Mga Pagninilay: Kapistahan ng Banal na Pamilya

Ilang pagninilay na makatutulong sa ating panalangin sa panahon ng Pasko

Ang mga paksa ay:

  • Ang plano ng Diyos para sa pamilya
  • Duyan ng lahat ng mga kaloob
  • Ang ating unang apostolado

NAMANGHA ang ama at ina ng sanggol dahil sa mga sinabi ni Simeon tungkol sa bata. (Lk 2:33). Namamangha rin tayo na ang Diyos ay naging isang bata at nangailangan ng pamilya. Sa pamilya, natututo tayong mahalin, matulungan at tumanggap ng patawad. Matagal na tayong minamahal at inaalagaan bago pa man natin ito maunawaan. Hindi natin kailanman mababayaran ang pag-ibig na iyon, at nagpapatuloy ang pag-inog sa bawat henerasyon. Hindi ito isang pabigat kundi isang katotohanang pumupuno sa atin ng pasasalamat at nagtutulak sa atin upang tumugon. Salamat, Panginoon, sa pamilyang ibinigay Mo sa bawat isa sa amin!

Buong puso mong igalang ang iyong ama, at huwag kalimutan ang hirap ng iyong ina sa panganganak. Alalahanin, sa mga magulang mong ito isinilang ka; ano ang maibibigay mo sa kanila kapalit ng lahat ng kanilang ginawa para sa iyo? (Sir 7:27–28), ayon sa Banal na Kasulatan. May utang tayo ng pasasalamat sa mga nag-alaga sa atin bago pa man tayo naging marunong magpasalamat. Nararapat lamang na makibahagi ang ating mga magulang sa ating kaligayahan. Madalas, sila ang nagtatanim ng mga binhi ng pananampalataya at kabanalan sa ating buhay.

Binibigyang-diin ni San Josemaría ang hindi mapapalitang misyon ng bawat pamilya: “Kapag iniisip ko ang mga tahanang Kristiyano, gusto kong isipin na puno ito ng liwanag at kagalakan tulad ng tahanan ng Banal na Pamilya. Ang mensahe ng Pasko ay maririnig nang buong linaw: ‘Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban.’ ‘At nawa’y maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Kristo,’ ayon sa sulat ng Apostol. Ang kapayapaang ito ay nagmumula sa paniniwalang minamahal tayo ng ating Amang Diyos at pinagkaisa tayo kay Kristo. Bunga ito ng pag-asa sa patnubay ng Birheng Maria at sa tulong ni San Jose. Ito ang dakilang liwanag na tumatangalaw sa ating buhay. Sa gitna ng mga hamon at sariling kahinaan, nag-uudyok ito sa atin upang ipagpatuloy ang ating pagsisikap.” [1]


ANG TUNAY na mahalaga sa ating buhay ay ang mabatid nating tayo ay minamahal at ang matuto tayong magmahal. Ito ay unang nagaganap sa loob ng ating pamilya. Ngunit alam din natin na hindi perpekto ang ating mga pamilya. May kakulangan tayong lahat. Kaya’t maaari nating hilingin kina Jesus, Maria, at Jose na mamagitan para sa lahat ng pamilyang nahihirapan.

Ang unang lipunang ito ay maaaring tawaging duyan ng lahat ng mga kaloob. Dito natin nadarama ang biyaya, tanggapin kung sino tayo at matuklasan na ang ating buhay ay isa ring alay para sa iba. Nakasulat sa ating mga puso na tayong lahat ay mga anak. Ang ilan ay mga ama o ina, at ang ilan ay may mga kapatid... ngunit mga anak tayong lahat. Ang buhay ay ipinagkaloob sa atin; may naghihintay sa atin. Kahit sa pinakamahirap na kalagayan, napakalakas ng ating pagkakakilanlan bilang mga anak at patuloy itong nagiging daan patungo sa Diyos Ama.

