Ang mga paksa ay:
- Marunong si María na maging bukas sa kilos ng Diyos
- Lumalapit ang Diyos sa tao sa isang paraang hindi inaasahan
- Isang tugon sa ating hangarin para sa kaligtasan
Ang BIRHENG MARÍA ay nakinig nang may pagkamangha sa mga salita ng anghel: “Tingni, maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Jesús.” (Lk 1:31). Ngunit sa halip na matakot sa planong maka-Diyos na babago sa kanyang kasalukuyan at kinabukasan, buong panatag niyang sinabi: “Narito ang lingkod ng Panginoon; maganap nawa sa akin ayon sa iyong salita.” (Lk 1:38). Nakaaantig na ang mga payak na salitang ito ang naging daan upang pumasok ang Diyos sa ating mundo—at ito rin ang paanyaya upang tayo’y pumasok sa linggo ng Pasko. “Narito ako”—ito ang susi ng buhay. Ito ay isang tanda nang pagpapanibago mula sa isang uri nang pamumuhay na makasarili at pansariling mga pangangailangan lamang tungo sa isang buhay na nakatuon sa Diyos. Ang “Narito ako” ay isang tanda ng kahandaan para sa Diyos, lunas sa makasariling pamumuhay at kasagutan sa pagkauhaw ng puso na di makatagpo ng kasiyahan. [1].
“Kaya nga ang Panginoon na rin ang magbibigay sa inyo ng isang tanda. Maglilihi ang birhen at manganganak ng isang anak na lalaki, at tatawaging Emanuel” (Is 7:14), ayon sa Propetang Isaias. Isang mapagpakumbabang babae ang naging Ina ng Diyos; ang isang halos di-kilalang bayan ang naging pook kapanganakan ng Mesiyas. Ganito kumilos ang Diyos. At para sa atin din, ang isang simpleng tugon na may pananampalataya ay maaaring gawin ang ating mga pangkaraniwang araw na isang dakilang banal na gawain. Sa mga simpleng sandali ng ating pang-araw-araw na pamumuhay maaari nating sabihing “Oo” sa Diyos na dumarating: sa isang di inaasahang pakikipagkita sa isang kaibigan, sa tila mga nakababagot na mga oras ng trabaho, o sa isang masayang gabi kasama ang pamilya.
Marahil dito sa mga huling araw ng Adbiyento ay naggugugol tayo ng oras upang bigyan ng mga huling pagsasayos ang ating mga belen. Inilipat ang isang nawawalang tupa na hindi nakaharap sa Banal na Sanggol o inayos ang tuyong lumot upang higit na maging kaaya-aya tingnan. Ang mga ito’y malilit na larawan na nagpapahiwatig ng ating pananampalataya at paghahangad na tumugon sa patuloy na paanyaya ng Diyos. Halina, Panginoon! Huwag nang magtagal! Kailangan ka namin, at nais naming buong pagmamahal na paghandaan ang iyong pagdating.
“SINO ang makaaahon ng bundok ng Panginoon, o kaya, Sino ang makatatayo sa kanyang banal na dako?” (Sal 24:3). Isa itong matinding pananabik ng salmista: ang manahan sa bahay ng Diyos at mamasdan ang kanyang mukha. Ngunit para sa Israel, ito ay tila imposibleng hangarin. Sa totoo, naniniwala sila na ang sinuman na makakita sa Diyos ay mamamatay sa kadahilanang hindi kakayaning harapin ng ating kalikasang tao ang ganitong uri ng kadakilaan. Kaya’t lalong kahanga-hanga na ang Diyos ay nagpasyang ipakita ang kanyang mukha sa anyo ng isang sanggol. Sa mga araw na ito, nais nating lumapit sa Belen nang may dalawang magkaugnay na mga damdamin: ang may buong paggalang sa hiwaga at ang init nang pagtanggap sa ating tahanan.
Ang Diyos ay naging higit na mapagbigay kaysa sa inaakala ng puso ng tao. Hindi lamang niya hinangad na tumingin nang may pagmamahal sa atin mula sa langit o dalawin tayo nang panandalian: Ang Diyos ay naging isa sa atin at naging gayon na lamang ang naging pagpapahalaga Niya sa kanyang ubasan na winika pa niya: “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat, kung wala ako ay wala kayong magagawang anuman.” (Jn 15,5). Sa kanyang mga sakramento, sa panalangin, at sa Kanyang pampalagiang kasa-kasama natin, lahat ay puwedeng yumabong. Siya ay nabuhay bilang tao upang tayo ay mamuhay bilang anak ng Diyos.
