Ang mga paksa ay:
- Ang Kagalakan ng Bawat Bokasyon
- Pagtanggap ng biyaya mula sa Diyos
- Pahintulutan ang Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa atin
Si Arkanghel San Gabriel ay may maselan na misyon na dapat isakatuparan. Dumating na ang takdang panahon. Itinuon ng Diyos ang kanyang pananaw sa isang dalaga mula sa Nazaret upang gampanan ang kagiliw-giliw na kasaysayan ng kaligtasan ng Kanyang mga anak. Binati ng mensahero yaong tao na puspos ng grasya, at ang buong sangnilikha ay napapagpigil hininga. “Sa mga pangungusap na ito siya ay nagitla at pinagdili-dili ang kahulugan ng gayong pagbati” (Lk 1:29). Maraming likhang sining ang naglalarawan kay Maria na nagbabasa ng Banal na Kasulatan nang kanyang tanggapin ang pagbati ng anghel. At ang ganitong mapagnilay na pag-uugali marahil ang nagpapahintulot kay Maria na magkaroon ng patuloy na pakikipag-usap sa Diyos, sa isang pamalagiang “pagsasaalang-alang” na siyang pinakabuhay ng panalangin.
Bilang isang pagkakaiba kay Maria, ganoon na lang kadalas nating makita na hirap tayo na bigyang pagpapahalaga ang mga paanyaya ng Diyos. Minsan ay sumasaisip pa natin na may nais na alisin ang Diyos sa atin, na hinihingi Niya sa atin na isuko natin ang kaligayahan sa mundo upang bigyang katuparan ang Kanyang kalooban. Subalit ang katotohanan ay hindi maaaring higit na naiiba. Ang Diyos ang siyang may pinakasadyang pagnanais na tayo'y maging masaya, na mapuno ng kagalakan, at maibahagi ang Kanyang walang hanggang kaligayahan. Niyakap Niya ang Krus na iyon ang tanging layunin. At tanging ang ating kalayaan lamang ang maaaring humadlang sa Kanyang masidhing hangarin. “Huwag kayong matakot kay Kristo!” sabi ni Papa Benedicto XVI sa simula ng kanyang paglilingkod bilang Papa. “Wala Siyang aalising anuman, at sa inyo ay ipinagkakaloob ang lahat. Kapag ibinigay natin ang ating sarili sa Kanya, tatanggap tayo ng isandaang makaulit bilang kapalit. Oo, buksan, buksan ninyo nang maluwang ang mga pintuan para kay Kristo, at makatatagpo kayo ng tunay na buhay.” [1]
Sa Ebanghelyo ng Misa ngayong araw na ito, ipinapakita sa atin ng Simbahan ang bokasyon ng ating Inang Maria, na ang kanyang kasaysayan ay kapareho rin ng ating sariling buhay. Ang bawat bokasyon ay isang panawagan tungo sa kagalakan. Sa katotohanan, “ang kaligayahan ng Langit ay para sa mga marunong maging masaya dito sa lupa.” [2] Kapag may hinihingi sa atin ang Diyos, sa katunayan Siya ay nag-aalok ng isang handog. Ang Kanyang liwanag ang gumagabay sa ating landas, nagpupuno ng kabuluhan sa ating buhay, at nagtutulot sa atin upang makapagsagawa ng pinakadakilang bunga.
HUWAG KANG MATAKOT, Maria, sapagkat naging kalugod-lugod ka sa mata ng Diyos (Lk 1:30), Ipinapakita ng mga salitang ito ng anghel kung paano tinitingnan ng Maylikha ang Kanyang pinakamagandang nilikha. Si Maria ay, sa isang kaparaanan, ang pangarap ng Diyos, ang Kanyang aliw, ang Kanyang pag-asa. Mahirap para sa atin upang mabatid na maaari tayong tingnan ng Diyos sa ganitong kaparaanan. Siyempre, alam natin na ang Diyos ay mahabagin, at kanyang ipinagkakaloob ang Kanyang grasya at ibinabalik ito sa tuwing kailangan natin. Ngunit para “matagpuan Niya ang Kanyang pagka-ayaaya” sa atin, upang makapagdulot tayo sa Kanya ng kagalakan gaya nang ginawa ni Maria — tila ito'y isang bagay na di natin kakayaning abutin.
Ngunit, “ang mismong pagkakabuod ng mga pananalita ng anghel ay tumutulong sa atin upang maunawaan na ang biyaya ng Diyos ay tuluy-tuloy, hindi pansamantala o panandalian; sa kadahilanang ito, ito’y hindi mawawalang bisa. Maging sa hinaharap, laging naroroon ang grasya ng Diyos upang tayo’y mapangalagaan, lalo na sa mga sandali ng pagsubok at kadiliman. Ang tuloy-tuloy na pamamalagi ng makalangit na grasya ang naghihikayat sa atin upang yakapin ang ating bokasyon nang may kapanatagan; ang ating bokasyon ay humihingi ng matibay na pangako ng katapatan na nangangailangan upang isagawa araw-araw. Ang landas ng ating bokasyon ay hindi nawawalan ng kanyang mga krus: hindi lamang sa ating mga paunang pag-aalinlangan, subalit gayon din sa mga malimit na tuksong lumilitaw sa daan. Ang pakiramdam nang pagiging di-karapat-dapat ay sumasama sa alagad ni Kristo hanggang wakas. Ngunit nalalaman niyang nandodoon ang tulong ng grasya ng Diyos.”
