Pagninilay: 1 ng Enero, Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos

Ilang mga pagninilay na makapagpapayabong sa ating panalangin sa kapistahan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos.

Ang mga paksa ay:

  • Pagninilay kay Maria
  • Ang Pagiging Ina ni Maria
  • Pagtanggap kay Jesus kagaya ng ginawa ni Maria

IPINAKIKITA SA ATIN NG EBANGHELYO sa Kapistahang ito ang mga pastol na nagmamadali sa paghahanap sa Sanggol at sa pagkilala sa Kaniya gaya ng ipinahayag ng mga anghel. Puno ang ebanghelyo ng mga salita ng pagtataka at pagkamangha: upang humanga, magpuri, magpasalamat, at magnilay. Nagpapahayag ang Kapaskuhan ng ganitong mga damdamin sa atin. Pagnilayan din natin nang buong pananabik ang lahat nang nagaganap sa sabsaban upang malasap ang Pag-ibig na nais ibuhos ng Diyos sa ating mga puso. Ngayon, ginagawa natin ito, malapit sa piling ng Ina ng Diyos, na siya rin nating ina.

“Aba, Mahal na Ina, na nagluwal sa Haring namamahala sa langit at lupa magpakailanman” [1] Nagsimula na ang katubusan ng sanlibutan. Si Maria ang pinili ng Hari ng sansinukob upang maging Kaniyang ina. Isa itong misteryong mahirap unawain ng ating isipan, ni ang maging bahagi ng ating mga abang plano. Nais ng Diyos na panaligan ang “oo” ng isang dalaga. Hindi itinanong ng Mahal na Birhen kung bakit siya ang napili. Para sa kaniya, sapat nang malamang iyon ang kalooban ng Diyos. Tulad ng ipinahayag ni San Josemaría sa kaniyang panalangin: “Aming Ginang at Ina, nais ng Diyos na ikaw mismo ang mag-alaga at mag-ingat sa Sanggol sa iyong kandungan. Ituro mo sa akin, ituro mo sa aming lahat, kung paano arugain ang iyong Anak!” [2] 

Pinalaganap ni Maria ang ganitong damdamin ng paghanga sa kaniyang paligid, sa mga sabsaban noon at ngayon. Ang lahat nang nakikita niya ay nagtutulak sa kaniya upang magpasalamat. Hindi siya tumitigil upang tingnan ang sarili, ang mga problema, o mga kahirapan. Kinalulugdan niya ang pagdalaw ng mga pastol, ang pagmamahal ng kaniyang asawa, at ang bituing saksi sa dakilang misteryo nang gabing yaon. At nakikibahagi sa kagalakan ang lahat sa kaniyang paligid. Si Maria ang pinakamainam na halimbawang ginagawa ng Diyos sa mga taong napasasakop sa Kaniyang pag-ibig.


“O DIYOS, SA PAMAMAGITAN NG MABIYAYANG PAGKABIRHEN ng Pinagpalang Maria, ipinagkaloob sa sangkatauhan ang biyaya ng walang hanggang kaligtasan. Ipagkaloob Mo, hinihiling namin, maranasan nawa namin ang kaniyang pamamagitan, at maging karapat-dapat naming tanggapin ang Lumikha ng buhay.” [3] Ito ang Pambungad na Panalangin sa Misa ngayon. Maaari nating itanong sa ating sarili: Ano ang ibig sabihin para sa akin na tawagin si Maria na Ina ng Diyos? Paano ko ito nararanasan sa aking sarili? Ayon kay Papa Francisco: “Nauuna sa atin ang Ina ng Manunubos at patuloy na pinalalakas tayo sa pananampalataya, sa ating bokasyon, at sa ating misyon. Sa kaniyang halimbawa ng kababaang-loob at pagiging bukas sa kalooban ng Diyos, tinutulungan niya tayong ilarawan nang walang pag-aalinlangan ang ating pananampalataya sa isang masayang pagpapahayag ng Ebanghelyo para sa lahat. Sa ganitong paraan, ang ating misyon ay magiging mabunga, sapagkat ito ang itinuturo ng pagiging ina ni Maria.” [4] 

