Pagninilay: Lunes ng Semana Santa

Ang mga paksa ay:

  • Iniaalay ni Maria ng Betania kay Hesus ang kanyang pinakamahalagang pag-aari
  • Ang halimbawa ng ating pamumuhay ay maaaring magdala ng “kaaya-ayang amoy ng” Kristo sa mundo
  • Ang pag-iingat kay Hesus na nasa Tabernakulo

ANIM NA ARAW bago ang Paskuwa, dumating si Hesus sa Betania, kung saan naroon si Lazaro, na binuhay niyang muli mula sa pagkamatay." Ramdam ni Hesus ang pagiging tahanan ng lugar na ito kasama ang kanyang mga kaibigan, napapaligiran ng kanilang pagmamahal. Madalas na siyang nagpupunta sa Betania, ngunit sa pagkakataong ito ay higit na taimtim ang kapaligiran. Siya ay papunta sa Herusalem, kung saan alam niyang naghihintay sa kanya ang Krus. "Ipinaghanda siya ng hapunan doon. Nagsilbi si Marta at kabilang naman sa hapag ay si Lazaro. Kinuha ni Maria ang isang librang mamahaling pabango mula sa purong nardo at ipinahid sa mga paa ni Hesus at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok, at napuno ng halimuyak ng pabango ang kabahayan” (Jn 12:1-3). Alam ng lahat na hinahanap ng mga pinuno ng (relihiyon) [mga Hudyo] ang pagkakataon upang dakipin si Hesus. Ang pagmamahal ni Maria ang dahilan na nararamdaman niya ang mangyayari kay Hesus. Kaya nais niyang gawin ang isang hindi pangkaraniwang bagay para sa kanyang Panginoon, upang ipakita ang kanyang pagmamahal. Kinuha niya ang kanyang pinakamahalagang pag-aari, ang mamahaling pabango ng purong nardo, at ibinuhos ito sa mga paa ni Hesus. Binasag niya ang bote, ibinigay niya ang lahat sa kanyang Diyos at Panginoon.

Ang ilan sa mga naroroon ay galit na sinabing tila walang saysay ang ginawa niyang ito. Alam natin na si Hudas Iskariote ay isa rin sa mga bumatikos dito, hindi dahil nais niyang gamitin ito sa mas mabuting paraan, kundi marahil dahil hindi ito tugma sa kanyang sariling pamumuhay. Ngunit si Maria ay nanatiling tahimik. Hindi niya pinansin ang mga puna sa kaniyang ginawa. Ang tanging nais niya ay ang iparamdam kay Hesus na siya ay nasa sarili niyang tahanan, kaya naman nagsalita si Hesus upang ipagtanggol siya.

"Iniaalay ni Maria kay Hesus ang pinakamahalagang bagay na mayroon siya, isang pagpapakita ng malalim na debosyon. Ang pagmamahal ay hindi nagtatantya, hindi sumusukat, hindi nag-aalala sa halaga, hindi nagtatakda ng hangganan, kundi nagbibigay ng may kagalakan; ito ay naghahangad lamang ng kabutihan ng iba, sinusupil ang kasamaan ng ugali, ang pagpapalaki ng maliliit na bagay, ang sama ng loob, at makitid na pag-iisip] na madalas nating taglay sa ating puso." [1]


ANG SINUMANG NAG-AALAY NG LAHAT sa Dios ay nagiging handog din para sa iba. Sa kabaligtaran, ang sinumang labis na naninimbang sa harap ng tawag ni Kristo ay nagiging tuso rin sa iba. Kapag tunay ang ating ‘Oo’ sa ating Panginoon, dinadala natin sa iba "ang kaaya-ayang amoy ng Kristo" (cf. 2 Cor 2:15). Tulad sa Betania, masasabi nating "napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay" (Jn 12:3). Kaya ang ating buhay, na ginagabayan ng lakas ng Diyos, ay maaaring punuin ang mundo ng halimuyak ni Kristo. Hinihiling natin kina Marta, Maria, at Lazaro, na ninais ni Papa Francisco na alalahanin at parangalan tuwing ika-29 ng Hulyo, na tulungan tayong punuin ng halimuyak ng kanilang tahanan ang ating buhay, pati na rin ang buhay ng ating pamilya at mga kaibigan. 

