Ang mga paksa ay:
- Ang Pagpasok ng ating Panginoon sa Jerusalem
- Ang Asno: Ang Pinakamalapit kay Hesus
- Pag-unawa sa Pamamayani ng Diyos
SI HESUS AY PUMASOK sa Jerusalem sa gitna ng dakilang pagpupugay. Ang Siya na palaging umiiwas sa anumang pampublikong papuri, na nagtatago nang nais siyang gawing Hari ng mga tao, sa araw na ito ay hinayaang dalhin siya sa Banal na Lungsod nang may tagumpay. Ngayon lamang, nang alam niyang malapit na ang kamatayan, siya pumayag na tawaging Mesiyas. Alam ni Hesus na, sa katotohanan, maghahari siya mula sa Krus, sapagkat ang parehong mga tao na ngayon ay masayang nagpaparangal sa kanya ay siya ring tatalikod sa kanya at magdadala sa kanya sa Kalbaryo. Ang mga palaspas ay magiging latigo; ang mga sanga ng olibo ay magiging tinik; ang mga hiyawan ng tuwa ay magiging mapanirang panlilibak.
Ipinakikita ng liturhiya, sa pamamagitan ng seremonya ng pagbabasbas ng mga palaspas at ng mga teksto ng Misa (kasama ang salaysay ng Pasyon ng ating Panginoon), kung paano malapit na magkaugnay ang kagalakan at pagdurusa sa buhay ni Kristo. Itinuro ni San Bernardo ang malapit na ugnayan sa pagitan ng tawa at panaghoy sa araw na ito. Sinabi ng Simbahan: "Ipinakikita sa atin ngayon ang bago at kamangha-manghang ugnayan sa pagitan ng pasyon at ng prusisyon; ang prusisyon ay nagdadala ng pagpupugay, ang pasyon ay nagdadala ng panaghoy." [1] Sinabi ni San Josemaría: "Ang mga palaspas," ayon kay San Agustin, "ay sumasagisag sa pagpupugay, sapagkat sumasagisag ang mga ito sa tagumpay. Ang ating Panginoon ay nasa bingit ng tagumpay sa pamamagitan ng pagkamatay sa Krus. Sa ilalim ng tanda ng Krus, malapit na niyang talunin ang diyablo, ang prinsipe ng kamatayan." [2]
Sa pagbasa ng salaysay ng Pasyon, makikita natin ang maraming tao na may papel sa tagpong iyon, karamihan sa kanila ay hindi alam ang tagumpay na malapit nang makamtan ni Kristo. Maaari nating tanungin ang ating mga sarili sa linggong ito habang inaalala natin ang mga pangyayaring ito: "Nasaan ang aking puso? Alin sa mga taong ito ang kahawig ko?" [3] Gaano katatag ang aking pananampalataya kapag pinagninilayan ko ang mahahalagang pangyayari na iniimbitahan tayong pahalagahan ng Simbahan sa mga araw na ito?
ANG TAGPO NG TAGUMPAY NA PRUSISYON NI HESUS ay nagtataglay ng isa pang kapansin-pansing kontradiksyon. Sa gitna ng malakas at mababaw na sigasig ng mga tao, namumukod-tangi ang tahimik na pigura ng isang tapat at masunuring asno na nagdadala sa ating Panginoon. "Ang isang asno ang naging trono ni Hesus sa Jerusalem. Pagmasdan kung gaano kaganda ang maglingkod bilang trono ng ating Panginoon." [4] Ang mapagpakumbabang hayop, habang sinusubukang maglakad nang marangal, ay naglalakad sa ibabaw ng mga balabal na inilatag ng mga tao sa daan upang parangalan si Hesus—ang ilan ay posibleng yari sa mamahaling sutla at pinong lino, isinusuot ng mga mahahalagang tao. Ngunit habang ang iba ay nag-aalay ng mga bagay, ang asno ay iniaalay ang kanyang sarili. Dala niya sa kanyang magaspang na likod ang banayad na bigat ni Hesus. Tumakbo ang mga tao sa tabi niya, iwiniwiksi ang mga sanga ng olibo, palaspas at mga laurel. Ngunit walang sinuman—kahit ang mga apostol—ang kasinglapit ni Hesus gaya ng asno.