Ang ating ugnayan sa Diyos ay hinuhubog ayon sa buhay-panalangin ni Maria. At siya ay handang tumulong sa atin, “sapagkat ang Banal na Santatlo, sa pagpili kay Maria bilang Ina ni Kristo, isang Tao na tulad natin, ay naglalagay sa atin sa ilalim ng kaniyang makainang pangangalaga. Siya ang Ina ng Diyos at ating Ina.” [5] Sa gitna ng pagkamangha, maaari rin nating itanong kung paano tayo naging karapat-dapat sa kabanalan tulad ng sa Ina ng Diyos: “Paano natin Siya iibigin nang buong puso at kaluluwa, kung mula sa malayo ay bahagya lamang Siyang masilayan ng ating puso, kapag itinatago sa atin ang Kaniyang mukha ng napakaraming balakid sa mundo? 

Hindi na Siya malayo. Hindi na Siya banyaga. Hindi na Siya imposibleng maaabot ng ating puso. Siya ay naging Sanggol para sa atin, at sa gayon ay napawi ang lahat ng pag-aalinlangan … Para sa atin, ang Diyos ay naging isang kaloob. Ibinigay Niya ang Kaniyang sarili. Ang Pasko ay naging kapistahan ng mga handog, bilang pagtulad sa Diyos na nag-alay ng Kaniyang sarili [6] Kung tatanggapin natin ang kaloob na ito, kung hahayaan nating ipagkaloob sa atin ng Panginoon ang Kaniyang buhay, tayo rin ay magiging handog para sa kapuwa. Tayo’y magiging handog para sa Diyos at sa mga nasa paligid natin.


MASAYANG UMAAWIT ANG MGA ANGHEL sa kababalaghang ito. Namangha rin sila na isang babae ang nagsilang sa Anak ng Diyos. Napuno sila ng kagalakan at inawit ang unang awiting pamasko sa kasaysayan: “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya” (Lc 2:14). Habang inaawit nila ang masayang himig, sila ay napupuno ng pagkamangha habang minamasdan sina Maria, ang Sanggol, at ang Diyos Ama. Nananatiling tahimik ang ating mga kaluluwa at natutuklasan natin sa sabsaban kung ano ang nakalulugod sa Diyos, kung ano ang pumupukaw sa Kaniyang Puso. Patakbo tayong lumapit ngunit ngayo’y may panahon tayong huminga nang maluwag. Tila pinaghehele ng awit ng mga anghel si Jesus upang maidlip at upang salubungin tayo.

Madalas na itinuturo ng karanasan na hindi natin kayang gawin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng bagay. Gayunman, sa tulong ng Mahal na Birhen, maaari nating ingatan ang Kaniyang Salita at pagnilayan ito sa ating mga puso. Kaya nating gawin ito. Sa gayon, makatitiyak tayo na matutupad natin ang lahat ng sinabi ng Diyos sa atin. Magkakatawang-tao sa ating buhay ang Kaniyang Salita at dadaloy sa ating mga ugat ang Kaniyang Dugo. Tulad ng sinabi ni San Bernardo: “Mismong ang Anak ng Diyos ay tumanggap mula kay Maria ng sangkap ng laman ng tao, upang walang sinuman ang mawaglit sa init ng Kaniyang pag-ibig.” [7]

Sa malamig na gabing ito, nais nating damhin ang init ng sabsaban. Huwag nating hayaang pumasok ang dilim at lamig sa ating kaluluwa. Nais nating tanggapin si Jesus nang may ganap na kadalisayan, kababaang-loob, at debosyon gaya ng ginawa ng ating Ina. Tanggapin natin nang buong grasya at kagalakan ang Kaniyang Salita upang katulad niya ay maikalat din ito sa buong daigdig.


[1] Pagdiriwang ng Mahal na Birhen, Ina ng Diyos, Antifona sa Pasok.

[2] San Josemaría, The Forge, 84.

[3] Pagdiriwang ng Mahal na Birhen, Ina ng Diyos, Pambungad na Panalangin

[4] Papa Francisco, Homiliya, 1 Enero 2014.

[5] San Josemaría, Friends of God, 275.

[6] Papa Benedikto XVI, Homiliya, 24 Disyembre 2006.

[7] San Bernardo, Homiliya sa Oktaba ng Pag-aakyat, 2.