Pagninilay: Ika-18 ng Disyembre

Ilang mga pagninilay na makatutulong sa ating panalangin habang hinihintay natin ang pagdating ng Batang Hesus sa Pasko.

Ang mga paksa ay:

• San Jose, langit sa lupa

• Kanyang misyon kasama si Maria at ang Mesiyas

• Kasama nina Maria at Hesus, ang bawat paghihirap ay nalalampasan


"IKAW, SA BUHAY NA ITO, nakita mo na ang Diyos nang harapan." Ang mga salitang ito mula pa sa mga matatandang siglong lumipas na himnong Te Ioseph ay nagbibigay ng pagpapahayag sa ating mga damdamin kapag pinag-iisipan natin ang misyon ng banal na Patriyarka. [1] Maaari nating hilingin sa asawa ni Maria na turuan tayo na pagnilayan ang mukha ng Batang si Hesus at hanapin doon ang pag-ibig na iniaalok niya sa atin.

Ngunit ang kagalakan ni San Jose dito sa lupa ay hindi naliligtas sa mga anino: Bago pa sila nagsama, siya ay natagpuang nagdadalang-tao lalang ng Espiritu Santo (Mt 1:18). Agad namang tumugon si Jose sa katapatan ng isang tapat na lalaking puno ng pag-ibig sa Diyos, at nagpasiya siyang palihim na hiwalayan si Maria. Ang lahat sa pamilyang ito ay nasa paglilingkod sa banal na mga plano, ang katuparan ng kalooban ng Diyos. Mabigat ang dinanas na paghihirap ni San Jose. Hindi niya naiintindihan kung ano ang nangyayari, ngunit hindi niya kailanman pinag-alinlalanganan ang kanyang asawa o ang Diyos. Siya ay “napuspos ng banal na takot na mamuhay nang naaayon sa gayong kadakilang kabanalan.” [2] Isang anghel ang ipinadala upang hikayatin siyang baguhin ang kanyang pasya at ipakita sa kanya ang kanyang bahaging gagampanan sa gitna ng kanyang pagkamangha sa mga nangyayari: “Jose, na anak ni David, huwag kang mangambang tanggapin si Maria na iyong asawa, sapagkat ang ipinaglihi niya ay lalang ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki na tatawagin mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mt 1:20-21).

Madaling isipin ang kagalakan ni Jose sa magkatambal na pahayag na ito. Ang Mesiyas ay nasa lupa na at dapat niyang bantayan ang Bata at ang kanyang pinagpalang Ina. Ang kanyang kaligayahan sa pagbawi kay Maria ay kaisa ng kanyang napakalaking kagalakan sa pagkaalam na sa wakas ay dumating na ang oras. Para sa isang anak ni David, ang balitang ito ang pinakahihintay ng lahat. Ang Tagapagligtas ay nasa kanila na. Hindi kailanman pinangarap ni Jose ang ganoong kadakila at hindi karapat-dapat na kapalaran. Ang kanyang puso ay napuno ng kagalakan, bagaman hindi pa rin siya nakatitiyak kung paano mangyayari ang lahat ng ito.


BAGO matanggap ang pahayag ng anghel, ang Banal na Patriyarka ay “sinusunod ang isang magandang plano para sa kanyang buhay, ngunit ang Diyos ay naglalaan ng naiibang plano para sa kanya, isang higit na malaking misyon. Si Jose ay isang taong laging nakikinig sa tinig ng Diyos; siya ay may matalas na pakiramdam sa kanyang lihim na kalooban, siya ay isang taong nakikinig sa mga mensahe na dumating sa kanya mula sa kaibuturan ng kanyang puso at mula sa kaitaasan… sa gayon si Jose ay higit na naging malaya at higit na naging dakila. Sa kanyang pagtanggap sa kanyang sarili nang naaayon sa disenyo ng Diyos, ganap na natagpuan ni Jose ang kanyang sarili, nang ibayo pa sa kanyang sarili. Ang kanyang kalayaan na talikuran ang kahit ano para sa kanyang sarili, ang pagmamay-ari ng kanyang mismong sariling buhay, at ang kanyang buong panloob na kahandaan sa kalooban ng Diyos ay humahamon sa atin at nagtuturo sa atin ng daan.” [3]

Si Jose marahil ay malamang na tumakbo upang ibalita sa kanyang asawa kung ano ang ipinahayag sa kanya. Hiniling kay Jose na tanggapin si Maria at ang Bata sa kanyang tahanan. Para bang humingi ng pahintulot ang Diyos kay Jose upang makapasok sa mundo. Tayo man ay nagnanais din na tanggapin ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos sa ating sariling tahanan, sa ating puso. Hindi ipinagpipilitan ni Hesus ang kanyang sarili bagkus ay dumarating na humihingi ng puwang sa ating buhay. Hinihiling niya sa atin na bigyan siya ng kanlungan at ialok sa kanya ang ating pakikipag-isa.

