Pagninilay: 25 ng Disyembre

Ilang pagninilay na makatutulong upang malugod nating tanggapin ang pagdating ng Batang Hesus ngayong Pasko.

Mga paksang tatalakayin:

  • Pagmumuni-muni sa misteryo ng Pasko nang may pananampalataya
  • Ninais ng Diyos na kailanganin tayo
  • Ang ating pagmumuni sa harap ng sabsaban

“ISANG SANGGOL ANG IPINANGANAK PARA SA ATIN, at isang anak ang ibinigay sa atin.” [1] Natupad na ang ating mga hangarin sa panahon ng Adbiyento: ang Diyos ay naging tao. Ang daigdig ay wala na sa kadiliman. Dumating na si Hesus, at “nakita ng lahat ng dulo ng daigdig ang pagliligtas ng ating Diyos.” [2] Ngumiti ang Sanggol sa ating tahimik na pagsamba. Ang ating pagtingin ay nakasalubong ang paningin ng bagong silang na Sanggol. Lahat ay liwanag, at ang isang malinis na pagtingin ay nanagos sa ating kaluluwa at pinawi ang kadiliman ng kasalanan.

Iminungkahi ni San Josemaría na ating “pagmasdan ang Sanggol, ang ating Pag-ibig, sa duyan. Dapat natin siyang pagmasdan, batid na tayo’y humaharap sa isang misteryo. Kailangang tanggapin natin ang misteryong ito sa pamamagitan ng pananampalataya, at sa gayon ding pananampalataya, ay arukin ang malalalim na nilalaman nito. Para dito, kailangan natin ang mapagkumbabang saloobin ng isang Kristiyanong kaluluwa: hindi nagnanais pababain ang kadakilaan ng Diyos sa ating marurupok na kaisipan o sa ating mga antas pang-taong pagpapaliwanag; sa halip, ay unawain na ang misteryong ito, sa kabila ng dilim nito, ay isang liwanag na gumagabay sa buhay ng tao.” [3] Ang langit at lupa ay nilikha ng Sanggol na nakahiga sa sabsaban. Siya ang may katha ng kabilugan ng hugis ng mundo at ng kabuuan nito. Anong kabaliwan ng pag-ibig na ito ni Hesus! Siya na naninirahan sa kalangitan ay nakahiga sa dayami. Siya na pumupuno at nagtataguyod ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang presensya ay kumuha ng kalamnan ng tulad ng sa atin—nagkatawang-tao. Kaya nating buhatin sa ating mga bisig ang lumikha sa atin: ito ang dakilang misteryong inilalantad ng Pasko sa ating mga harapan.

Halina at tumingin, sabi sa atin; halina at tingnan ang hiwaga. Mga pastol at hari, mayaman at mahirap, makapangyarihan at mahihina ay nagtitipon-tipon sa paligid ng duyan. Tayo man ay nagnanais din na magpakalapit, upang tayo ay manikluhod sa harap ng walang kalaban-labang Sanggol, at upang pagmasdan sina Maria at Jose, na bagaman pagod ngunit masaya marahil nang higit pa kaninuman dito sa mundo. Hindi natin maipagwari ang ganito kadakilang misteryo. Sinuotan ng Diyos ang kanyang sarili ng ating laman.


GAYON NA LANG NATIN NAIS makapagpasalamat sa Diyos sa kanyang ginawa upang maging napakalapit, nahahawakan, may pagkamahina?

Nangangahas tayong halikan ang Hari ng sanlibutan, Siya na hindi maaaring igawa ng mga larawan ninoman sa Lumang Tipan, at ngayo’y naging isa sa atin. Adeste, fideles... Venite, adoremus... Tayo ay tinawag, ating nakita, at ngayo’y nagagalak ang ating puso: narito ang Batang Diyos. “Mga Kristiyano,” wika ni San Leon, Ang Dakila: “kilalanin ninyo ang inyong dangal. kayo ay ginawang isang kabahagi sa kalikasang maka-Diyos: huwag ninyong pakaalipustain ang inyong mga sarili sa dati ninyong kasamaan. Alalahanin ninyo kung kaninong ulo at katawan kayo ay kabahagi. Alalahanin na, kayo na pinigtas mula sa kapangyarihan ng kadiliman, kayo ay inilipat sa liwanag at sa kaharian ng Diyos.” [4] Ang Makapangyarihang Diyos ay ipinakilala sa atin bilang isang bagong silang na Sanggol sa yungib ng Belen. “Hindi pa man siya ipinanganganak sa tahanan ng kanyang mga magulang, kundi sa paparating pa lamang nang pagdaraanan, upang ipakita sa katotohanan na siya’y isinilang na tila sa hiniram lamang na oras sa kanyang pagkatao na kanyang kinuha.” [5]

