Ang mensahe ng Opus Dei

Tumutulong ang Opus Dei upang matagpuan si Kristo sa trabaho, buhay pamilya, at lahat ng pangkaraniwang gawain.

Itinuro ng Ikalawang Konsilyong Vaticano na ang bawat Kristiyano, mula sa kanyang pagkabinyag, ay tinawag upang maging tapat na tagasunod ni Hesukristo sa pagsasabuhay ng Ebanghelyo at sa pagpapahayag ng mga aral nito sa iba.

Layunin ng Opus Dei na makiisa sa misyon ng Simbahan na ipalaganap sa lahat ng Kristiyano, anuman ang kanilang kalagayan, na mamuhay ayon sa pananampalataya sa bawat sandali, lalo na sa pamamagitan ng pagpapabanal ng kanilang pang-araw-araw na gawain.

Ang mga sumusunod ay iilan sa mga pangunahing katangian ng espiritwalidad ng Opus Dei:

Ang kamalayan na tayo ay anak ng Diyos

Ayon kay San Josemaría Escrivá, ang tagapagtatag ng Opus Dei, “Ang pagiging anak ng Diyos ang sandigan ng espiritwalidad ng Opus Dei.”

Ang isang Kristiyano ay anak ng Diyos sa bisa ng sakramento ng binyag. Ang mga gawaing paghubog (formation) na ibinabahagi ng Opus Dei ay naglalayong palalimin ang kabatirang ito: sadyang ang Diyos ay ating Ama at nararapat tayong mamuhay ayon sa kalooban Niya.

Itinataguyod nito ang matatag na pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos, ang walang alinlangang pakikitungo sa Kanya, ang malalim na paggalang sa dignidad ng bawat tao, ang pagkakapatiran ng lahat, ang tunay na Kristiyanong pagmamahal sa daigdig at sa lahat ng nilikha ng ating Diyos Ama, at ang pag-uugaling may kahinahunan at tigib ng matiwasay na pag-asa.

Karaniwang pamumuhay

“Sa gitna ng mga pinaka-materyal na bagay sa mundo natin kinakailangang pabanalin ang sarili, sa paglilingkod sa Diyos at sa lahat ng tao,” ayon kay San Josemaría.

Ang pamilya, buhay mag-asawa, hanapbuhay at anumang pinagkakaabalahan sa bawat sandali ay mga karaniwang pagkakataon na makasama at matularan si Hesukristo: isinasakatuparan ang pagmamahal sa kapwa, pagpasensya, pagpapakumbaba, kasipagan, katarungan, kasiyahan, at iba pang mga katangiang makatao at Kristiyano.

Ang pagpapabanal ng trabaho

Ang paghangad ng kabanalan sa pangkaraniwang gawain ay nangangahulugang pagtupad nito ayon sa espiritu ni Hesus: pagsusumikap na magtrabaho nang maayos at tapat, alang-alang sa pag-ibig sa Diyos at paglilingkod sa kapwa. Sa ganitong paraan, ang pang-araw-araw na gawain ay siyang nagiging tagpuan natin ni Kristo.

Sa gayon, napapabanal ang daigdig mula sa kaibuturan nito. Naipapakita ang pag-iral ng Mabuting Balita sa lahat ng gawain, katangi-tangi man o payak at nakukubli — sapagkat sa mata ng Diyos, hindi sa makamundong tagumpay nasusukat ang halaga nito, kundi sa pag-ibig na ibinubuhos sa mismong paggawa.

Panalangin at sakripisyo

Ang paghubog (formation) na ibinabahagi ng Opus Dei ay nanghihikayat ng pagdarasal at pagsasakripisyo, alinsunod sa buhay Kristiyano. Naglalaan ng panahon ang bawat miyembro upang magnilay sa Bibliya at dumalo sa Banal na Misa araw-araw. Mahalaga rin sa kanila ang madalas na paglapit sa sakramento ng kumpisal. Bukod dito, may natatanging lugar sa kanilang mga puso ang pamimintuho sa Mahal na Ina.

Sa kanilang hangarin na matulad kay Kristo, sinisikap nilang magkaroon ng diwa ng penitensya sa pamamagitan ng paghahandog ng mga maliliit na sakripisyo, lalo na ang mga nakatutulong sa pagtupad ng kanilang tungkulin at sa pagpapabuti sa buhay ng kapwa, gayundin ang pagtitimpi, pag-aayuno, pag-aabuloy, at iba pa.

Kaisahan ng buhay (unity of life)

Ipinaliwanag ng tagapagtatag ng Opus Dei na hindi nararapat para sa Kristiyano ang magkaroon ng “matatawag na salawahang pamumuhay: sa isang banda, ang buhay espiritwal, ang pakikipag-ugnayan sa Diyos; at sa kabilang banda, isang hiwalay at naiibang buhay sa trabaho, sa lipunan at sa pamilya.” Bagkus, binigyang-diin ni San Josemaría na “iisa lamang ang buhay, na binubuo ng laman at espiritu. At ito nga ang dapat maging — sa kaluluwa at sa katawan — banal at puspos ng Diyos.”

Kalayaan

Ordinaryong mga mamamayan ang mga miyembro ng Opus Dei. Hindi naiiba ang kanilang mga karapatan at tungkulin sa kapwa kababayan, na kanilang mga kapantay.

Malaya at batay sa pansariling pananagutan ang pagkilos ng bawat miyembro sa larangan ng pulitika, sining at kultura, ekonomiya, atbp. Ang mga desisyon nila ay hindi kumakatawan sa Simbahang Katolika ni sa Opus Dei bilang mga institusyon, at ang kanilang mga personal na kapasiyahan ay hindi rin itinuturing bilang tanging mga solusyong Katoliko. Ginagalang ang kalayaan at pananaw ng iba.

Pag-ibig

Ang sinumang nakakakilala kay Kristo ay nakatagpo ng isang kayamanang hindi mapipigilang ibahagi sa iba. Ang bawat Kristiyano ay saksi ni Hesukristo at tagapagpalaganap ng Kanyang mensahe ng pag-asa sa lahat ng nakakasalamuha, sa pamamagitan ng halimbawa at salita.

“Kaisa ng ating mga katrabaho, kaibigan at kamag-anak, at sa pakikibahagi sa kanilang mga pinahahalagahan, matutulungan natin silang makalapit kay Kristo,” sulat ni San Josemaría.

Ang mithiing makilala ng lahat si Kristo, na siyang bunga ng pag-ibig (pagmamahal sa Diyos higit sa lahat at pagmamahal sa kapwa tulad ng sa sarili), ay hindi mapaghihiwalay sa hangaring makatulong sa mga pangangailangang materyal at suliranin ng lipunang ating ginagalawan.