Ang mga paksa ay:
- Pagkamartir ni San Esteban at ang ating misyon
- Ang aral Kristiyano ay hindi tumatanda
- Mga tagapaghasik ng kapayapaan at kagalakan sa pamamagitan ng pagmamahal.
PINAGPALA NG DIYOS si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan kaya’t nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla.(Gw.6:8) Ang bilang ng mga sumasampalataya sa aral ni Hesus ay dumadami. Subali’t, marami – sapagka’t hindi nila kilala si Kristo o hindi nila nauunawaan Siya ay hindi Siya kinilalang tagapagligtas. “Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi ng Sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng Hudeong taga-Cirene, Alexandria, Cilicia at Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan kaloob ng Espiritu kay Esteban. kaya’t lihim nilang sinuhulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya na ganito, narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” (Gw.6.9-11)
Si San Esteban ang unang Kristiyanong martir, namatay siyang puspos ng Espiritu Santo, na nananalangin para sa mga bumato sa kanya. “Kahapon, si Kristo ay nilampinan para sa atin; ngayon, Kanya namang binihisan si Esteban ng damit ng walang kamatayan. Kahapon, ang sanggol na si Kristo ay nahihiga sa isang makipot nasabsaban; ngayon, si Esteban ay tinanggap sa kalawakan ng kalangitan. Bumaba ang Panginoon upang itaas ang marami; Nagpakababa ang Hari upang itanghal ang Kanyang mga kawal.” [1] Tayo rin ay tumanggap ng hindi mapaniwalaang misyon na ipalaganap ang aral ni Hesu-Kristo sa ating mga salita at higit sa lahat sa ating mga buhay samantalang ipinamamalas ang kagalakan ng Ebanghelyo. Marahil si San Pablo, na saksi sa pangyayaring iyon ay naantig sa pagpapatotoo ni San Esteban, kaya noong siya’y maging Kristiyano dito siya humugot ng lakas para sa kanyang misyon.
“Ang kabutihan ay laging kusang lumalaganap. Bawat tunay na karanasan ng katotohanan at kabutihan ay likas na naghahanap na lumago sa atin. At ang bawat tao na nakaranas ng isang malalim na paglaya ay nagiging mapakiramdam sa mga pangangailangan ng iba. Tuklasin natin at palalimin ang ating mabuting mithiin, ang kasiya-siya at mapagpasiglang kagalakan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita, kahit na ito’y ating inihahasik na luhaan…Nawa’y ang mundo ng ating panahon, na naghahanap, kung minsa’y sa paghihirap, kung minsa’y sa pag-asa, ay makatanggap nawa ng Mabuting Balita nang hindi buhat sa mga mangangaral na tinanggihan, bigo, mainipin at maalalahanin, kundi mula sa mga tagapagpahayag ng Ebanghelyo… na unang tumanggap ng kagalakan ni Kristo.” [2]
“NAGHARAP SILA ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi nila ‘ang taong ito’y walang tigil sa pagsasalita laban sa Banal na Templo at sa Kautusan ni Moises’”. Kahit ngayon, katulad ng panahon ni San Esteban ang aral Kristiyano ay maaaring baluktutin kung minsan, subalit kaya nating patunayan ang walang hanggang pagkasariwa nito sa pamamagitan ng ating mga buhay. “Ang aral Kristiyano […] ay hindi kailanman tatanda […] Tuwi nating pagsusumikapang bumalik sa pinagmulan nito at matuklasan ang orihinal na kasariwaan ng Ebanghelyo, lumilitaw ang mga bagong kaparaanan, nagbubukas ang mga bagong daan na may mga iba’t-ibang anyo ng pagpapahayag, mga maliwanag na tanda at salita na may mga bagong kahulugan para sa kasalukuyang mundo. Lahat ng anyo ng tunay na pagpapahayag ng Mabuting Balita ay laging “bago”. [3]
Hinarap ni San Esteban ang kamatayan na ipinagtatanggol si Kristo, punong-puno ng awa at nananalangin para sa kaligtasan ng mga bumato sa kanya. Isa sa mga pagbasa sa Brebiariyo ngayon ay nagsasaad, “Ang ating Hari na Kataas-taasan ay buong kapakumbabaang bumaba sa atin, ngunit hindi Siya dumating sa lupa na walang dala. Nagdala Siya ng dakilang kaloob sa Kanyang mga kawal, na Siyang nagpayaman sa kanila nang gayun na lamang at nagpasigla sa kanila para sa isang matagumpay na pakikibaka. Nagdala Siya ng kaloob ng pagmamahal. Tulad ng pagmamahal na dinala ni Kristo sa lupa mula sa langit at nagdala kay Esteban mula sa lupa patungo sa langit. Ito rin ang pagmamahal na unang namalas sa Hari at nagliwanag sa kanyang kawal. [4]