Hiniling ng Diyos kay San Jose na tanggapin sa kanyang tahanan ang dalawang pinakamahalagang buhay na namuhay sa mundo. Ang asawa ni Maria ay may buong kalugurang tinanggap ang regalong iniaalok sa kanya at ipinakita ng Diyos na hindi niya kailanman ipahihintulot sa kanyang sarili na siya ay madaig sa kabutihang-loob. Patuloy din niyang iniaalok ang kanyang mga regalo sa atin, malaki at maliit, at hinihiling sa atin na bigyan ng puwang doon sina Jesus at ang kanyang ina.

Napuno ng kagalakan si Santo Josemaría nang pagnilayan niya ang pagiging simple ng banal na Patriyarka: "Napakaganda ni San Jose! Siya ang santo ng walang pag-iimbot na pagpapakumbaba - na may taglay na pamalagiang ngiti at kibit-balikat." [4]


MALAMANG na madalas na nagninilay si San Jose sa dakilang kaloob na makasama niya sa ilalim ng iisang bubong sina Jesus at Maria, at tiyak na nadama niya ang katangi-tanging pagpapala. Ang makita niya sina Maria at Hesus sa tabi niya, ay napagtanto niya sa bawat sandali kung gaano kahalaga ang kanyang misyon sa buhay. At madalas nilang sabihin sa kanya kung gaano siya kabuting ama.

Ngunit kailangan niyang harapin ang maraming mahihirap na sandali, lalo na noong araw na nanatiling naiwan si Jesus sa Templo nang hindi nagpapaalam sa kanila. "Itong kaganapan na ito sa Ebanghelyo ay nagpapahayag ng pinaka-tunay at malalim na bokasyon ng pamilya: na ang nais sabihin ay, ang samahan ang bawat kasapi nito sa landas ng pagkatuklas sa Diyos at sa planong inihanda niya para sa kanila. Nagturo sina Maria at Jose kay Jesus na pangunahin ang pamamagitan ng kanilang halimbawa: sa kanyang mga magulang ay nalaman niya ang buong kagandahan ng pananampalataya, ang pag-ibig sa Diyos at para sa kanyang Batas, gayundin ang mga hinihingi ng ganap na katarungan na ganap na natutupad sa pag-ibig (cf. Roma 13:10). Mula sa kanila ay natutuhan niya na kailangan una sa lahat na gawin ang kalooban ng Diyos, at ang espirituwal na bigkis ay higit na mahalaga kaysa sa buklod ng pagkakamag-anak.” [5] Nang matagpuan ng kaniyang mga magulang si Jesus pagkaraan ng tatlong araw, nagkaroon din ng kapanatagan ang kalooban ni Jose na matanto na hindi rin ito naunawaan ni Maria. Ang pagiging nasa tabi niya si Maria ay ang kasagutan sa lahat ng kanyang mga pag-aalinlangan at kawalan ng katiyakan. Ang pagiging kasa-kasama si Maria ang lahat ay nagiging higit na madali.

Ano pa ang mahihiling ng isang tao sa lupa? Ang pagtanggap ng gayong katangi-tanging pagmamahal mula sa isang nilalang na tulad ni Maria at ang pagkakaroon niya ng isang pamalagiang katabi ay para na ring nasa langit. Ano ang pagkakaiba nito kung siya man ay naglalakad sa disyerto na tumatakas kasama ang kanyang pamilya patungo sa Ehipto o nagtatrabaho araw-araw sa pagawaan sa Nazareth. Ang ngiti ni Maria ang nagbibigay tamis sa lahat.

Hinihiling natin sa Diyos na nawa ay tanggapin natin ang kanyang pag-ibig tulad ng ginawa nina Maria at Jose. Gaya ng sinabi ni Papa Francisco noong gabi ng Pasko: "Kung ang iyong mga kamay ay tila walang laman, kung sa tingin mo ang iyong puso ay dukha sa pag-ibig, ang gabing ito ay para sa iyo. Ang grasya ng Diyos ay nagpakita, upang magningning sa iyong buhay. Tanggapin mo ito at ang liwanag ng Pasko ay sisikat sa iyo." [6]


[1] Tu vivens, Superis par, frueris Deo. Ang himnong ito ay ginagamit sa Panggabing Panalangin (Vespers) para sa Kabanal-banalang Kapistahan ni San Jose at sa Kapistahan ng Pag-alaala para kay San Jose, Ang Manggagawa.

[2] Santo Thomas Aquinas, Commentary on the Sentences of Peter Lombard, Bk. 4, d. 30, q. 2, a. 2, ad 5.

[3] Papa Francisco, Angelus, 22 December 2013.

[4] Cf. Andres Vázquez de Prada, The Founder of Opus Dei, Vol. III, p. 526, note 170.

[5] Papa Benedict XVI, Angelus, December 31, 2006.

[6] Papa Francisco, Homilya, 24 December 2019.