Ang mga paksa ay:
- Natutong maging mapagpakumbaba si San Pedro
- Pagpapakumbaba upang sundan si Kristo
- Pag-asa sa lakas ng Diyos
“IAALAY mo ang buhay mo alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa” (Jn 13:38). Ang Ebanghelyo ngayong araw ay nagpapahayag ng mangyayaring pagtatatwa ni San Pedro. Sa tagpo ng Huling Hapunan na ramdam ang matalik nilang samahan, nagulat si Pedro sa sinabi ni Hesus. Hindi niya lubos na maunawaan kung paano niya ito magagawa. Nais niyang maging tapat hanggang kamatayan at hindi kailanman papayag na ipagkanulo ang kanyang Panginoon upang ipako sa Krus. Dati nang pinagsabihan siya ni Hesus nang hindi niya matanggap ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanyang pagdurusa at kamatayan. Ngunit hindi pa rin niya matanggap ang tila pagkawalang saysay ng mga ginawa ni Hesus.
Ayon sa liturhiya ngayong linggo: "Papalapit na ang mga araw ng kanyang mapagligtas na Pagpapakasakit at maluwalhating Muling Pagkabuhay, kung kailan tinalo ang kapalaluan ng sinaunang kaaway at ipinagdiriwang ang misteryo ng ating kaligtasan kay Kristo." [1] Sa kanyang sariling pananaw, iniisip ni San Pedro na handa siyang ialay ang kanyang buhay para kay Hesus. Sa katunayan, hinugot niya ang kanyang espada nang hulihin si Hesus at hinarap ang mga sundalo. Hindi siya kulang sa tapang o pagmamahal kay Hesus, ngunit matututuhan niyang hindi ito sapat. Kailangan niya ng kababaang-loob na nagmumula sa pagkilala sa sarili at higit sa lahat, sa pagkilala sa Diyos.
Patuloy na hinubog ni Hesus si Pedro hanggang sa huli. Ang mga aral na ito ang pinakamahalaga sa kanyang buhay. Hindi siya magiging matibay na bato dahil sa kanyang lakas, kundi dahil sa kababaang-loob na natutunan niya sa malalim na pagkilala kay Hesus. Kailangan niyang maranasan ang kakulangan ng kanyang sariling lakas upang mapagtanto na ang Diyos ang siyang magpapatatag sa kanya.
Kasabay ng pahayag ni Hesus tungkol sa pagtatatwa ni Pedro ay ang pagpapaalam ng pagtataksil ni Judas na nagpapakita ng malaking pagkakaiba ng dalawa. Ibinigay ni Pedro ang kanyang kahinaan sa kamay ni Hesus. Natutunan niyang huwag magtiwala sa kanyang sariling kakayahan kundi sa kabutihan ng Diyos, sa Kanyang banal na kalooban, sa kung paano Niya nais mangyari ang lahat. Hindi niya niloko si Hesus nang ipahayag niyang magiging tapat siya hanggang kamatayan. Subalit, labis siyang umasa sa kanyang sariling lakas, sa kaniyang sariling kakayahan. Samantalang si Hudas, hindi kailanman inamin ang kanyang pagtataksil at palaging nagkukubli sa pagpapanggap. Si Pedro, kahit hindi iniisip ang panlabas na anyo niya kapag kasama si Kristo, natalo pa rin ng takot nang tanungin ng isang alipin sa bahay ng Mataas na Pari.
Maaaring nakatulong kay Pedro ang mga salitang ito ni San Agustin: "Hanapin mo ang iyong mga kabutihan, ang iyong pagiging matuwid, ang mga dahilan ng iyong ginagawa; at tingnan mo kung may makikita kang hindi biyaya ng Diyos." [2] Akala ni San Pedro na malaki na ang kanyang pagmamahal kay Hesus upang harapin ang anumang pagsubok. Higit na madali para sa kanya ang maging matapat at harapin ang] mga sundalo kaysa sa sagutin ang isang alipin. Winasak ng alila ang tiwala ni Pedro sa kanyang sarili, ngunit ito ang kalayaang kinailangan niya. Natutunan niyang ibaba ang kanyang sarili upang masundan si Kristo nang higit na malapit. Nang malaya na siya mula sa kanyang sariling ambisyon, nagawa niyang sundin ang kalooban ng Diyos at maging matapat.
