Mga Pagninilay: 28 ng Disyembre, Ang mga Banal na Sanggol

Ilang mga pagninilay na makatutulong sa ating pananalangin sa mga araw na ito ng panahon ng Pasko

Ang mga paksa ay:

  • Ipinanganak sa gitna ng pagdurusa ang Batang Hesus
  • Kumikilos si San Jose nang may pananampalataya at realismo
  • Ang mga Banal na Sanggol at ang pagdurusa ng kanilang mga ina

“BUMANGON ka, dalhin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Egipto, at manatili roon hanggang sa sabihin ko sa iyo; sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang siya’y patayin.” (Mt 2:13) Sa mga maiikling salitang ito, ginising ng anghel si Jose upang iligtas ang buhay ng Batang Hesus. Napansin natin marahil na sa pagkakataong ito, walang salitang nakaaaliw na “huwag kang matakot”; sa pagkakataong ito, tunay na may dahilan upang matakot sapagkat isang trahedya ang mangyayari. Dahil sa inggit at takot, isang hari ang nagbabalak na patayin ang Bata. Mayroong mga mortal na kaaway si Hesus kahit isang sanggol pa lamang. Ngunit hindi nagpadaig si Jose sa takot. Maingat niyang ginising si Maria. Kahapon lamang, labis nilang ikinagalak ang pagbisita ng tatlong Hari. Nananatili pa sa bahay ang amoy ng insenso at mira. Subalit ngayon, kailangan na nilang tumakas agad, umalis nang hindi napapansin.

Maaari tayong matuto mula sa matinding pagkakaiba ng tagpong ito sa Ebanghelyo—na huwag kaligtaan ang pagdurusang kinasangkapan ng Diyos upang maging isang Bata. “Ang pagninilay sa sabsaban ay nangangahulugang pagninilay din sa daing ng pagdurusa, pagbubukas ng ating mga mata at tainga sa mga nangyayari sa ating paligid, at pagpapalambot ng ating mga puso sa paghihirap ng ating kapwa, lalo na ng mga bata. Ibig din nitong ipaalala na patuloy pa ring nangyayari hanggang ngayon ang malungkot na kabanatang iyon. Ang pagninilay sa sabsaban na hiwalay sa mundo ay gagawing isang magandang kuwento lamang ang Pasko—isang kuwento na nagbibigay ng mainit na damdamin ngunit nakakalimutan ang makapangyarihang mabuting balita na nais ipagkaloob sa atin ng Salitang Nagkatawang-tao. Totoo ang tuksong ito.” [1]


SA PUSO NI MARIA, nagsisimula nang magkatotoo ang hula ni Simeon: “Isang espada ang tatagos sa iyong kaluluwa.” (Lk 2:35)
Nasasanay nang umalis agad nang walang pagaatubili ang Ina ni Kristo. Wala man lamang oras para magpaalam. Bakit nga ba nagiging banta si Hesus kay Herodes? Maaaring hindi ito nauunawaan nina Maria at Jose, ngunit hindi nila sinusubukang hatulan ang mga plano ng Diyos. Hindi sila nagrerebelde. Bago umalis, nanalangin sila para sa proteksiyon at pagpapala ng Diyos sa bagong paglalakbay. Hindi sila pinanghihinaan ng loob, bagama’t may takot sila para sa buhay ng Bata. Marahil muling dinalaw si Jose ng parehong mga pag-aalinlangan—noong nalaman niyang nagdadalang-tao si Maria, noong kailangan nilang bumiyahe patungong Betlehem ilang araw bago ipanganak ang Bata, noong walang matuluyan sa bahay-panuluyan, at ngayon naman, kailangang tumakas sa kalagitnaan ng gabi. 