Nais din nating na liwanagan ang mundo ng kaligayahan ng Ebanghelyo, samantalang binibigyan ng bagong kahulugan ang mga mithiin at alalahanin ng ating panahon. Maaari nating gamitin ang ating pakikipag-usap sa Panginoon para humiling ng katarungan at katapangan sa ating misyon. “Ito ang dakilang Apostolado ng Opus Dei: Na ipakita sa maraming tao na naghihintay sa atin, ang tuwid sa daan patungo sa Diyos. Kaya nga, mga anak, kayo ay tinatawag sa banal na gawaing ito ng pagpapahayag ng mga awa ng Panginoon: Misericordias Domini In aeternum cantabo. (Ps 88:2) Aawitin ko ang mga awa ng Panginoon magpakailanman.” [5]
“NGUNIT SI ESTEBAN na puspos ng Espiritu Santo ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Hesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Kaya’t sinabi niya,’nakikita kong bukas ang kalangitan at ang anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.’”(Gw 755-56) Hanggang sa huling sandali, ang patotoo ng unang martir ay nagpakita ng awa ng Diyos na nagnanasa ng ating pagbabago. Ang kanyang pakikipag-isa sa kanyang guro ay gayong kalalim na si San Esteban ay namatay na nananalangin ng mga salita tulad ng kay Kristo: At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: ‘Panginoong Hesus, tanggapin Mo ang aking espiritu. Lumuhod si Esteban at sumigaw ng malakas, ‘Panginoon ‘wag Mo po silang pananagutin sa kasalanang ito.’ At pagkasabi nito siya’y namatay.”(Gw. 7.59-60) Ang ating misyong Apostoliko ay nakasalalay sa panalangin at pagpapakasakit: “Kung walang panalangin, walang patuloy na presensiya ng Diyos, walang pagbabayad puri, para sa mga maliliit na pagsalansang sa buhay araw-araw; kung wala ang lahat ng iyan, hindi magaganap ang personal na gawain ng tunay na Apostolado. [6]
San Esteban ay namatay na nananalangin, pinatatawad ang kanyang mga kaaway, bilang pagsunod sa halimbawa ng kanyang Panginoon na gayundin ang ginawa sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, sa mga taong nagpako sa Kanya. Sa ganitong dahilan, siya ang modelo ng ating misyong Apostoliko. Sa isang salita, sa pakikipagsapalaran na “pagtagumpayan ang masama nang maraming kabutihan”. [7] Kung ang ating kapaligiran na ating ginagalawan ay maging masalimuot kung minsan, tandaan natin na ang ating misyon bilang mga anak ng Diyos ang maging “mga tagahasik ng kapayapaan at kaligayahan, ng kapayapaan at kaligayahan na dinala ni Hesus sa atin” [8] “Hindi ito isang negatibong pang-aakit o pagiging kalaban ng anuman,” sinabi ni San Josemaria: “Sa halip, mamuhay tayo ng posibito, puno ng optimismo, ng kasiglahan ng isang kabataan, ng kaligayahan at kapayapaan. Tayo’y maging mga maunawain sa bawat isa, maging sa mga tagasunod ni Kristo at maging sa mga humiwalay sa Kanya o o sukduklang hindi nakakilala sa Kanya.” [9]
“Taglay ni San Esteban ang pagmamahal bilang kanyang sandata at sa pamamagitan nito siya’y nagtagumpay sa lahat ng lugar. Dahil sa pag-ibig sa Diyos, hindi siya nagwalang-kibo sa harapan ng mga galit na Hudeo; dahil sa pag-ibig sa kapwa, siya’y namagitan para sa mga taong bumato sa kanya; dahil sa pag-ibig, siya’y nakipagtalo sa mga nasa kamalian, upang kanilang maituwid ang kanilang sarili; dahil sa pag-ibig, kanyang ipinanalangin ang mga bumato sa kanya, para hindi sila maparusahan. Sa tulong ng lakas ng pag-ibig, kanyang napagtagumpayan ang matinding kalupitan ni Saul at ginawa pa niyang makasama sa langit ang taong umusig sa kanya sa lupa.” [10] Lumapit tayo sa ina, reyna ng mga apostol; ibibigay niya sa atin ang pag-ibig at lakas ng unang martir.
[1] San Fulgencio ng Ruspe, Homiliya 3.
[2] Papa Francisco, Evangelii gaudium, nos. 9-10.
[3] Ibid, no. 11.
[4] San Fulgencio ng Ruspe, Homiliya 3.
[5] San Josemaría, Liham 24-III-1930, blg. 3b.
[6] San Josemaría, Mga Panloob na Tala, blg. 74, 21-VII-1930.
[7] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 72.
[8] Ibid, blg. 30.
[9] San Josemaría, Furrow, blg. 864.
[10] San Fulgentius ng Ruspe, Sermo 3.