Ayon kay San Juan Pablo II: “Itinuturing ng Kanluraning daigdig ang Pasko bilang isang pampamilyang pagdiriwang. Ang pagsasama-sama at pagpapalitan ng mga regalo ay nagpapahayag ng malalim na hangarin para sa ugnayan at nagbibigay-liwanag sa pinakamataas na mga pagpapahalaga ng institusyon ng pamilya. Ipinapakita ito ng pagkakaisa sa pag-ibig sa pagitan ng mga tao na nakabatay sa katotohanan, sa pag-ibig, sa hindi mapaghihiwalay na katapatan ng mag-asawa, at sa pagiging bukas sa kaloob ng buhay. Sa liwanag ng Pasko, nakikita ng pamilya ang bokasyon nito bilang isang komunidad sa pagbabahaginan ng mga plano, pagkakaisa, kapatawaran, at pananampalataya, kung saan hindi nawawala ang pagkilala sa bawat isa, kundi nag-aambag sila ng kani-kanilang natatanging alay sa pag-unlad ng lahat. Ito ang nangyari sa Banal na Pamilya, na iniharap bunga ng pananalig bilang unang modelo para sa mga pamilyang pinagningning ni Kristo.” [2]


SA BETHLEHEM, naging kaisa natin ang Diyos. Ninais Niyang maranasan ang ating kasaysayan, paglalakbay, at kalayaan. “Ang pamilya ay isa ring tanda ni Kristo. Ipinakikita nito ang pagiging malapit ng Diyos sa buhay ng bawat tao, sapagkat Siya ay naging isa sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang pagkakatawang-tao, kamatayan, at muling pagkabuhay.” [3] Napakalakas ng kapangyarihan ng pamilya na nagbibigay sa atin ng pag-asa. Kayang mapagtagumpayan ng nagpapabago at nagpapagaling na kapangyarihan ng pag-ibig ang anumang paghihirap, gaano man ito katindi. Sa ating pamilya pinili ng Diyos na tanggapin natin ang lahat ng kaloob: una, ang buhay, at kasunod nito, ang pananampalataya, bokasyon, pangalan, edukasyon, ugali, wika, at isang pook na ating kinabibilangan. Isang napakalaking hamon ito, kaya’t isinama ni San Juan Pablo II ang panawagan sa Reyna ng Pamilya sa litanya ng Rosaryo. Simula noon, milyon-milyong tinig at puso ang humiling sa Mahal na Birhen na ipagtanggol ang mga pamilya sa buong mundo upang maging duyan ng patuloy na pagbabagong-buhay ng sangkatauhan. 

Ang ating mga magulang at kapatid ay sarili nating laman at dugo, at dito likas nagsisimula ang ating apostoladong pagkalinga. Sa ganito rin nagsimula ang misyon ng mga unang alagad ni Kristo: “Unang natagpuan ni Andres ang kaniyang kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya, ‘Natagpuan namin ang Mesiyas (na ang kahulugan ay Kristo).’ At dinala niya ito kay Jesus.” (Jn 1:41–42)

At si Juan, kasama ni Andres, ang unang lumapit sa ating Panginoon , ay ibinahagi ang kaniyang natuklasan sa kaniyang kapatid na si Santiago. At inihanda siya upang tanggapin ang tawag ni Jesus habang siya’y abala sa mga lambat. Kaya’t hindi nakapagtataka na tinawag ni San Josemaría ang utos ni Moises na igalang ang pamilya bilang pinakamatamis na utos. Tulad nina Maria at Jose, nais nating mapuno ng pagpupuri. Sa Bethlehem, bumaba ang Diyos sa bawat pamilya — lalo na sa mga sugatan — upang pagalingin, gabayan, at ipakita sa atin ang mahalagang papel na inilaan Niya sa bawat bata at sa Batang Jesus.


[1] San Josemaría, Christ is Passing By, 22

[2] San Juan Pablo II, Pangkalahatan Pagtanggap, 29 Disyembre 1999

[3] Papa Francisco, Apostolikong adhikain Amoris laetitia, 161