Mga aktibidad ng Opus Dei

Espirituwal na paghubog, ebanghelisasyon, edukasyon, at mga apostoladong korporatibo

Mga aktibidad

Tumutulong ang Opus Dei sa espiritwal na paghubog ng mga Kristiyanong nagnanais mapaunlad ang kanilang buhay espiritwal at mapalaganap ang Mabuting Balita. Ang mga aktibidad na ito ay ginaganap sa mga sentro ng Opus Dei o maaaring sa parokya, opisina, o pribadong tahanan. Kahit sino ay maaaring makinabang sa mga ito.

“Ang pangunahing gawain ng Opus Dei ay nasa pag-alok sa mga miyembro nito, at sa iba pang mga nagnanais, ng espiritwal na tulong na kailangan nila upang mamuhay bilang mabubuting Kristiyano sa gitna ng mundo,” paliwanag ni San Josemaría.

Espirituwal na paghubog

Dumadalo ang mga miyembro ng Prelatura sa mga lingguhang pag-aaral na tinatawag na “sirkulo” (circle), kung saan tinatalakay ang mga turo ng Simbahan at ang Katolikong pamumuhay. Naglalaan din sila ng iilang oras ng pagninilay (recollection) bawat buwan, upang personal na makapagdasal at mapagmumuni-muni ang mga tema ng buhay-Kristiyano. Bukod dito, naglalaan din sila ng panahon para sa isang retiro (retreat) bawat taon.

May mga katulad na aktibidad para sa mga kooperador (cooperator), mga kabataan, at sinumang nagnanais lumahok. Ang Prelatura ay nag-aalok rin ng paggabay espirituwal (spiritual direction, o spiritual accompaniment) at mga klase ng katesismo, mga aral doktrinal at asetiko.

Karaniwang nagaganap ang mga gawaing paghubog (formation) na ito sa mga sentro ng Opus Dei o sa alinmang angkop na lugar. Halimbawa, maaaring isagawa ang sirkulo sa bahay ng isa sa mga kalahok, at maaari ring magkaroon ng buwanang recollection sa isang simbahan kapag pinahintulutan ng kura paroko.

Ebanghelisasyon

Ang pinakamahalagang apostolado sa Opus Dei ay ang personal na apostolado na isinasagawa ng bawat isa sa kani-kanilang kapaligiran at mga kasamahan. Sinisikap ng mga miyembro ng Prelatura na maipalaganap ang Mabuting Balita sa pang-araw-araw na mga pagkakataon, sa pamamagitan ng salita, gawa at mabuting halimbawa.

Sa ganoon, ang kanilang mga gawaing apostoliko ay hindi limitado sa ilang nakatakdang larangan lamang (edukasyon, pangangalaga ng mga may sakit at may kapansanan, atbp.) kundi ay nasasaklaw ang lahat ng marangal na gawain sa mundo. Pinapaalala ng Opus Dei ang turo ng Simbahan: ang bawat isa, saanman siya naroroon at sa alinmang larangan, ay dapat tumulong na matugunan ang mga suliranin ng lipunan sa maka-Kristiyanong paraan at magbigay-saksi sa pananampalataya.

Apostoladong korporatibo

Ang ilan sa mga miyembro ng Opus Dei, kasama ang ilang mga kooperador at iba pang mga nais tumulong, ay nagsasagawa rin ng mga proyektong pangkawanggawa o pang-edukasyon. Ipinagkakatiwala ang Kristiyanong oryentasyon ng mga ito (ang kanilang oryentasyong pang-espiritwal at doktrinal) sa Prelatura. Ang mga inisyatibang ito ay may katangiang sibil at di-pangkitaan; ang layunin ay makapagapostolado at makapaglingkod.

Kabilang sa mga gawaing ito ang mga paaralan, kolehiyo, sentro para sa kaunlaran ng kababaihan, pagamutan para sa mga malalayong pook, paaralan para sa mga mambubukid, vocational school, tirahang pang-estudyante, sentrong pangkultura, atbp. Itinatatag ang mga inisiyatibang ito upang matugunan ang iilang panlipunang pangangailangan. Hindi lumalahok ang Prelatura sa anumang panukalang komersyal o pampulitika.

Ang mga nasabing apostolado ay tinatawag na “korporatibo,” sapagkat kaiba nila ang apostoladong personal na siyang pangunahing apostolado ng Opus Dei.

