Ang mga paksa ay:
- Ang Bokasyon ni Simeon sa Pag-asa
- Ang paghahanap kay Jesus sa Eukaristiya
- Ang punyal na tutusok sa iyong puso.
IPINAHAYAG NG ESPIRITU SANTO kay Simeon na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas. Hindi madaling isipin kung paano ito ipinakita sa kaniya. Masasabi nating may bokasyon si Simeon upang umasa, at sa gayong paraan, tinatawag din tayong lahat sa pag-asa. Lahat tayo ay umaasang makita ang mga gawa ng Mesiyas: ang kaniyang biyaya ng kagalingan, ang galak ng katubusang dumating sa mundo. Sa pamamagitan ni Simeon, lahat tayo ay tumanggap ng pangako ng kaligtasan na natutupad sa ating paningin at pandinig, dito sa lupa. Hindi malayo ang Mesiyas. Bumaba Siya at naging kasama natin; maaari natin Siyang hawakan.
Hindi rin natin alam kung paano natagpuan ni Simeon ang Sanggol. Walang binanggit ang Ebanghelyo na anumang palatandaan. Tila ipinahihiwatig na mismong ang Espiritu ang nagturo kay Simeon upang matagpuan Siya. Naroon sina Maria at Jose kasama ang kanilang panganay na Anak. Walang sinuman ang umasa na ang Diyos ay magiging isang bata; hindi maiisip ng tao na ang Diyos ay magiging anak ng isang karaniwang dalaga. Hindi naiiba si Maria kung ihahambing sa ibang mga babaing dumating doon upang gawing malinis ang kanilang panganay. Hindi kailangan ni Maria ng paglilinis, ngunit naroon siya kasama ng iba pa upang tumupad sa utos ng Panginoon dahil sa pag-ibig at hindi dahil sa obligasyon. Gayon din naman si Jesus, ang kaniyang Anak, na hindi kailangang bayaran ang kasalanan ng tao, ngunit pinasan Niya ang ating mga kahinaan.
Hindi madaling unawain ang pagpapakita ng Diyos sa atin sa araw-araw. Maaaring malito tayo at hindi Siya makilala sa Kaniyang pagdaan. Maraming nagkamali at inakalang Siya ay isa lamang sa mga taga-Nazaret, isa sa maraming dumalaw sa templo. Ang pagdating ng Mesiyas at ang Kaniyang plano ng kaligtasan para sa lahat ay mahiwaga, malalim at maselan. Hindi ipinipilit ng Diyos ang Kaniyang sarili: kaya pinili Niyang maging tao. Maaari nating hilingin sa Diyos, gaya ni Simeon, na buksan ang ating mga mata upang makita natin ang kaligtasang nagsisimula na noong isakatuparan.
NGAYON, PANGINOON, hayaan Mo pong yumaong mapayapa ang inyong alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita na po ng aking mga mata ang iyong pagliligtas (Lk 2:29–30). Tayo ba ay mapagmatyag upang matuklasan ang pagliligtas ng Diyos, ang Kaniyang lihim at tahimik na pagkilos, sa lahat ng nakapaligid sa atin? Sa Misa, tuwiran tayong nakikibahagi sa kaligtasang dinala ni Jesus. Nahahawakan natin ang Kaniyang grasya at tinatanggap ang Kaniyang biyaya. Kinakain natin ang Kaniyang katawan at iniinom ang Kaniyang dugo, “na kahit isang patak lamang ay makapagpapatawad ng lahat ng kasalanan ng mundo.” [1]
Minsan lamang nakita ni Simeon ang Sanggol. Ngunit ang sandaling iyon ay katumbas ng habang-buhay na paghihintay. Tayo ma’y maaaring nasanay na sa mismong pagtanggap ng kaligtasan. Ipinagkaloob ng Diyos na maging napakalapit Niya sa atin sa Eukaristiya. Ngunit tila naging karaniwan na ito sa atin; ang bawat araw ay tila katulad lamang ng nauna. Hangad natin kung minsan ang magkaroon ng “kahanga-hangang” karanasan. Sa ganitong tukso, maaari nating tularan ang mga pastol na nagbabantay malapit sa Bethlehem: “Naghintay sila sa Diyos, at hindi sumuko sa tila pagiging malayo Niya sa kanilang araw-araw na buhay. Sa pusong mapagmatyag, ipinahayag ang balita ng dakilang kagalakan: sapagkat ngayong gabi’y isinilang para sa inyo ang Tagapagligtas. Tanging ang pusong mapagmatyag ang makapaniniwala sa mensaheng ito. Tanging ang pusong mapagmatyag ang may lakas ng loob na hanapin ang Diyos sa anyo ng isang sanggol sa sabsaban.” [2]
