Mga Pagninilay: Pagbibinyag ng Panginoon

Ilang pagninilay na makatutulong sa ating panalangin sa kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon.

Ang mga paksa:

  • Pagiging saksi kay Kristo, gaya ni Juan
  • Isang maingat na apostolado, isa-isa
  • Paghahasik sa pamamagitan ng ating pakikipagkaiban


KINABUKASAN, nakita (ni Juan) si Jesus na lumalapit sa kaniya
(Jn 1:29). Lumapit ang Panginoon kay Juan kagaya ng napakaraming tao, kasama ng libo-libong nagmula sa iba’t ibang lugar. “Si Jesukristo, na Hukom ng mga makasalanan, ay pumarito upang mabinyagan kasama ng mga alipin.” [1] Para sa karamihan, ang karpintero mula sa Nazaret ay isa lamang sa kanila. Ngunit sa tingin ni Juan ay natuklasan niya sa taong ito ang Anak ng Diyos, kaya’t nag-aatubili siyang bautismuhan Siya. Ako ang kailangang bautismuhan mo, at ikaw pa ang lalapit sa akin? (Mt 3:14). 

Nagpumilit si Jesus, at sa huli ay pumayag na rin si Juan. At nang mabinyagan si Jesus, pag-ahon Niya mula sa tubig, bumukas ang langit at nakita Niya ang Espiritu ng Diyos na bumababa na tulad ng isang kalapati at lumalapag sa Kaniya; at may tinig mula sa langit: “Ito ang aking minamahal na Anak, na lubos kong kinalulugdan. (Mt 3:16). Sinabi ni San Juan Pablo II: “Tinapos ng pangangaral ni Juan ang mahabang paghahanda na tumawid sa buong Lumang Tipan at, masasabi natin, sa buong kasaysayan ng sangkatauhan na isinalaysay sa Banal na Kasulatan. 

Nadama ni Juan ang kadakilaan ng sandaling iyon na ipinakahulugan niya bilang simula ng isang bagong paglikha, kung saan natuklasan niya ang presensya ng Espiritu na nangingibabaw sa unang paglikha (cf. Jn 1:32; Gen 1:2). Alam niya at inamin, na siya ay isang tagapagbalita lamang, tagapanguna at lingkod ng Isang Darating na ‘magbabautismo sa Espiritu Santo.’” [2] Ilang araw pagkatapos nito, dumating kay Juan ang isang natatanging pangkat. 

Sinulat ni San Josemaría: “Naalala mo ba ang mga tagpo na ikinuwento sa Ebanghelyo ng pangangaral ni Juan Bautista? Napakaraming haka-haka noon! Siya ba ang Kristo ? Si Elias ba siya? Siya ba ay isang Propeta? Dahil sa mga usap-usapan ay nagsugo ang mga Judio ng mga pari at Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, ‘Sino ka?’ (Jn 1:19).” [3] Sumagot si Juan: “Nagbabautismo ako sa tubig; ngunit sa gitna ninyo ay may isang hindi ninyo kilala – Siya na darating pagkatapos ko, na hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng Kaniyang sandalyas.” (Jn 1:26–27). Sa atin din, ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Sarili, nang ipakita Niya sa atin – sa liwanag ng Espiritu Santo, na Siya ay nasa tabi natin sa paglalakbay sa buhay na ito. At tulad kay Juan, hiniling Niya sa atin na maging saksi Niya.


ANG BUONG BUHAY ni Juan Bautista ay ginugol sa paghihintay—paghahanda ng kaniyang puso at mga puso ng iba para sa pagdating ng Manunubos. Siya ang tinig na sumisigaw sa ilang: “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, gumawa kayo ng tuwid na landas para sa Kaniya” (Mt 3:3). Ngayon, lubos ang kagalakan ni Juan dahil dumating na ang Panginoon; kaya’t maipapahayag niya: “Ito ang aking sinasabing darating pagkatapos ko, na higit sa akin sapagkat Siya ay una pa kaysa sa akin.” (Jn 1:30). Hindi gaanong naiiba ang ating tungkulin sa kay Juan. “Maaaring paulit-ulit na mabanggit ang mga salitang iyon mula sa Ebanghelyo […] nang ilarawan ng ebanghelista ang pangangaral ni Juan na Tagapagbinyag. 

