Mga Pagninilay: 23 Disyembre

Ilang pagninilay na makatutulong sa ating panalangin habang hinihintay natin ang pagdating ng Batang Hesus sa Pasko.

Ang mga paksa ay:

  • Misyon ni Juan
  • Pagkukubli at Paglalaho
  • Tahimik na Paraan ng Paggawa ng Diyos

ANO KAYA ANG MANGYAYARI SA BATANG ITO? (Lucas 1:66). Sa kanilang munting nayon, ang mga kaibigan nina Zacarias at Isabel ay sadyang namangha. Kahanga-hangang mga bagay ang nangyayari sa paligid ng kapanganakan ni Juan. Ang pagkagunam ay lumalaki sa bawat sandali. Katatapos lamang manumbalik ang pananalita ng kanyang ama at ang lahat ng kanyang mga salita ay pagbibigay papuri sa Diyos. Hindi maikubli ni Zacarias ang kanyang tuwa at pasasalamat. Nararamdaman ng mga tao sa paligid niya ang pagkilos ng Diyos sa lahat ng mga pangyayaring ito kaya’t ayaw nilang makaligtaan ang anuman. Itinatala nila ang bawat salita sa kaibuturan ng kanilang mga puso.

Sa nayon na iyon nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak ang malaking biyayang ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon (Lucas 1:58). Sa Paskong ito, na ngayon ay nasa ating pintuan, tayo man ay nais marinig muli ang tungkol sa mga awa ng Diyos: kung gaano Siya kabuti, kung gaano Niya tayo kamahal, at kung paanong nais Niya tayong iligtas at palayain mula sa kasalanan. Maaari tayong humiling ng tulong sa mga kamag-anak ni Maria upang talasan ang ating pandinig at ihanda ang ating sarili sa abot ng ating makakaya upang tanggapin ang kamangha-manghang kaloob na katubusan. Sa panahong ito ng Kapaskuhan, hindi natin nais na palampasing mapakinggan ang banayad na tinig ni Hesus. “Tayo’y manahimik at hayaang ang Bata ang magsalita. Isapuso natin ang Kanyang mga salita habang taimtim na pinagmamasdan ang Kanyang mukha. Kung Siya’y kukunin natin sa ating mga bisig at pahihintulutan natin ang ating mga sarili na yakapin Niya tayo, dadalhin Niya tayo sa walang hanggang kapayapaan ng puso.” [1]

Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, makikita natin na kapapanganak pa lamang ng Tagapagpauna. Hindi siya ang Mesiyas—at alam niya ito. May ilang mga tao na tahasan siyang tatanungin tungkol dito. At nalalaman natin na palagi siyang tumutugon ng gayon ding magkatulad na pamamaraan: Dapat Siyang lumaki at ako ay lumiit (Juan 3:30). Minsan, hindi madali para sa atin na hayaan ang Panginoon na kumilos. Hindi madaling matutunan ang magbigay daan. May katiyakan na tayo ay nakapaloob sa pang-apostolikong misyon Niya at marahil ay nakapanalangin nang higit para sa isang tao. Gayunpaman, alam ng isang tunay na apostol kung papaano kinakailangan na manatili sa bahaging likuran. Alam nating hindi tayo kailanman gayon labis na mahalaga at hindi nagnanais na siyang maging pangunahing natatampok. Tayo ay nagsusumikap upang dalhin ang mensahe ni Kristo, at hindi ang sa ating pangsarili, sa mga kaluluwa. Maaari nating hilingin kay San Juan Bautista upang tulungan tayong maging, tulad niya, mabubuting “tagapagpauna” para sa pagdating ni Hesus sa buhay ng maraming mga tao sa ating paligid.


ANG KALUGURAN SA ISANG BAGAY ay nangangahulugan nang pagpapahalaga sa bunga na ipinagkakaloob. Ang laging nakikita ng isang apostol ay bunga. Sapagkat alam natin na walang anuman na ginagawa natin na kasama si Kristo ay babagsak lamang sa mga taingang walang pandinig. Lagi nating ikinagagalak ang pagsasakatuparan ng pang-apostoladong misyon, kahit na wala tayong nakikitang mga ibinubunga. Ang kaparaanan kung saan isinakatuparan ng Diyos ang pagtubos ay mahiwaga. Ang pagsilang ng Kanyang Anak, na malapit na nating ipagdiwang, ay naganap halos nang walang nakakaalam ang hinggil dito. Si Juan ay isang mabuting Tagapagpauna sapagkat tulad ni Hesus, siya’y maingat, payak, at hindi mapagpanggap. Gaya ng sinabi ni San Agustin: “Nakita niya kung saan naroroon ang kaligtasan; naunawaan niyang siya’y isang sulo lamang, at natatakot na mapatay ng hangin ng pagmamataas.” [2]