“Si Jesús ay isinilang sa isang kuweba sa Belen, winika ng Kasulatan, ‘dahil walang lugar sa bahay-panuluyan.’ Hindi ako nalalayo sa mga mga maka-Diyos na aral katotohanan kung aking sasabihin sa iyo na si Jesús ay patuloy na naghahanap ng matatahanan sa iyong puso” [2]. Araw-araw, maaari nating sundin ang mungkahi ni San Josemaría—na pagbuksan si Jesús ng ating puso. Ang pananampalataya ay hindi lamang isang koleksyon ng katotohanan o isang listahan ng mga batas na dapat nating tupdin. Ang paniniwala sa Diyos, una sa lahat, ay ang pagtanggap sa Kanyang Anak sa ating mga puso at ang pagbabahagi ng ating buong buhay sa Kanya. Nais nating gawing Belen ang ating puso. Kung sakaling naginhawahan Siya sa sabsaban, salamat sa pagmamahal ni Maria at Jose at sa init na dala ng ilang mga tupa, bakit hindi rin siya magiging masaya sa ating puso, kung ialay natin sa kanya ang ating mga kagalakan at pasanin sa araw-araw?
“MAGSIPATAK kayo O mga langit, mula sa kaitaasan at iuulan ng mga alapaap ang tagumpay. Bumuka ang lupa at ilabas ang bunga ng kaligtasan at ng kabanalan. Ako na Panginoon ang siyang may likha nito.” (Is 45:8). Ang pambungad na antifona ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay nagpapahayag ng ating matinding pangangailangan sa isang Diyos na magliligtas sa atin. Sa panalangin, madalas nating inihahayag ang paghahangad natin sa Diyos. Batid man natin o hindi ang ating mga kakulangan at ramdam ang mga sakit ng ating sugat o sa nagdiriwang sa saya sa mga maliliit na biyaya, nais natin na ang lahat ay mapuno ng pag-ibig ng Diyos. Nauunawaan natin ng lubos na ang buhay na kasa-kasama Siya ay ibayo ang kaibahan sa isang pamumuhay na nakasarado lamang sa ating mga sarili.
Ang Anak ng Diyos ay naging tao upang tayo’y iligtas. Ang kaligtasang ito ay mauunawaan lamang sa pamamagitan ng dakilang pag-ibig ng Kanyang Ama para sa atin: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Jn 3:16). Sa ating taimtim na pagmasid sa Batang Sanggo sa Belen, paano tayo mag-aalinlangan sa pag-ibig ng Diyos para sa atin at sa Kanyang pangangalaga? Sa lahat ng mga kaganapan na pumupuspos sa ating buhay, tayo ay nakatitiyak na ang Diyos ay nakikipag-usap at nagliligtas sa atin.
Maituturing nating napakahirap para kay María na isilang ang kanyang anak sa karukhaan ng sabsaban. Ngunit sa dilim ng tagpong iyon, sa isang pananaw na pang-tao, ay buong katiyakan na nakita niya na nagniningning ang liwanag ng Diyos. “Ang tunay na dakila ay kadalasang hindi napapansin, at ang katahimikan ay higit na mabunga kaysa sa ingay ng lungsod” [3]. Hilingin natin sa Mahal na Ina na ipagkaloob sa atin ang kanyang kadalisayan at ang kanyang puso na puno ng pananampalataya upang makilala natin ang Diyos sa bawat detalye ng ating buhay. Sa ganito ring kaparaanan, tulad nang kung papaano lumukso sa tuwa si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Santa Isabel sa presensiya nang pagdalaw ng nagdadalangtao na Birhen Maria, tayo rin ay mapupuno ng tuwa sa paggunita sa kapanganakan ni Jesús.
[1] Papa Francisco, Ángelus, 8-XII-2018
[2] San Josemaría, Forja, n. 274
[3] Papa Benedicto XVI, Discurso, 8-XII-2012