“Sa tuwing sumasapit ang Pasko,” winika ni San Josemaría, “ikinalulugod kong pagmasdan ang mga paglalarawan ng Batang Hesus. Ang mga imaheng ito, na nagpapakita sa ating Panginoon na nagpapakumbaba ng sarili, ay nagpapaalala sa akin na tinatawag tayo ng Diyos, na ang Makapangyarihan ay naghangad na ipakita ang kanyang sarili bilang walang kakayahan, na nagnanais nang pangangailangan sa tao. Mula sa duyan sa Belen, sinasabi ni Kristo sa iyo at sa akin na kailangan niya tayo. Hinihimok niya tayong mamuhay bilang tunay na Kristiyano nang walang pasubali, na may pagpapakasakit ng sarili, pagtatrabaho, at kagalakan. Hindi natin makakamtan ang tunay na pagkamagalakin kung hindi natin tunay na pinagsusumikapang tularan si Hesus; kung hindi tayo, na tulad Niya, mapagpakumbaba. Inuulit ko: Nakita mo ba kung saan natatago ang kadakilaan ng Diyos? Sa sabsaban, sa lampin na damit, sa isang kuwadra. Ang mabisang mapanubos na uri ng ating buhay ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, sa pagtigil nang pag-iisip lamang sa ating mga sarili, at sa kabatiran ng tungkulin na tumulong sa iba.” [6]


SASAMBAHIN NATIN ANG ATING NATATAGONG DIYOS sa mga araw na ito, sa tuwing tayo ay lalapit upang halikan at lambingin ang Sanggol. Sino ang magkakamali na hindi lumapit sa Diyos, na magpakalapit sa Sanggol, ngayon na iniuunat Niya ang kanyang mga bisig sa atin, ngayon na kinakailangan Niya ang ating pag-aaruga! Sa mga araw na ito, ang ating mga isipan ay mapapatuon sa kanyang pagsilang. Tulad ng mga pastol na iniwan ang kanilang mga kawan, tayo’y mapagkumbabang lalapit sa sabsaban.

Ang mga araw na ito ay sadyang natatanging angkop para sa pagmumuni-muni at para sa buhay-pamilya. Maari tayong manalangin sa harap ng sabsaban at sambahin ang Diyos sa katahimikan. Napakaraming nadadalisay sa mga araw na ito, kung kailan napakasidhi ng ating mga gawa ng pagmamahal! “Panatilihin ninyo ang inyong Pasko bilang isang kapistahan ng tahanan,” winika ni Papa San Pablo VI, “si Kristo, sa kanyang pagdating sa mundo, ay pinabanal ang buhay ng tao sa kanyang pinakaunang yugto, ang pagiging bata. Pinabanal Niya ang pamilya, at lalo na ang pagiging ina. Pinabanal Niya ang tahanan, ang duyan ng mga pinakamalapit at pang-daigdigang likas na pagmamahalan (…). Sikapin ninyong ipagdiwang ang inyong Pasko, hanggat maaari, kasama ang inyong mga mahal sa buhay. Ipagkaloob ninyo ang handog ng inyong pagmamahal, ng inyong katapatan sa pamilyang pinagmulan ng inyong buhay.” [7]

Nakaharap sa sabsaban, kasama nina Maria at Jose, makikita natin na “Hindi ka mahal ng Diyos dahil ikaw ay nag-iisip at gumagawa sa tamang kaparaanan. Mahal ka niya, payak at simple lang. Ang kanyang pagmamahal ay walang pasubali; hindi ito nakasalalay sa iyo. Maaaring may mga namamali kang kaisipan, maaaring nagawa mong maging ganap na gulong-gulo ang iyong buhay, ngunit ang Panginoon ay patuloy kang minamahal. Gaano kadalas nating iniisip na mabait ang Diyos sa atin kung tayo’y mabuti at pinarurusahan tayo kapag tayo’y masama. Subalit hindi Siya ganoon. Sa lahat ng ating mga kasalanan, patuloy Niya tayong minamahal. Ang kanyang pag-ibig ay hindi nagbabago. Hindi ito pabagu-bago; ito’y matapat. Ito’y matiisin. Ito ang handog na ating matatagpuan sa Kapaskuhan. Ating matutuklasan nang may pagkamangha na ang Panginoon ay ganap na pabuya, ganap na malambing na pag-ibig. Ang kanyang kaluwalhatian ay hindi nakasisilaw sa atin; hindi tayo tinatakot ng kanyang presensya. Siya’y isinilang sa lubos na karukhaan upang mapanalunan Niya tayo sa pamamagitan ng kayamanan ng Kanyang pag-ibig.” [8] Sina Maria at San Jose ay ang ating unang pamilya na nais nating kasa-kasama na ipagdiwang ang bagong Kapaskuhang ito.