Ang pagkukubli at paglalaho ay nakapagpupuno sa kaluluwa ng isang apostol ng kapayapaan, sapagkat ang mga nabubuhay nang ganito ay nakababatid na sila ay isang kasangkapan. Nalalaman nilang hindi sa kanilang balikat nakasalalay ang lahat ng bigat ng mga gawain. Kapag maganda ang kinalabasan, alam nilang ang Diyos ang may gawa nito. Kapag hindi naman maganda, hindi sila nababahala dahil tiwala silang Diyos ang magsasaayos. At hindi nito pinapanghina ang kanilang sigasig o ang likas nilang sigla. Bagkus, inaalis nito ang kaigtingan, pagkabalisa, at pagkamatigas. Kapag napuna nating may mga bagay na dumudulas sa ating kamay, maaari nating sabihin sa ating Panginoon na nagtitiwala tayo sa Kanya, na hindi tayo naghahanap ng ating pansariling kapakinabangan kundi nais natin na tayo ang maging siyang daluyan kung saan ang Kanyang kagalakan ay maipararating sa mga nasa paligid natin.

Maraming mga banal ang nakaramdam ng pag-uudyok upang mamuhay ng may ganitong kababaang-loob. Nais nilang tularan si Hesus at, tulad Niya, ay ang hanapin lamang ang kaluwalhatian ng Diyos. Maaaring mag-anyo na ang paglalaho ay tila pag-atras, pagtakas sa misyon subalit hindi ito ang katotohanan. Makikita natin ito nang buong linaw sa buhay ni Juan Bautista at ng lahat ng mga banal: ang kanilang kababaang-loob ay hindi kailanman naging dahilan para pabayaan ang mga kaluluwa ng iba sa kapaligiran nila. Sabi ni San Josemaría: “Simula nang ako’y magpasiyang makinig sa tinig ng Diyos, matapos madama ang pag-ibig ni Hesus, naramdaman ko sa kaluluwa ko ang isang hangaring ikubli ang aking sarili at mawala; upang isabuhay ang mga salitang illum oportet crescere, me autem minui (Juan 3:30) – na ang kaluwalhatian ng Panginoon ay dapat lumaki, at ako’y mawala sa paningin.” [3] Sa ibang mga pagkakataon, sinabi niya nang higit na matuwid: “Ang aking daan ay ang magkubli at mawala, upang si Hesus lamang ang makitang kumikinang.” [4]


NAUNA RING LUMAKAD SI JUAN sa unahan ni Kristo nang dumating ang oras para sa kanya upang ialay niya ang sariling niyang buhay. Tiyak na malaking kagalakan para sa kanya na makita ang kanyang mga alagad na natagpuan ang Mesiyas at kung papaano sila nanatili sa Kanya. Nang siya’y madakip at malapit nang pugutan, hindi niya alam na ang Mesiyas mismo ay susunod sa kanyang yapak. Si Juan Bautista ang pinakadakila sa mga isinilang ng babae (cf. Mateo 11:11), at gayon pa man ay namuhay siyang nagsisikap na manatiling nakatago. Ang pangalang Juan ay may pangangahulugang “pinagpala ng Diyos.” Ang Diyos ang nagbibigay ng kasiyahan sa mga nananatiling nakatago, pinakakalooban siya ng kapayapaan, at binibigyang kakayahang ikagalak ang buhay. Nagiging magaan at matitiis ang kanilang pasanin.

Ang plano ng Diyos ay sa ganitong kaparaanan isinasakatuparan: matahimik at hindi napapansin ng marami. Napagpasiyahan na ni Kristo kung paano Niya nais maghari: mula sa Krus, mula sa paghihirap na isang pangangailangan nang pagdadala ng kasalanan ng sangkatauhan. “Ang pagyukod ng Diyos ay naging makatotohanan sa isang kaparaanang hindi kailanman maisip noon. Ang Manlilikha, na hawak ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, na siya nating lahat pinakaaasahan, ay pinaging maliit ang kanyang sarili at nangangailangan ng pagmamahal ng tao. Ang Diyos ay nasa sabsaban. Paano, kung mamarapatin pa, na ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, ang Kanyang pagmamalasakit para sa atin ay higit pang maipapakitang dakila at dalisay? Ang ulap ng pagiging tago, ang ulap ng kasalatan ng isang Batang ganap na nangangailangan ng pagmamahal, ay siya ring ulap ng kaluwalhatian. Sapagkat wala nang lalong higit pang dakila, wala nang hihigit pa sa pag-ibig na ganito nagpakayukod ng ulo, nagpakababa, ganito lubos na umasa.” [5]

Hilingin natin sa Mahal na Birheng Maria, ang mapagpakumbabang babae ng Nazareth na siyang laging nagnanais na si Hesus ang maging pinakatampok, na tulungan tayong maging kapakipakinabang at maging mga matahimik na kasangkapan sa kamay ng Pinakamahusay na Manggagawa sa kasaysayan.


[1] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2015
[2] San Agustin, Sermon 293
[3] San Josemaría, Liham, 29 Disyembre 1947 / 14 Pebrero 1966, 16
[4] San Josemaría, Liham, 28 Enero 1975
[5] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24 Disyembre 2008