Itong araw na ito sa Betania, ipinahayag din ang nalalapit na kamatayan ni Kristo, nang kanyang banggitin ang "araw ng paglilibing sa akin" (Jn 12:7). Ngunit ang kanyang kamatayan ay magiging masaganang buhos ng Buhay – malinaw at nagliliwanag – para sa lahat ng tao! Hiniling ni Hesus na samahan natin siya nang malapit, sapagkat "kung hindi handa ang ating kalooban na mamatay nang naaayon sa Pasyon ni Kristo, hindi rin magiging bahagi ng ating buhay ang kanyang buhay." [2] 

Ngunit hindi natin kailangang maghintay ng katangi-tanging pagkakataon upang ipakita ang ating pagmamahal kay Hesus. Bawat araw ay isang bagong pagkakataon upang paglingkuran siya, ialay ang ating buhay at gamitin ito nang bukas-palad sa paglilingkod sa kanya, sa tapat na pagsunod sa kanyang mga yapak. Karaniwan, ang hawak natin ay maliliit na bagay lamang, ngunit mga bagay na kayang ialay ng isang musmos na may pagmamahal: "Kung minsan parang ibig nating mag-asal-musmos. Ang mga munting gawa’y pawang kahanga-hanga sa harap ng Diyos at samantalang “sariwa” pa, wala akong alinlangan marami ang bunga nitong mga gawa, tulad ng Pag-ibig na lagi ring marami ang bunga." [3]


“ANONG KAGALAKAN na mapagnilayan si Hesus sa Betania! Isang kaibigan nina Lazaro, Marta, at Maria! Pumupunta siya roon upang magpahinga kapag siya ay pagod. Para sa kanya, iyon ay tahanan niya. Naroroon ang mga kaluluwang nagpapahalaga sa kanya. Mayroon ding mga kaluluwang lumalapit sa Tabernakulo at, para sa kanila, iyon ay Betania. Nawa'y ganoon din ito para sa iyo! Ang Betania ay tiwala, init ng pagmamahalan sa tahanan, at magkakalapit na loob. Minamahal na mga kaibigan ni Hesus.” [4] Nais nating ang pinakamalapit na Tabernakulo sa atin ay maging isang lugar kung saan mararamdaman ni Hesus na siya ay nasa isang tahanan, tulad ng sa Betania. Nais nating gayakan ito ng bango ng ating pagsisikap, na kadalasan ay mga paghahangad lamang at hindi nagbubunga.

Si Marta ay may tahimik na bahagi sa tagpong ito na ating pinagninilayan” sa Lunes ng Semana Santa. Inihanda niya ang hapunan kung kailan pinahiran ni Maria ng pabango ang mga paa ni Hesus. Bilang isang mapagmahal na kapatid at ina, inasikaso niya ang kanilang mga bisita. Ang bahay ay napuno rin ng bango ng hapunan niluto niya nang may buong pagmamahal; marahil ay inihanda niya ang ang pagkain na alam niyang gusto ng kanyang Kaibigan. Sa mga sandaling ito na malapit na ang kanyang kamatayan, ang kalooban ni Hesus ay napapanatag sa anumang munting tanda ng pagmamahal. Ang ating paggawa, ang ating ngiti, ang ating pagmamalasakit sa iba, ay mahahalagang pagpapakita ng pagtingin na ikinasisiya niya.

Bilang isa pang patunay ng walang-hanggang Pag-ibig ng Diyos, nananatili ang ating Panginoon sa Tabernakulo upang makasama tayo. Kung ang pagmamahal at pananampalataya ni Maria ay nagtulak sa kanya upang ipakita ang buong pagsasaalang-alang na pagmamahal kay Hesus sa pamamagitan ng pagpahid ng mamahaling pabango sa kanyang mga paa sa Betanya, ang pag-ibig at pananampalataya ay maaaring maghatid rin sa atin sa higit na malalim na debosyon sa tunay na presensya ni Hesus sa Eukaristiya. Hindi iniisip ni Maria na may ginagawa siyang pambihirang bagay sa pagpapahid sa mga paa ng ating Panginoon gamit ang mamahaling pabango. Ginawa niya ito nang kusang-loob na dulot ng pagmamahal. Tanging si Kristo ang nakakaalam na, sa loob lamang ng ilang araw, huhugasan niya ang mga paa ng Kanyang mga apostol. Nauna na si Maria na gawin ito. Ang ating Panginoon na laging nagpapahalaga sa anumang pagpapakita ng pagmamahal, gaano man ito kaliit, ay ikinasiya ang makababaeng kutob niya.

Marahil, nasaksihan din ng Mahal na Ina itong kaibig-ibig na sandali. Anong aliw marahil para sa Kanya, habang papalapit na ang oras ng kaniyang Anak, na makita kung paano naramdaman ni Hesus ang pagmamahal sa tahanang ito.


[1] Benedicto XVI, Homiliya, 29 Marso 2010. 

[2] San Ignacio ng Antioquia, Epistola ad Magnesios 5, 1. 

[3] San Josemaría, Ang Daan, blg. 859. 

[4] San Josemaría, Tala mula sa isang meditasyon, 6 Nobyembre 1940. Ihambing ang Ang Daan, Critical-Historical Edition, komentaryo sa blg. 322.