"Kung ang paghahari ni Hesus sa aking kaluluwa, sa inyong kaluluwa nangahulugang na dapat siyang makahanap ng isang perpektong tirahan sa ating puso, tiyak na tayo'y mawawalan ng pag-asa. Ngunit 'Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion; narito, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang batang asno.' Hindi mo ba nakikita? Nakuntento si Hesus sa isang hamak na hayop bilang trono. Hindi ko alam sa iyo, ngunit hindi ako nahihiyang aminin na sa mata ng Panginoon ako ay isang hayop na pantrabaho: 'Ako ay tulad ng isang asno sa iyong harapan, ngunit ako ay laging kasama mo. Hawak mo ang aking kanang kamay, ginagabayan mo ako sa renda… Ang isang asno ay nabubuhay sa isang payak na pagkain, masipag, at may mabilis at masayang lakad. Mayroong daan-daang hayop na mas maganda, mas maliksi, at mas malakas. Ngunit isang asno ang pinili ni Kristo nang ipresenta niya ang kanyang sarili sa mga tao bilang hari bilang tugon sa kanilang pagbubunyi. Sapagkat walang panahon si Hesus para sa mga kalkulasyon, para sa katusuhan, para sa kalupitan ng mga malamig na puso, para sa kaakit-akit ngunit walang lamang kagandahan. Ang gusto niya ay ang kasayahan ng isang batang puso, isang simpleng hakbang, isang natural na tinig, malinis na mga mata, at ang pagiging masigasig sa kanyang maibiging salita ng payo. Ganito siya naghahari sa kaluluwa.” [5]
Sa Linggong ito ng Mahal na Araw, nais din nating maging mas maingat sa tinig ng Diyos. Ayaw nating makaligtaan ang anumang kilos, anumang salita, anumang damdamin ni Hesus sa mga araw na ito na nagbibigay ng kahulugan sa ating sariling buhay.
"ANO NGA BA ANG TUNAY NA NANGYAYARI sa mga puso ng mga taong nagpupugay kay Kristo bilang Hari ng Israel? Malinaw na mayroon silang sariling ideya ng Mesiyas, isang ideya ng kung paano dapat kumilos ang matagal nang hinihintay na Hari na ipinangako ng mga propeta. Ilang araw lamang ang lilipas, sa halip na purihin si Hesus, ang mga tao sa Jerusalem ay sisigaw kay Pilato: "Ipako siya sa krus!" habang ang mga alagad, kasama ng iba pang nakakita at nakinig sa kanya, ay mananatiling tahimik at magkakawatak-watak. Karamihan sa kanila ay nadismaya sa paraan ng pagpapakilala ni Hesus bilang Mesiyas at Hari ng Israel. Ito ang sentro ng pagdiriwang ngayon, para sa atin din." [6]
Ang karanasan ng mga tumanggap kay Jesus na may mga palaspas noong araw na iyon ay makakatulong sa atin upang pag-isipan kung ano ang ating sariling pananaw kay Jesus, kung ano ang ating ideya ng kanyang paghahari. Maaaring mangyari, halimbawa, na minsan tayong nadidismaya sa tila mabagal na takbo ng pagtubos. Minsan gusto natin na magtagumpay agad ang Diyos, na nalilito ang ating mga plano sa kanyang mga plano. Tinututulan nating tanggapin na ang Diyos ay determinado na hindi ikompromiso ang ating kalayaan o ang kalayaan ng mga tao sa paligid natin. Ang kanyang pag-ibig ay napakapino na hindi ito ipinipilit. Tumanggi siyang samantalahin, halimbawa, ang pagbubunyi ng mga tao para sa kanyang sariling kapakinabangan.
Ang puso ni Hesus ay sumusunod sa ibang landas, sa banal na landas na alam lamang niya at ng Ama: ang landas na mula sa ‘anyo ng Diyos’ patungo sa ‘anyo ng isang alipin,’ ang landas ng pagpapakumbaba an isinilang mula sa pagsunod ‘hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus’ (Filipos 2:6-8). Alam niya na ang tunay na tagumpay ay nangangahulugan ng pagbibigay ng puwang sa Diyos.” [7] Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng puwang para sa tahimik ngunit makapangyarihang pagkilos ng Diyos, na nagpapabago sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pag-ibig ng Anak para sa Ama. At sa landas na ito, matatagpuan natin ang pinakauna at pinakamatapat na tagasunod ni Hesus—ang kanyang ina na si Maria. "Hindi mo siya mapapansin sa mga palaspas sa Jerusalem… Ngunit hindi siya umiwas sa paghamak sa Golgota; naroon siya, ‘iuxta crucem Jesu’, nasa tabi ng Krus ni Hesus." [8] At tayo, sa pamamagitan ng isang biyayang hindi natin karapat-dapat, ay maaaring mapalapit sa kanya.
[1] San Bernardo, Homiliya para sa Linggo ng Palaspas, 1, 1.
[2] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 73.
[3] Francisco, Homiliya, 13 Abril 2014.
[4] San Josemaría, Mga Tala mula sa isang pagtitipon ng pamilya, Oktubre 1965.
[5] San Josemaría, Christ Is Passing By, blg. 181.
[6] Benedicto XVI, Homiliya, 1 Abril 2012.
[7] Francisco, Homiliya, 14 Abril 2019.
[8] San Josemaría, Ang Daan, blg. 507.
