Ang mga paksa ay:
- Si Maria ay nagmadaling pumunta sa kabundukan
- Pasasalamat sa kabutihan ng Diyos
- Ang kagalakan ng mga naniniwala
“Nang mga araw na iyon sy lumabas si Maria at nagmamadaling naparoon sa bulubundukin, sa isang lungsod ng Juda” (Lucas 1:39). Naramdaman ni Maria na kailangan siya ng kanyang pinsan kaya’t siya’y nagmadali. Napakapalad ni Isabel na magkaroon ng isang gayong kamag-anak — labis na boluntad, matalas ang pakiramdam, at lubhang bukas sa pangangailangan ng iba. “At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin?” (Lucas 1:43). Marahil ay maaari rin nating sabihin sa ating Panginoon sa isang panalangin ang tulad nito: Bakit ako napakamapalad upang makilala ka, Panginoon, na makausap ka ngayon, ang mapasaakin ka sa aking kaluluwa? Tatanungin natin si Santa Isabel, kung sino ang tumanggap ng unang pagdalaw ng nagkatawang-taong Mesiyas, upang tulungan tayong magpasalamat sa Diyos sa kanyang mapagkandiling awa para sa bawat isa sa atin. At tayo rin, tulad ng ating Mahal na Ina, ay sabik na lumabas nang nagmamadali upang ibahagi ang handog na ito sa maraming kaluluwa.
Lubos na naantig ang kalooban ni Isabel nang dumating ang kanyang pinsan. At nadama niya ang Espiritu Santo na pinupuspos ang kanyang puso ng kanyang pag-ibig. Mula pa sa pinakasimula ng bagong tipan, ibinubuhos ng Diyos ang kanyang grasya sa mga kaluluwa ng mga taong pinahihintulutan ang kanilang mga sarili upang aliwin niya. Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo na si Maria ay puspos ng grasya at si Isabel ay pinuspos ng Espiritu Santo. Gayon na lang kamangha-mangha ang kakayahan ng puso ng tao na tanggapin ang Diyos! Namangha si San Josemaría sa kadakilaan ng isang Manlilikha na labis ang pagnanais na mapalapit sa atin: “Napakadakila Mo, napakaganda, at napakabuti! At ako, gayon na lang kahangal, nagkukunwaring maiintindihan Kita. Gaano Ka na lamang kaliit kung Ikaw ay kakasya sa aking isipan! Ikaw ay nagkakasya sa aking puso, na hindi maliit.” [1]
SA HARAP NG KADAKILAAN ng misyon na kanilang tinanggap, hindi umatras sa takot ang dalawang magpinsan na ito. Hindi nila hinayaan ang kanilang mga sarili na matangay ng takot ng kabiguan o pagkabahala. Nagtiwala sila ng lubos sa Diyos, at labis ang kanilang pasasalamat. Nakita nila ang sarili na binaha ng mga kaloob ng Diyos at nagpasalamat, nang hindi nagbibigay ng labis na pagpapahalaga sa mga kahirapan o sa kung ano man ang maaaring mangyari sa hinaharap.
Ganito natin nakita ang dalawang ina na ito: payapa, masaya, at mapagpasalamat. Alam nilang sila’y mahal ng Diyos at ito ang nagtutulak sa kanila na lagpasan ang mga kadahilanang makatao. Labis ang paghahangad nina Maria at Isabel na isakatuparan ang nais ng Diyos. Ang kanilang mga anak, bawat isa sa magkaibang kaparaanan, ay gagawa ng isang tanda na bago at pagkatapos sa kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi nila masyadong iniintindi kung paano ito mangyayari; buo ang tiwala nilang ang Diyos ang gagawa ng lahat. “Mapalad ka sa iyong pananampalataya, sabi ni Isabel sa ating Ina. Ang pakikiisa sa Diyos, ang sobrenatural na buhay, ay laging dinadala na kasama niya ang kaakit-akit na pagsasabuhay ng mga birtud. Dinala ni Maria ang kagalakan sa tahanan ng kanyang pinsan, sapagkat ‘dala’ niya si Kristo.” [2]
Para kay Isabel, ang katahimikan ng kanyang asawa na si Zacarias ay isa ring pinagmumulan ng grasya. Ito marahil ang nagtulak sa kanya upang lalong manalangin at upang hilingin nang tuwiran sa Diyos ang kahulugan ng Kanyang mga plano. Lubos ang pagkakaisa, buong tahimik na naghanda sina Isabel at Zacarias para sa pagdating ni Juan. Ito ay nakatulong upang isantabi ang mga mabababaw na bagay na makatatakip sa dakilang misteryo ng kaligtasan na unti-unting nabubuksan sa harap ng kanilang mga mata. Sila ay pinili upang maging mga kamag-anak ng Mesiyas, at sapat na ito upang punuin ang kanilang mga oras nang patuloy na pakikipag-usap sa Diyos.
“PINAGPALA KA sa mga babae” (Lucas 1:42). Ito marahil ang isa sa mga pinakapaulit-ulit na parirala sa kasaysayan. Sinasambit natin ito sa bawat Aba Ginoong Maria, kasama ang lahat ng mga mananampalataya sa lahat ng panahon. At ang mga taon ang nagbigay patibay na hindi nagkamali si Isabel. Ang mga nagtitiwala sa Diyos ay higit na masaya. Ang tanging mga pangakong tiyak at hindi kailanman pabagu-bago ay ang sa Diyos. Tulad ng sa bokasyon ni Maria at gayon din sa buhay ni Isabel, nakikita natin na ang kagalakan ay may mahalagang pinagmumulan: si Juan ay lumundag sa tuwa sa sinapupunan ng kanyang ina sa pagdating ni Hesus.
Tayo rin ay magnanais na nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng oras. Nais nating madama, kahit sa pisikal, ang presensya ni Kristo, ang Kanyang pagiging malapit. Tiyak na si Santa Isabel ay nanalangin ng maraming taon bago ang mga pangyayaring ito. Marahil ay tinanggap na niyang hindi siya magkakaanak. Noon sa panahong iyon pumasok ang Diyos sa kanyang buhay, at ginawa siyang ina ng pinakadakila sa mga isinilang ng babae (cf. Mateo 11:11). Ganito ang kahalintulad ng Diyos at ganito ang kanyang ginagawa sa ating sariling buhay. Kung saan wari ba tayo ay may mga kakulangan ay doon niya tayo pinagpapala. Kung saan tayo nasisiphayo upang marating, pinupuno niya ito ng kanyang grasya. Kung saan tayo sumusuko sa Kanyang Pagkalinga, makikita natin na ang Kanyang mga plano ang pinakamainam na makapangyayari. “Malayang bumababa ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal ay hindi maaring ipagpalit sa anuman: wala tayong ginawa upang tayo ay maging karapat-dapat, at hindi rin natin ito kailanman mababayaran.” [3]
Sino ang mag-aakalang anim na buwan bago nito, na ang kanyang pinsan ay magiging ina ng Mesiyas, at siya naman ay magiging ina ng Tagapagpauna? Gaano kadalas na ang ating pananampalataya ay sinusubok ng mga salungat na kalalagayan o ng ating paghahangad na bigyang puwang ang lahat ng iba’t-ibang uri ng kaparaanan at mga posibilidad sa hinaharap. Maaari nating hilingin kina Isabel at Maria na tulungan tayong magpasalamat nang kahalintulad sa kanilang kagalakan. At bakit ipinagkaloob sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay magsadya sa akin? (Lucas 1:43).
[1] San Josemaría, Preaching Notes, 9 Hunyo 1974
[2] San Josemaría, Furrow, 566
[3] Papa Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2019