (1Jn 4:7). Isinasalaysay ni San Geronimo na itinatanong ng mga alagad ni Juan sa kanya noong siya’y malapit ng mamatay na kung bakit iyon palagi ang kanyang binibigyan diin at ang tugon ng Ebanghelista: “Sapagkat iyan ang utos ng Panginoon at ang pagtupad niyan ang siya lamang tanging kailangan”. [4]
“PAKAMAHALIN NINYO ANG ISA’T ISA”, ang malimit na sinasabi ni San Josemaria. “At sa pagsasabi nito, sinasabi ko sa inyo ang puso ng Kristiyanismo: Deus Caritas Est (1Jn.4.8). Ang Diyos ay pagmamahal, naalaala mo ba si Juan? At ipapaalaala ng nagtatag ng Opus Dei sa mga nasa harapan niya kung ano ang sinabi ng apostol noong siya’y “matanda na, napakatanda bagama’t ang pakilasa’y napakabata” [5]: na ang aral Kristiyano ay nauuwi sa mga salitang ito: “Ito ang pag-ibig, hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig Niya at isinugo Niya ang Kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan” (1Jn 4.10). Kung magkagayun, sa mga mata ng Kristiyano ang bawat tao ay obheto ng walang katapusang pagmamahal ng Diyos. “Nauna sa atin ang Diyos na ipagkaloob ang Kanyang Anak. Lagi at lagi Siya’y nangunguna sa atin sa isang hindi inaasahang panahon… Siya’y laging nagbabalik upang magsimula ulit kasama natin. Kaya nga, inaasahan Niyang magmamahal tayong kasama Niya. Minamahal Niya tayo upang tayo’y maging mga taong sama-samang nagmamahal kasama Siya at sa gayu’y makalikha ng kapayapaan sa lupa. [6]
Pagkatapos ng Kanyang tawag na umulan ng apoy para tupukin ang Samaria, isinalaysay ni Juan ang tagpo na naganap sa gitna ni Hesus at ng babaeng Samaritana. Siya lamang ang tanging Ebanghelista na gumawa nito. Malamang ang kasaysayang ito ay bunga ng kanyang maraming pakikipag-usap sa Panginoon na nais ipaliwanag sa kanya kung bakit dapat niyang mahalin ang lahat tulad ng pagmamahal ng Diyos-Ama sa kanila.
Sa katapusan, tinanggap ni Juan kay Hesus bilang disipolo ang matamis na tungkulin na alagaan ang ating ina. Sino ang nag-alaga kanino? Tiyak na ginampanan nilang dalawa ang kanilang mga misyon ng buong kasiyahan at pasasalamat. Ginampanan ni Maria ang huling hiling ni Hesus na mahalin si Juan katulad ng ninanasa niyang gawin sa kanya ng kanyang anak. Makahihingi tayo ng tulong sa ating mahal na Ina at kay San Juan sa paghiling natin sa Diyos na bigyang puwang sa ating mga puso ang Kanyang pag-ibig na nagbunga ng pag-ibig sa iba.
[1] Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2019
[2] Benedict XVI, Audience, 5 Hulyo 2016
[3] Francisco, Homiliya, 2 Pebrero 2021
[4] San Jeronimo, Paliwanag sa Sulat sa mga taga-Galacia, 3, 6
[5] San Josemaría, Mga tala mula sa isang pagtitipon, 19 Marso 1964
[6] Benedict XVI, Homiliya, 24 Disyembre 2010