"Ang pinakamagandang simbahan ni San Josemaria Escriva ay kayo!"

Archbishop Soc Villegas delivered his homily in Tagalog at the Shrine of St Josemaria Escriva in Gerona Tarlac on October 6, 2015.

Homily of Archbishop Socrates Villegas

Mga mimamahal kong kapatid kay Kristo:

Siguro ho, maiintindihan niyo kaming mga Obispo mula Pampanga, Nueva Ecija, Urdaneta, at Lingayen- Dagupan. Maiintindihan niyo ho kung bakit kami naiinggit kay Bishop Cinense. Kasi sa Pampanga, sa Pangasinan, at sa Nueva Ecija ay walo ho kami ng ganitong kagandang simbahan. Kauna-unahang simbahan ni San Josemaria sa Asya, kaisa-isa sa Pacific Region. Hindi ba naman kayo maiinggit kay Bishop Cinense.

Pero huwag ho kayong magagalit, gusto ko lang hong ipabatid sa inyo na hindi ho ito ang pinakamagandang simbahan ni San Josemaria Escriva, hindi ho ito. Sapagkat ang pinakamagandang simbahan ni San Josemaria Escriva ay kayo! [spontaneous applause] Mas maganda ho kayo kaysa sa simbahang ito.

Ang katunayan ho ay walang kwenta ang magandang simbahan kung walang tao na tumutulad sa mga banal. Ang nagpapaganda po ng simbahan ay hindi ang ginto, at bato, at pintura. Ang nagpapaganda po sa simbahan ay ang mga taong pumupunta dito para manalangin.

Naririto po ang relikya ni San Josemaria, naririto ang kanyang larawan, ina-alala natin ang kanyang buhay. Pero ano ang kwenta ng magandang simbahan, kung hindi natin tutularan ang ating patron na tinitingala.

Mas maganda kayo kaysa sa simbahang ito, sapagkat ang simbahang ito ay pinagtulong-tulungan na gawa ng tao. Pero kayo, gawa kayo ng Diyos, at walang ginagawang pangit ang Diyos. All of us are beautiful; all of us are good, because everything that God has created is good and beautiful.

Ano yung dapat natin tingnan kay San Josemaria Escriva? Naglalaro po sa aking isip, ano kaya ang kanyang IQ? Gaano kaya katalino si San Josemaria? Kasing talino kaya siya ni Saint Tomas Aquinas? Kasing talino kaya siya ni Santa Catalina ng Siena, mga pantas, doktor ng simbahan? Hindi ko ho alam. Hindi ko ho alam kung ano ang kanyang IQ o ano kaya yung kanyang EQ? Yung kanyang “Emotional Quotient”? Kasing taas kaya ni Saint John Paul II? Kasing taas kaya nung kay Pope Francis ang EQ ni San Josemaria? Hindi ko rin ho alam. Pero meron ho akong natitiyak. Natitiyak ko na kahit hindi ko alam yung kanyang IQ, hindi ko alam yung kanyang EQ, natitiyak ko na mataas yung kanyang WQ. Ano yun? Ang WQ po ay “Wonder Quotient.”

Yung kapasidad po ng taong makakita ng visions, yung kakayan po ng taong makakita ng magandangpangarap, to be able to see visions to be able to see dreams, to be caught in wonder, to be caught in awe, to be able to say Wow!, to be able to live in mystery and not explain the mystery. Natitiyak ko na si San Josemaria ay mataas ang WQ. Sapagkat kaya niyang mamuhay sa mga misteryo ng buhay. Kaya niyang mamuhay ng nangangarap. Kaya niyang mabuhay na yung kanyang pangarap ay kanyang tutuparin. Man of vision, man of mystery, man of awe, man of wonder.

Mga minamahal kong kapatid, hindi po lahat ng bagay ay mauunawaan natin sa lupa. Ang sandata natin dito sa lupa ay hindi paliwanag, ang sandata natin dito sa lupa ay hindi pagka-unawa, sapagkat marami tayong hindi mauunawaan, marami tayong hindi maiintindihan. Ang sandata natin dito sa lupa ay pananampalataya! That we can live with mystery, not burst the mystery, not turn away from mystery, but live in the mystery of God’s presence in our lives... mystery!

Naglalaro pa rin ho ang aking isip: Saan kaya nakuha ni San Josemaria ang kanyang kabanalan? Sa nanay o tatay? Sa barkada, sa eskwelahan, sa seminaryo? Sa kanyang pinag-aralan? Saan kaya niya nakuha ang kanyang kabanalan? Hindi sa paaralan, hindi sa pamilya, kundi sa Diyos.

A saint is somebody touched by the mercy of God. At walang sinumang tao na magiging banal na ayaw pahipo sa awa ng Diyos. Kailangan hayaan nating hipuin tayo ng awa ng Diyos at kapag hinipo tayo ng awa ng diyos, alam natin na tayo ay makasalanan, makasalanan sa lahat ng mga makasalanan. Maaari tayong bumangon at maging banal.

Mercy... sa paghahanda natin sa Jubilee Year of Mercy, na sisimulan natin sa Disyembre, si San Josemaria Escriva ay naririto, bilang halimbawa, bilang pari ng awa ng Diyos. At isa sa kanyang pinakamamahal na debosyon, isa sa kanyang pinakamamahal na gawain para sa Diyos ay ang lumuhod sa kumpisalan. Lumuhod Fathers, hindi umupo. Because our first duty in the confessional is not to sit but to kneel as penitents. At kapag sanay tayong humingi ng tawad, magiging madali rin ang magbigay ng tawad. Kaya tayo nahihirapang magbigay ng tawad ay sapagkat natatakot tayong humingi ng tawad sa Diyos. Kaya tayo nag-aalanganin na magpatwad sa makasalanan ay sapagkat nakalimutan na nating lumuhod at magsabing, “Panginoon, maawa ka.”

A man of mystery, a man of mercy. At kung totoo na siya ay banal, ang kanyang pamana sa simbahan ay ang misyon ng kabanalan - the mission of holiness, the call to holiness day by day, minute by minute. Natutuwa po ako doon sa drive-thru na pwede nating dalawin ang Blessed Sacrament sa likod ng simbahan. Hindi lang po ako natutuwa. Naiintindihan ko po kung bakit. Sapagkat ang kabanalang pinamamahagi ni San Josemaria ay ang pabanalin ang bawat sandali ng magdamag at maghapon. The mission of holiness is the mission of all.

Mga minamahal na kapatid, uulitin ko po pwede nating itaas ang ating noo at sabihin natin sa simbahang ito, mas maganda ako sa iyo. At patutunayan natin ang ating kagandahan, sa pamamagitan ng pagtulad kay San Josemaria Escriva, sa pagtulad sa kanyang pagyakap sa misteryo ng buhay, sa pagtulad sa kanyang pagsunod sa “Mercy” ng Diyos, sa pagtulad sa kanyang pagyakap sa kanyang misyon na pabanalin ang maghapon at magdamag.

San Josemaria Escriva, kami po ay inyong ipanalangin upang ang bawat isa sa amin ay maging larawan ng tunay na kabanalan. Amen.