Ang mga apostoladong korporatibo ay karaniwang pagmamay-ari ng mga non-profit corporation. May sarili silang lupong tagapangasiwa at mga tauhang administratibo. Inaako ng Prelatura ang responsibilidad para sa espiritwal at doktrinal na gawi ng mga ito. Ibig sabihin, tinitiyak ng Opus Dei na maging tapat sa turo ng Simbahang Katolika ang kanilang pamamalakad at proyekto. Ngunit hindi nito inaalis ang pagiging bukas sa mga taga-ibang relihiyon. Maingat na ginagalang ang lehitimong kalayaan ng lahat.

Wala sa Opus Dei ang responsabilidad sa pagpapatakbo ng mga proyektong ito: tanging espiritwal at doktrinal na oryentasyon ang pananagutan ng Prelatura. Tulad ng alinmang institusyon, may sariling pamamaraan ang mga ito pagdating sa pagpopondo, maging sa pag-ambag ng mga nakikinabang, pagtanggap ng gawad, atbp. Maaari ring makatanggap ang mga proyekto ng donasyon mula sa mga miyembro ng Opus Dei, sa mga kooperador, at pati na rin sa gobyerno o sa mga pribadong pundasyon.

Bukod sa apostoladong korporatibo, may iba pang mga proyektong isinusulong ang mga miyembro ng Prelatura kaagapay ng kanilang mga kaibigan. Kahit hindi umaasa ang mga ito sa Opus Dei para sa kanilang espiritwal at doktrinal na oryentasyon, ngunit nakakatulong pa rin ang Prelatura sa ibang pamamaraan, kagaya ng pagtatalaga ng isang pari bilang kapelyan para sa institusyon.

Mga halimbawa ng apostoladong korporatibo:

  • Ang Unibersidad ng Navarra. Matapos maitatag noong 1952 sa Pamplona, Espanya, ngayon mayroon itong 20 na paaralan at instituto. Ang kampus sa Pamplona ay may kasamang paaralang medikal na may ospital. Isang paaralang pangnegosyo, ang Instituto de Estudios Superiores de la Empresa (IESE), ay matatagpuan sa Barcelona. Kabilang sa iba pang mga inisyatibang pang-edukasyon sa antas ng pamantasan ang Unibersidad ng Piura (Peru), Unibersidad ng La Sabana (Colombia), at Unibersidad ng Asya at Pasipiko (Pilipinas).
  • Ang Monkole, sa Kinshasa, ay isang ospital na naglilingkod sa libu-libong tao na nasa matinding pangangailangan taun-taon. Nagbibigay din ito ng tulong medikal sa pamamagitan ng mga klinikang naglilibot sa dalawang pook sa labas ng kabisera (Eliba at Kimbondo). Kaugnay rin ng Monkole ang Higher Institute of Nursing, na naghahanda sa mga kababaihan ng Congo para sa propesyon ng pagiging nars.
  • Ang Punlaan sa Manila ay isang paaralang espesyalista sa sining ng pagluluto, at sa industriya ng restawran at hotel. Kasama sa sistemang pang-edukasyon nito ang direktang pakikipag-ugnayan at pagsasanay sa mga hotel at restawran na mga kasosyo nito sa industriya. Sa nakalipas na mga taon, agarang nakahanap ng angkop na trabaho ang mga kabataang babaeng nag-aral sa Punlaan.
  • Ang Midtown Sports and Cultural Center sa Chicago, na nakatayo sa isang pook na pinaninirahan ng maraming kabataan ng sari’t saring lahi, ay nag-aalok ng mga programang nagbibigay ng araling akademiko, makatao, espiritwal, at atletiko. Nakatutulong ang mga programang ito upang mapunan ang ilang mga kakulangan sa lokal na panlipunang kapaligiran. Ayon sa ulat noong 2015, sa nagdaang labinlimang taon, 100% ng mga estudyante ng Midtown ang nakapagtapos ng mataas na paaralan at nakapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo, higit sa karaniwang naaabot ng mga kabataan ng nasabing lugar.
  • Ang Toshi, malapit sa lungsod ng Mexico, ay isang institusyong pang-edukasyon para sa kababaihan ng mga mambubukid na iba’t-ibang katutubo. Kabilang sa mga gawain dito ang pagbibigay ng pagsasanay sa pangangasiwa, upang matulungan ang mga kababaihan na magkaroon ng kakayahan sa mga gawaing pangnegosyo o pangpamahalaan sa mga karatig na lungsod.