“Ilang taon na akong nagkokomunyon araw-araw! Kahit na sino siguro’y naging santo na, ang sabi mo sa akin. Ako nama’y walang pagbabago!” [3] Kumbinsido tayo na ang kabanalan ay makapangyarihan at kamangha-mangha, kaya’t nakalulungkot ang tila pagiging malamig natin. Ngunit inaasahan din ito ng Diyos. Si Simeon, halimbawa, ay naghanda sa araw-araw upang tanggapin ang Mesiyas; pasidhi nang pasidhi ang kaniyang pananabik na makita Siya, at alam niyang sa anomang araw ay maaaring mangyayari ito. Binalaan tayo ng banal na Pari ng Ars laban sa pagnanais ng mga bagay na pambihira: “Mas mapalad tayo kaysa sa mga banal ng Lumang Tipan, sapagkat taglay natin Siya hindi lamang sa Kaniyang pagka-Diyos, kundi maging sa pagdadalang-tao ni Maria at gaya rin ng pagpapako sa Kaniya sa krus. Mas mapalad pa tayo kaysa sa mga unang Kristiyano na kailangang maglakbay ng limampu o animnapung milya upang makita Siya: matatagpuan Siya sa simbahan ng bawat parokya; bawat kongregasyon, kung nanaisin Niya, ay maaaring tamasahin ang Kaniyang pinakamatamis na presensiya . O mapalad na bayan!” [4]
ANG PUNYAL na maglalagos sa puso ng Ina ni Jesus ay mapait na anino ng isang tagpong punô ng pag-asa at kagalakan. Ito ang aninong nagbibigay-buhay sa katotohanan ng pangyayari. “Si Maria, kaugnay ng propesiya tungkol sa punyal na tutusok sa kanyang puso, ay hindi nagsalita. Kasama ni Jose, tinanggap niya nang tahimik ang mahiwagang mga salitang ito na nagbabadya ng malalim na dalamhati at naglalagay sa Pagpapakita ni Jesus sa templo sa tunay nitong kahulugan. Ayon sa banal na plano, ang handog noon ayon sa nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, na: maaaring dalawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati’ (Lk 2:24)—ay larawan ng sakripisyo ni Jesus.” [5]
Ang ating buhay ay larawan din ng liwanag at anino, pinaghalong pag-asa at panghihina ng loob, pakikibaka at pagkabigo. Alam ito ng Diyos, at Siya’y tila mas malapit sa atin sa ating kahinaan. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang kathang-isip ng isang perpektong mundo na walang problema; matatagpuan Siya sa kahinaan ng karaniwan, sa tila walang ningning. Maaaring ikagulat ng marami ang Kaniyang banal na pagpapaubaya sa pagiging ordinaryo, ngunit ito’y bunga ng Kaniyang paggalang sa kalayaan. Hindi ipinangingibabaw ng Diyos, at hindi Niya pinipilit ang Kaniyang sarili sa ating buhay. Ang tanda na nakikita natin tuwing Pasko ay “ ang kasukdulan ng kababaang-loob ng Diyos.(...): Diyos na tumitingin sa atin nang may mga matang punô ng pag-ibig, Diyos na tumatanggap sa ating karukhaan, Diyos na umiibig sa ating kaliitan.” [6]
Ang Mahal na Birhen, ang ating Ina, ay natutong tuklasin din ang Diyos sa kaniyang bagong silang na Anak. Banal ang kaniyang mga luha, gutom, at pagod, at dahil dito, ang mga ito ay ating kaligtasan. “Simula sa propesiya ni Simeon, malalim at mahiwagang inialay ni Maria ang kaniyang buhay kaisa ng malungkot na misyon ni Kristo: siya ay magiging tapat na katuwang ng kaniyang Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan.” [7]
[1] Adoro Te Devote.
[2] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24 Disyembre 2008.
[3] San Josemaría, Ang Daan, 534.
[4] San Juan Vianney, Sermon on Corpus Christi.
[5] San Juan Pablo II, Pangkalahatang Audyensya, 18 Disyembre 1996.
[6] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2014.
[7] San Juan Pablo II, Pangkalahatang Audyensya, 18 Disyembre 1996.