Lubos na humanga si San Josemaría sa tugon ni Jose:
“Napansin mo ba kung gaano kalalim ang kanyang pananampalataya? ... Gaano siya kabilis sumunod! Dalhin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Egipto, iniutos ng sugo ng Diyos sa kanya. At ginawa niya ito. Naniniwala siya sa gawa ng Espiritu Santo!” [2] Tinanggap ng amang makalupa ni Hesus ang kanyang misyon at alam niyang maaaring magdulot ng panganib ang bawat sandaling pagkaantala. Nakita niya ang ganap na pagtitiwala ni Maria sa Diyos at sa kanya, kaya’t nagpasya siyang umalis sa gitna ng gabi. 

“Si San Jose ang unang inatasang mag-ingat sa kagalakan ng kaligtasan. Sa harap ng mga karumal-dumal na krimen na nagaganap, si San Jose—ang huwaran ng isang masunurin at tapat na lalaki - marunong makilala ang tinig ng Diyos at ang misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Ama. Dahil marunong siyang makinig sa tinig ng Diyos at masunurin sa kalooban Niya, naging malinaw sa kanya ang mga nangyayari sa paligid at naunawaan niya ito nang may realismo... Tulad ni Jose, kailangan natin ng tapang upang tumugon sa katotohanang ito—na bumangon at harapin ito nang buong lakas.” [3]


AYON SA UTOS NI HERODES, nagpadala siya ng mga sundalo mula sa Herusalem upang patayin “ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa buong nasasakupan nito na may dalawang taon pababa, ayon sa oras na sinabi sa kanya ng tatlong Hari.” (Mt 2:16) Napuno ng mga iyak ng mga inosenteng bata at ng kanilang mga ina ang buong lungsod ni David. ”Naganap ang sinabi ng propetang si Jeremias: ‘Isang tinig ang narinig sa Rama, panaghoy at matinding pagtangis, tumatangis si Raquel para sa kanyang mga anak; ayaw niyang pagaangin ang loob niya, sapagkat wala na sila.’” (Mt 2:17–18). Ibinigay ng mga batang ito ang kanilang buhay para kay Hesus. [4] Namatay silang hindi man lang nalalaman kung bakit sila namatay. Nakita ng kanilang mga ina na pinutol ang inosenteng buhay ng kanilang mga anak at hindi nila maunawaan kung bakit. Sa unang tingin, tila walang paliwanag sa pangyayaring ito—isang walang saysay at di-makatarungang pagdurusa ng mga bata gamit ang kanilang sariling buhay, bago pa nila ito maunawaan. 

Niyakap ng puso ni Maria ang mga inang nagdurusa, na wala nang luha upang ibuhos sa sobrang pasakit. Hindi niya lubos na nauunawaan, ngunit alam niyang may kahulugan ito, at marahil nagsisimula na niyang maunawaan na hindi maisasakatuparan nang walang malaking sakripisyo ang mga plano ng Diyos. Walang masabi ang wikang pantao sa harap ng ganitong pagdurusa. Itinago ni Maria ang pangyayaring ito sa kanyang puso habang siya’y nabubuhay. 

Ang mga Banal na Sanggol ang nagbigay-saksi kay Kristo, “non loquendo sed moriendo” [5], hindi sa pamamagitan ng pagsasalita kundi ng kanilang kamatayan, ang unang bunga para sa Diyos at kay Kristo (Apoc. 14:4). Marahil matapos mamatay ang sariling Anak, nakausap niya ang ilan sa mga babaeng iyon mula sa Betlehem. Imposibleng aliwin sila, ngunit tiyak na may mga salitang kaya niyang ipanatag at pagalingin ang kanilang mga sugatang puso. Alam niyang ngayo’y pinag-isa sa buhay ng kanyang Banal na Anak ang mga buhay ng mga Banal na Sanggol..


[1] Papa Francisco, Liham sa mga Obispo sa Kapistahan ng mga Banal na Sanggol, 28 Disyembre 2016.
[2] San Josemaría, In Dialogue with the Lord, pagninilay “Saint Joseph, our Father and Lord,” blg. 3.
[3] Papa Francisco, Liham sa mga Obispo sa Kapistahan ng mga Banal na Sanggol, 28 Disyembre 2016.
[4] Tingnan si San Agustin, Sermon 373 on the Epiphany.
[5] Panalangin ng Misa