Sinabi ni San Bernardo: "Huwag mong isipin, ikaw na isang tao, kung ano ang tiniis mo, kundi kung ano ang tiniis Niya. Matutunan mo mula sa lahat ng kanyang paghihirap para sa iyo kung gaano ka kahalaga sa Kanya at ang Kanyang kabutihan ay mauunawaan mo sa Kanyang pagiging tao. Mas pinaliit niya ang kanyang sarili sa kanyang pagiging tao, mas ipinakita niya ang kanyang kabutihan; at sa pagpapakumbaba niya para sa akin, lalo siyang naging mahalaga sa akin." [3]
“MADALAS nating iniisip na umaasa lamang ang Diyos sa ating pinakamahuhusay na katangian, ngunit karamihan sa kanyang mga balak ay natutupad sa kabila ng ating kahinaan … Ipinapakita sa atin ng kasamaan ang ating kahinaan at hinahatulan niya tayo; samantalang ang Espiritu Santo ay ipinapakita ito sa atin nang may pagmamahal. Ang malambot na puso ang pinakamahusay na paraan upang hipuin ang ating kahinaan … Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng paniniwalang maaari Siyang kumilos kahit sa ating mga takot, kahinaan, at pagkukulang. Itinuturo rin Niya sa atin na sa gitna ng mga bagyo ng buhay, huwag tayong matakot na ipaubaya sa Panginoon ang pagtahak natin sa ating landas. Kung minsan ibig nating tayo ang may hawak ng buhay natin, ngunit ang Diyos ang nakakakita ng kabuuan ng lahat ng bagay”. [4]
Napupuno tayo ng kapayapaan sa pagkaalam na nais ng Diyos na magtiwala tayo sa Kanya at sa ating mabubuting katangian, na Kanyang kaloob. Si San Pedro ay isang magandang halimbawa para sa atin. Nagdudulot ito ng kapanatagan sa ating puso na malaman na maaari tayong umasa sa ating kakayahan -marami man o iilan- hangga’t nauunawaan nating ang Diyos ang siyang magpapalago nito. Napakasaya na ating matuklasan na hindi natin kailangang umasa lamang sa ating sarili sa misyong ipinagkatiwala sa atin, na tunay na napakalaki para sa atin! Namamangha at nagpapasalamat tayo kung gaano tayo kamahal ng Diyos na ipinakikita sa Kanyang paggawa ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng ating maliit na naitutulong.
Sinabi ni Santa Teresita ng Batang Hesus: "Nauunawaan ko kung bakit bumagsak si San Pedro. Kawawang Pedro, umasa siya sa kanyang sarili sa halip na sa lakas ng Diyos … natitiyak ko kung sinabi lang niya kay Hesus: ‘Bigyan Mo ako ng biyaya, pakiusap ko sa Iyo, na sundan Ka hanggang kamatayan,’ tiyak na natanggap niya ito agad … Bago pamunuan ang Simbahan na puno ng mga makasalanan, kailangan niyang maranasan ang kanyang sariling kahinaan upang matutunan kung ano ang magagawa ng tao nang walang tulong ng Diyos." [5}
Matapos matutunan ang aral na ito, nagawa ni San Pedro na ialay ang lahat ng kanyang kakayahan sa paglilingkod sa kaligtasan ng mundo, sapagkat batid niyang ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos at ipinagkatiwala niya ang lahat sa Kanyang kapangyarihan. Tulad ng sinabi ni San Josemaría: “Kapag buong-pusong sinabi nating ‘Oo’ sa ating Panginoon, na tayo’y magiging tapat sa Kanya at handang magsakripisyo, sasabihin din natin: 'Hesus, sa Iyong biyaya; Mahal na Ina, sa Iyong tulong. Ako’y napakahina. Napakaraming pagkakamali ko, kaya nakikita kong kaya kong gumawa ng malalaking pagkakamali kung iiwan Mo ako!'” [6]
[1] Prepasyo II ng Paghihirap ng Panginoon, na ginagamit tuwing Lunes, Martes, at Miyerkules ng Mahal na Araw.
[2] San Agustin, Homiliya 185.
[3] San Bernardo, Homiliya 1 sa Epipanya ng Panginoon, 1-2.
[4] Francisco, Apostolikong Sulat na Patris corde, blg. 2.
[5] Santa Teresita ng Bata Hesus, 7 Agosto 1897.
[6] San Josemaría, Mga Liham 2, blg. 32b.