“Ang mga salita ng anghel ay bumababa sa ating mga likas na makataong takot, at nilulusaw ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Mabuting Balita kung saan tayo ang tagapagpahayag. Ang ating buhay ay hindi isang likas na pagkakataon lamang o basta lamang isang pakikibaka upang mabuhay. Sa halip, ang bawat isa sa atin ay isang pinagyamang kasaysayan na mahal ng Diyos. Na tayo ay nakatagpo ng “pagkagiliw sa Kanyang mga mata” ay nangangahulugang ang Maylikha ay may nakikitang isang natatanging kagandahan sa ating pagkatao at Siya ay may kahanga-hangang plano para sa ating buhay. Ang kamalayan sa katiyakan na ito, samakatuwid, ay hindi lumulutas sa ating mga suliranin at hindi rin nag-aalis ng mga pag-aalinlangan ng buhay. Subalit ito ay may kapangyarihan upang papanibaguhin nang may higit na kalaliman ang ating buhay. Ang kawalang kasiguruhan na taglay ng bukas para sa atin ay hindi isang madilim na banta na kinakailangan nating mapaglabanan, kundi isang kaaya-ayang pagkakataong ipinagkaloob sa atin upang isabuhay ang pagkakatangi ng ating bokasyon, at upang ibahagi ito sa ating mga kapatid sa Simbahan at sa daigdig.” [3]
ANG MGA PAYAK NA KALULUWA ang nakapagkakamit nang pagkaaya-aya sa harap ng Diyos, sila na mga marunong hayaan ang kanilang mga sarili upang mahalin at itaas sa taluktok ng kabanalan. Walang nakapagbibigay kagalakan sa isang ama nang gayon na lamang upang makitang nagliliwanag ang kanyang mga anak. “Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” Maraming taon bago pa man sambitin ni Maria ang mga salitang ito, sa sandali nang pagtatalaga ng tipan sa Piniling Bayan, “Dumating si Moises, ibinalita niya sa mga tao ang lahat ng sinabi at ipinag-uutos ng Panginoon, at ang buong bayan ay sabay-sabay na sumagot, ‘Tutuparin namain ang lahat ng sinabi ng Panginoon.’” (Ex 24:3). Iisang pandiwa ang ginamit nina Maria at ng Bayang Pinili. Ang bayan ng Israel, datapuwat, ay inilagay ang tuon ng pansin sa kanilang sariling pagkilos, sa “paggawa,” gayong si Maria ay umasa sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa kanya, sa “hayaang maganap ito.” Bagaman ang ikalawa marahil ay mukhang higit na madali, nalalaman natin na sa kadalasan ang kabaligtaran ang nangyayari. Ipinagkakamali nating bigyan nang higit na pagpili na ilagay ang lahat ng bagay sa ating kapangyarihan; sa mga bagay na humuhulagpos sa ating mahigpit na pagbabantay at ang mga pansarilinan nating pinapakay ang kadalasang nagdudulot sa atin ng pag-aalala.
Ang Adbiyento ay panahon ng kagalakan, ng masayang pagdiriwang, ng kapayapaan. Alam natin na hindi mawawala ang mga hirap. Ngunit tayo ay naliligtas kapag natututo tayong magsabi ng “Oo” sa pagkilos ng Diyos. “Inaanyayahan din tayo ni Maria na sabihin ang ‘Oo’ na ito na kung minsan ay tila napakahirap... Marahil sa una ito ay tila isang pabigat na di kakayanin, isang pamatok na di maaaring dalhin; subalit sa katotohanan, ang kalooban ng Diyos ay hindi isang pabigat, ang kalooban ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng mga bagwis upang lumipad nang mataas at nang sa gayon tayo man ay makakapangahas, kasama ni Maria, upang buksan ang pinto ng ating mga buhay sa Diyos, ang mga pinto ng daigdig na ito, sa pagsasabi ng “Oo” sa kalooban niya, na may kabatiran na ang kalooban na ito ay ang tunay na mabuti at nagdadala sa atin sa tunay na kaligayahan.”[4]
Ang pagsasabi ng “Oo” ay ang paghiling sa Diyos na ang Kanyang kalooban ay maganap; ang paghingi ng grasya na huwag tayong maging balakid sa Kanyang mga plano, na huwag hadlangan ang pagkilos ng Espiritu Santo. Hindi madali upang bigyan ng puwang sa ating puso para sa ganito kayamang pag-ibig. Ang hamon ay ang matanto na “ang pinakamahalaga ay hindi ang hanapin Siya, kundi ang hayaan ko Siyang hanapin ako, matagpuan ako, at yakapin ako nang may paglalambing. Ang katanungang payak na ibinibigay sa atin sa harap ng Sanggol ay: pinahihintulutan ko ba ang Diyos na mahalin ako?” [5] Maaari nating pasalamatan si Hesus at ang Kanyang pinagpalang Ina para sa ating landas ng kabanalan; isang buhay na hinasikan ng araw-araw na kagalakan, napakakaraniwan ngunit kaalinsabay ay banal.
[1] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 24 Abril 2005
[2] San Josemaría, The Forge, blg. 1005
[3] Papa Francisco, Mensahe para sa ika-33 Pandaigdigang Araw ng Kabataan, 25 Marso 2018
[4] Papa Benedicto XVI, Homiliya, 18 Disyembre 2005
[5] Francisco, Homiliya, 24 Disyembre 2014