Nagkaroon ng kaguluhan. Siya ba ang Kristo, si Elias, o isang propeta? Napakaraming haka-haka ang kumakalat kaya nagpadala ang mga Hudyo ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, 'Sino ka?' (Jn 1:19). At sumagot si Juan, ako'y nagbibinyag sa tubig; ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo kilala (Jn 1:26). Nang walang anumang pagpapakitang-gilas, sa paraang tunay na natural na tila hindi-pangkaraniwan, ipinakikita ni Kristo ang sarili sa iyong buhay at sa iyong salita upang akitin sa pananampalataya at pag-ibig ang may kakaunti o walang alam tungkol sa Pananampalataya o Pag-ibig." [4] Nagpatotoo si Juan tungkol kay Jesus; ilang araw bago iyon, ipinahayag niya na hindi siya ang Mesiyas, at ang Kristo ay darating pa. Pagkatapos, mula sa malapit niyang mga alagad, ipinahayag niya: “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Jn 1:29). Isa itong personal na misyon mula sa isang tao tungo sa iba, bilang paghahanda sa mga puso ng mga tagapakinig upang marinig ang tawag ng Diyos. Sa isa pang pagkakataon, tuwirang tinukoy ni Juan si Jesus kina Juan at Andres: Kinabukasan, naroon na naman si Juan kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. Nang makita niyng dumaraan si Jesus, sinabi niya, 'Narito ang Kordero ng Diyos!' Narinig ito ng dalawang alagad, at sumunod sila kay Jesus (Jn 1:35–37). Kahanga-hanga ang kaniyang patotoo. Ang mga salita ni Juan Bautiista ang naghanda sa unang dalawang bokasyon ng mga apostol. Pagkatapos, dinala naman nina Andres at Juan ang iba.

Madali nating maalala ang mga salita ni San Josemaría tungkol sa apostolado ng mga Kristiyano sa mundo: “Hindi ka nila kilala, ngunit sa bawat sulok ng mundo, si Kristo’y natatagpuan ng mga kasama at kaibigan sa iyong mga kapatid at sa iyo; at sila naman ay nagdadala kay Kristo sa ibang mga puso, sa ibang mga isipan. Ikaw si Kristo na dumaraan sa lansangan; ngunit dapat mong lakaran ang nilakaran Niya.” [5]


MARAMING TAO ang nagpunta sa Jordan upang makinig at magpabinyag kay Juan. Ang kaniyang salita ay may dalang liwanag para sa lahat, at inihahanda niya sila upang tanggapin ang Panginoon. Ngunit mayroon din siyang maliit na pangkat ng mga alagad na kaniyang hinubog sa pamamagitan ng maalab at tuwirang pakikipag-usap. Mula sa grupong iyon lumitaw ang mga unang alagad ng Panginoon.

Marami rin tayo nakikilalang tao at kung minsan, maaari tayong magpahayag sa karamihan sa maraming paraan. Ngunit ang tinawag ni San Josemaría na “apostolado ng pagkakaibigan at pagtitiwala” ay partikular na angkop para sa pagpapalaganap ng mensahe ni Kristo. Ganito niya ito inilarawan: “Kailangan mong ilapit ang mga kaluluwa sa Diyos sa pamamagitan ng angkop na salita, yaong gigising sa kanilang misyong apostoliko; sa iyong mahinahong payo na tumutulong sa kanila na tingnan ang isang problema sa Kristiyanong paraan, sa isang mabuting pag-uusap na nagtuturo kung paano mamuhay nang may pag-ibig… Ngunit higit sa lahat, kailangan mong akitin ang iba sa pamamagitan ng integridad ng iyong buhay, kasama ng iyong kapuwa, sa pamamagitan ng mapagpakumbaba ngunit masigasig na pakikipamuhay, nagpapakita sa ating mga gawa ng ganap na pananampalataya. Ito, sa tulong ng Diyos, ang magiging dahilan ng ating pagiging epektibo.” [6]

Ang Kristiyanong apostolado ay paglilingkod, pagpapalaganap ng kabutihan, pagkakaibigan; tunay na malasakit sa iba, na pinupukaw ng pag-ibig, upang maipasa natin ang kaligayahang nananahan sa ating sariling buhay. Ang mga layko, sa partikular, ay tinatawag tungo sa “malaya at responsableng pagkilos sa mundo, na dinadala roon ang “pagpapayabong ng Kristiyanismo.” [7] Tunay na malawak ang larangan sa ating harapan.

Maaari nating gabayan ang mga taong pinakamalapit sa atin sa pagkalinga ng ating Mahal na Ina. Hinihiling din natin sa kaniya na ipagkaloob sa atin ang biyayang kailangan upang maihasik ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng ating pakikipagkaibigan. “Maghasik ka,” sabi ni San Josemaría. “Tinitiyak ko sa iyo ang bunga, sa ngalan ng Panginoon: na magkakaroon ng ani.” [8]


[1] San Juan Crisostomo, Mga Homilia sa Ebanghelyo ni San Mateo, 12, 1
[2] San Juan Pablo II, Pankalahatang Madla, Hulyo 11, 1990
[3] San Josemaría, Sulat, Marso 24, 1939
[4] San Josemaría, Sulat, Agosto 15, 1953, blg. 11
[5] San Josemaría, Mga tala mula sa isang pagpupulong ng pamilya, Enero 9, 1969
[6] San Josemaría, Sulat, Marso 24, 1930, blg. 11
[7] San Josemaría, Conversations, blg. 59
[8] San Josemaría, Sulat, Marso 24, 1939